Pinoy Weekly

Malinaw ang naging paningin ni Nanay Perlita sa dapat na landas ng kababaihang manggagawa

Naitayo naman nila ang kanilang unyon sa tulong ng Association of Democratic Labor Organization-Kilusang Mayo Uno (ADLO-KMU). Naging tagapangulo siya nito noong 1983. Dahil sa unyon, nagawa ng mga manggagawang pumasok sa mga collective bargaining agreement (CBA). Isa sa mga naging bunga ng kanilang CBA ay ang paglilingkod niya sa unyon nang full-time sa loob ng tatlong taon. Dahil dito, lubos niyang nagampanan ang kanyang mga tungkulin sa unyon at nakalahok sa iba’t ibang kampanya – sa pagawaan man o sa pambansang antas.

Nang magdeklara ng pagkalugi at saka nagsara ang pagawaang ito noong 1994, nanguna si Nanay Perlita sa pabubuo ng kooperatiba gamit ang mga makinang ibinigay sa mga manggagawa bilang bahagi ng kanilang bayad.

Lider ng manggagawang kababaihan

Sa dokumentasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE), Marso 1984 nabuo ang Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK). Simula’t sapul, isa si Nanay Perlita sa mga pinaka-aktibong kasapi nito. Sa kongreso ng organisasyon noong 1986, nahalal siyang tagapangulo ng balangay nito sa National Capital Region. Dito siya nagsimulang mag-organisa ng mga babaing manggagawa sa iba’t ibang pagawaan. Kabilang sa mga pagawaang ito ang Fortune Tabacco, Top Form, Rubber World, World Fashion, JPC, Triumph, Pepsi at Century Canning.

Naging pambansang tagapangulo si Nanay Perlita ng KMK sa loob ng sampung taon mula 1987. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ipinaglaban ng KMK ang pagtatayo ng manedsment ng mga pagawaan ng day-care center para sa mga anak ng manggagawa, apat na buwang maternity leave, maternity benefits at breast feeding benefits. Lumahok din ang KMK sa pangkalahatang mga kampanya ng kilusang paggawa para sa dagdag-sahod at benepisyo ng mga manggagawa. Aktibo din ang grupo sa pagkilos laban sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pambansang isyu. Isa din si Nanay Perlita sa mga nanguna sa mga piket sa DOLE, Kongreso at Senado.

Samantala, ilan sa mga organisasyong kinabilangan at pinamunuan niya ang FTI Labor Alliance, Almakamay o Alyansa ng mga Manggagawa sa Timog Kamaynilaan, Almiras o Alyansa ng mga Department Store Women Workers, Almades o Alyansa ng mga Manggagawang Kababaihan sa Dasmariñas, Cavite.

Liban sa mga unyon, aktibo din siya sa pag-oorganisa ng mga residente ng maralitang komunidad sa Taguig, Makati, Las Piñas, Pasay at Muntinlupa.

Madalas din niyang katawanin ang kababaihang manggagawa sa internasyunal na mga kumperensiya sa mga bansa gaya ng Nepal, Malaysia, Indonesia, Hong Kong at The Netherlands. Dalawang kumperensiya ng International Labor Organization ang kanyang nadaluhan.

Pagbabahagi ni Nenita Gonzaga, tagapangulo ng KMU-Women, mahusay na lider si Ka Perlita. “Tumataginting ang kanyang boses at napakahusay niyang gumamit ng salita,” dagdag pa ni Gonzaga.

Huling sandali

Ayon sa mga kasamahan ni Nanay Perlita sa KMK, lagi’t lagi niyang pinapaalala na “ang mga manggagawa ay hindi dapat nagpapakupot sa loob ng pabrika.” Alam dapat nila ang kanilang mga karapatan at handang ipaglaban ang mga ito. Paliwanag niya, “Makakamit lamang ng mga manggagawa ang kanilang mga kahilingan sa pamamagitan ng tuluy-tuloy at kolektibong pagkilos.” Kailangan itong palalimin sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa pambansang kalagayan, aniya.

Mapagmahal, matulungin at malapit sa lahat ng kanyang kasamahan si Nanay Perlita kaya’t malungkot sila nang unti-unti siyang igupo ng karamdaman.

Sa mga huling bahagi ng kanyang buhay, lumabo na ang kanyang paningin dahil sa katarata na dumapo sa kanyang mga mata noong taong 2000. Makalipas ang tatlong taon, napilitan siyang huminto sa pagkilos dahil dito. Noong 2004, tuluyan na siyang nawalan ng paningin. Kuwento ng kanyang mga kasamahan sa KMK, sasailalim sana siya sa operasyon sa tulong ng pondo ng Anakpawis Partylist sa Philippine General Hospital (PGH) nang ipitin ng pamahalaang Arroyo ang nasabing pondo.

Sa kabila nito, patuloy pa rin siya sa pagdalo sa mga mobilisasyon at mga pag-aaral. Para di mahuli sa pinakahuling mga kaganapan sa bansa, nakikinig siya sa radyo at nagpapabasa ng diyaryo kay Edith.

Dinala siya sa PGH dala na rin ng rekomendasyon ng mga kasamahan sa organisasyon. Liban sa diabetes, mayroon din siyang hypertension at sakit sa puso.

Madaling araw ng Hunyo 21, tuluyan nang binawian ng buhay si Nanay Perlita. Ilang araw makalipas nito, inalayan siya ng kanyang mga kasamahan, kaibigan at kapamilya ng isang parangal sa buhay na kanyang inalay para sa pagsusulong ng interes ng mga kababaihang manggagawa.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2303

Posted by on Jun 29 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes