Pinoy Weekly

Kuwento ni Garry: Danas at pakikibaka ng isang migrante

Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, sa pakikipanayam sa midya. (Soliman Santos / PW File Photo)

Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, sa pakikipanayam sa midya. (Soliman Santos / PW File Photo)

Noong 1991 unang naranasan ni Garry Martinez ang mangibang-bayan.

Una pa lang, hindi na agad maganda ang kanyang karanasan. Naging biktima siya ng illegal recruiter. “Tourist lang ang nakalagay sa ginamit kong pasaporte,” kuwento niya. Pagdating sa Korea, ibinenta si Garry ng rekruter sa isang sweat shop, sa halagang US$300.00. Isang pabrika iyon na gumagawa ng mga bed sheet. Walang anumang paghahanda, isinabak siya sa trabaho. May karanasan siya sa pananahi noong nasa Pilipinas siya, pero hindi kinaya ni Garry ang bigat ng gawain sa sweat shop.

Labing anim na oras kasi silang pinagtatrabaho. Ilang araw pa lang ay nagkasakit na siya. Ang mahirap, walang benepisyong nakalaan sa kanya dahil hindi naman siya dokumentado.

“Wala akong nagawa. Bukod sa mabigat na trabaho, itlog at kimchi lang ang ipinakakain sa amin ng amo,” kuwento pa ni Garry. Bawal lumabas. Sa loob ng anim na buwan, inatake siya ng pangungulila sa pamilya lalo na’t hindi sumusulat ang mga ito sa kanya gayong madalas siyang magpadala ng liham. “Gusto ko nang magtampo sa pamilya ko hanggang matuklasan kong itinatago pala ng amo ko ang mga sulat na ipinapadala ko.”

Matapos ang isa at kalahating taon nang pagtitiis, nagbalak tumakas si Garry sa kanyang amo. Hindi na siya makatiis. “Siniguro ko lang na may pambayad na akong replacement fee na inutang ko at kaunting perang naipadala sa pamilya ko,” aniya. Noong 1990 kasi, paalis na rin sana si Garry patungong Kuwait. Kaya lang naabutan siya ng giyera sa bansang iyon noong taong iyon. Hindi na siya natuloy, di pa nabawi ang binayarang replacement fee sa recruitment agency. Desidido siyang di mauulit iyon noong nasa Korea na siya.

Pagtakas at pakikisalamuha

“Sa tulong ng isa ring OFW, tumakas kami at nakalipat sa ibang pabrika noong Nobyembre 1992,” ani Garry. Gumaan ang trabaho, pero ganoon pa rin – 12 oras ang trabaho kada araw.

Panahong ito unang naranasan ni Garry makisalamuha sa sa mga kapwa migranteng Pinoy. “Doon ko nakita ang kalagayan ng iba pang OFW na hindi nalalayo sa kalagayan ko. Ang iba, mas masahol pa,” sabi pa niya.

Noon din si Garry unang nagboluntir para sa First Filipino Community, isang organisasyong pinamumunuan ng simbahan na tumutulong sa mga Pilipinong nasa hindi magandang kalagayan sa Korea. Lalo nalantad sa kanya ang mga problemang kinakaharap ng mga OFW. Napakaraming lumalapit sa kanila na iba-iba ang problema: mayroong hindi pinasusuweldo, mayroong walang matirahan, walang makain, walang matulugan.

Kahit na nagtatrabaho pa rin, naging masigasig si Garry sa pinasukang organisasyon. Naging matunog ang pangalan niya sa maraming OFW. Panahong ito unang nagsidulog ang problemadong mga kapwa OFW. “May pagkakataong 18 katao ang nagkasabay-sabay sa paglapit sa akin,” alala niya. Ganoon kaproblemado ang mga OFW sa Korea.

Tulong sa kapwa migrante

Lalong napabantog ang pagiging matulungin ni Garry nang minsang ayaw tanggapin ng isang ospital doon ang isang Pilipina dahil hindi ito “dokumentado”. “Ang ginawa ko, hinarangan ko ang ambulansiya (ng ospital),” sabi niya. Hindi siya pumayag na makaalis ito nang hindi sakay ang kawawang kababayan. Dahil doon, tinanggap ng ospital ang Pilipina. Sa balita ni Garry, buhay pa rin hanggang ngayon ang naturang OFW.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2152

Posted by on Jun 22 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Kuwento ni Garry: Danas at pakikibaka ng isang migrante”

  1. ronnie rosello

    hello garry,
    kamusta kana hopefully ay nasa mabuti kang kalagayan…..kamusta na rin si josie at kim….regards sa kanila….

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes