Tagumpay ng mga bida ng lansangan
Mungkahing buwis
Samantala, imungkahi kamakailan ng World Bank (WB) na itaas ang buwis sa mga produktong petrolyo para makalikom ng dagdag na pondo ang pamahalaang Arroyo.
Kinokondena din ito ng KMU. “Tiyak na ipapasa lamang ng Big Three sa taumbayan ang dagdag sa buwis sa taumbayan, na hirap na hirap na sa taas ng presyo ng bilihin at mababang sahod,” sabi ni Labog.
Sa kasalukuyan, mayroon nang tatlong porsiyentong import tariff at 12 porsiyentong value-added tax (VAT) ang mga produktong petrolyo. Bilyun-bilyon ang koleksiyon ng pamahalaan kada taon mula sa buwis sa langis, na nagmula naman sa mataas ng presyong pinapasan ng mga konsyumer.
Malaki ang epekto nito sa ordinaryong tsuper at sa kanyang pamilya. Sa kalkulasyon ng Piston, dahil sa P9.00 na ipinapataw na buwis kada litro ng mga produktong petrolyo, may P270.00 na bawas sa arawan at P100,000 naman sa taunang kita ng mga tsuper.
Bayarin at korupsiyon sa lansangan
Dagdag bayarin naman ang ipinataw sa mga tsuper sa bawat paglabag ng mga ito sa batas trapiko mula nang ipatupad ang Department Order (DO) 2008-38 at 39 ng Department of Transportation and Communication (DOTC).
Sa kalkulasyon ng KMU, umaabot ng 200 porsiyento ang itinaas ng mga multa. Narito ang itinaas na bayarin at multa ng DOTC:
| Bayarin | Noon | Ngayon |
| Professional driver’s licence | P240.00 | P350.00 |
| Non-professional driver’s licence | P180.00 | P350.00 |
| Conductor’s licence | P262.80 | P350.00 |
| Student permit | P50.00 | P150.00 |
| New application fee | P25.00 | P100.00 |
| Multa | ||
| Unreasonable refusal to convey passengers | P1,000.00 | P1,500.00 |
| Discourteous drivers and/or conductors | P400 | P500 |
Ayon sa Piston, patunay lamang ang dagdag multa at bayarin sa “desperasyon” ng pamahalaang Arroyo na “makapiga ng pondo” mula sa mga tsuper. Sa halip umano na singilin ang malalaking korporasyon at tax evader, sa maliliit na mamamayan kinukuha ang pambuhay sa bumabagsak na revenue ng bansa.
Pinag-uugatan din umano ito ng talamak na korupsiyon sa lansangan. “Napipilitan na lamang ang mga tsuper na manuhol sa tiwaling mga pulis at traffic enforcer sa halip na magbayad ng malaking multa,” sabi ni San Mateo.
(Tingnan ang kaugnay na artikulo: Beep, beep, beep: busina ng tsuper sa pagmamalabis)
Di titigil
Patuloy na magsasagawa ang Piston at iba pang mga grupo ng mga kilos-protesta bilang “kolektibong ekspresyon” laban sa diumano’y sabwatan ng Big Three at ng pamahalaang Arroyo para mapagsamantalahan ang mga tsuper at konsyumer.
Inirereklamo nila na nagsisilbi ang Department of Energy, na “tagapagtanggol” ng mga kompanya ng langis tuwing may panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Dagdag pa ng KMU, pinakahuling patunay ng “sabwatan” ng pamahalaan at mga kompanya ng langis ang tangkang pamamaslang noong araw din ng tigil-pasada kay Joel Ascutia, presidente ng tsapter ng Piston sa Bicol. Binaril si Ascutia sa tapat ng estasyon ng gasolina sa Daraga, Albay bandang 4:20 ng umaga ng dalawang di pa nakikilalang kalalakihang lulan ng motorsiklo.
Sa mga ahente ng pamahalaan isinisisi ng mga grupong pangkarapatang pantao ang mga ekstra-hudisyal na pamamaslang ng mga aktibista.
Sa minimum, hinihiling ng Piston at KMU na sumailalim sa auditing ang Big Three para malaman ng publiko ang aktuwal na kita ng mga ito mula sa mga patong sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Pero sa huli, sinabi nilang ang pagreregula at pagsasabansa ng industriya ng langis ang “natatanging solusyon” sa problema, hindi ang patingi-tinging rollback sa presyo. Bagaman tagumpay ang huli ng mga bida sa lansangan noong Hulyo 13, pansamantala ito at maaaring mabawi rin anumang oras.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2747













