Importasyon ng bigas: korupsiyon at krisis
Di pa rin nagsasarili
Umano’y ipinakikita ng kontrobersiyal na pag-angkat ng overpriced na bigas mula Vietnam na wala pa rin ang gobyernong Arroyo sa balangkas ng pagsasarili-sa-pagkain kundi patuloy na umaasa sa pag-aangkat, sang-ayon sa patakaran ng liberalisasyon ng agrikultura.
Simula noong 2000, umaangkat ang bansa ng 1.53 milyong MT ng bigas taun-taon o halos 6% ng bigas na kinakalakal sa buong daigdig, ayon sa datos ng United States Department of Agriculture.
Samantala, wala pang isang porsiyento ng lokal na produksiyon ng bigas ang binibili ng NFA.
Patuloy namang naghihirap ang mga magsasaka sa mababang presyo ng palay na ibinibili ng gobyerno at ng mga mangangalakal (farmgate price) at ang papataas na gastos sa produksiyon.
Nababahala si Senador Loren Legarda sa pagpondo ng gobyerno nang malaki para sa importasyon ng bigas, habang binabarat naman ang suporta sa maliliit na magsasaka ng palay. “Sa malayong tanaw, may pangangailangan ang Pilipinas na tumigil sa pagiging palaasa sa importasyon para sa batayang pagkain ng mga mamamayan,” aniya.
Nananatiling atrasado sa kalakhan ang agrikultura ng bansa, na binibigyan lamang ng halos 2% ng pambansang badyet taun-taon.
Ayon sa Oxfam International, ngayon pa lamang, dapat pinaghandaan na ang napipintong pagbagsak ng lokal na produksiyon ng palay sa 50-70% porsiyento sa 2020 nang dahil sa climate change o pagbabago ng klima.
Pero walang indikasyong may pag-atras ang gobyernong Arroyo sa kapasyahang panatilihing numero-unong taga-angkat ng bigas sa daigdig ang Pilipinas, magdulot man ito ng krisis sa bigas sa loob at labas ng bansa. Marahil, dahil may nakikinabang.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2730













