Wikang Filipino bilang puhunan?
Ganito na po ang pamantayan ng mga nasa kapangyarihan, at sa ganitong konteksto din natin dapat suriin ang kawalan ng interes ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na pahusayin ang kanyang paggamit sa wikang Filipino.
Para sa katulad kong ginagamit ang wikang Filipino at Ingles sa pagsusulat at pagtuturo, wala po akong intensiyong pagbanggain ang dalawa. Pero tratuhin po sana natin ang Ingles bilang ikalawang wika lamang, isang klase ng wikang maaari namang matutuhan basta’t una muna nating palakasin ay ang sariling wika.
Oo, posible namang maging lingua franca sa Pilipinas ang wikang Ingles, tulad ng kaso sa mga bansang Australia at Canada. Pero kailangang tandaang ang anumang pagtanggap sa dayuhang wika ay may epekto sa pambansang identidad. Matindi ang epekto ng pananakop ng mga dayuhan (lalo na ng mga Amerikano) sa ating mentalidad, at makakaasa tayo ng lalo pang pagpapalakas ng kolonyal na oryentasyon ng ating kultura. Sa larangan naman ng ekonomiya, lalong magkakaroon ng susing papel ang mga dayuhan, lalo na ang mga Amerikano, kahit na nangangahulugan ito ng dominasyon sa lokal na pamilihan.
Isipin mo na lang: Kung ang wikang Ingles ay magiging lingua franca sa pamamagitan ng pagsasabatas ng pagtuturo nito’t paggamit sa lahat ng porma ng opisyal na komunikasyon, wala nang dahilan para sa mga mamamayang pag-aralan ang wikang Filipino na pangunahing salik sa pagpapalaganap ng ating kinagisnang kultura. Kung sabagay, ang malinaw na perspektiba ng mga nasa kapangyarihan ay paglingkuran ang dayuhan, kaya hindi nila kinikilalang problema ang unti-unti nang pagkamatay ng ating kultura.
Kailan magiging puhunan sa pag-unlad ang wikang Filipino? Para mo na ring tinanong kung kailan ba magkakaroon ng makabuluhang pagbabago, na dapat simulan sa pagpapatalsik sa Pangulong hindi sanay gumamit ng wikang Filipino.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2762














[...] N.B. – This was published in the July 10-16, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/wikang-filipino-bilang-puhunan/. [...]
sana hindi nalang tayo magpadala sa ganitong isyu dahil para na rin nating tinanggap na balang araw mawawala nga ito.
Magandang araw po.
Nalulugod po ako sa inyong artikulo. Marahil marami ang masasagasaan, pero bato bato sa langit tamaan ay huwag magalit.
“Ang wika ang pag-iisip ng bayan” ika nga ni Jose Rizal. Kaya’t ang aming pangkat ay naglunsad ng isang kilusan sa pagpapalawig ng Wikang Filipino. May bansag ang kampanya na Oplan:WIFI 2035. Hangarin nito na kilalanin bilang isang wikang internasyunal ang Wikang Filipino sa taong 2035. Gayundin, isinusulong din nito ang pagsusulat ng mga lathalain sa ibat ibang larangan gamit ang wikang Filipino.
Isang website ang aming binuksan upang itaguyod ang adhikain ito. Naglalaman ito ng mga artikulo tungkol sa wika. Ang site ay http://kawika2010.wordpress.com
Kaugnay din po ng inyong artikulo, mayroon din po akong naisulat tungkol sa paggamit ng wika sa pagsusulat. May pamagat na “Bakit ako magsusulat sa Wikang Filipino?” at naka-post ito sa Kawika blogsite. Hangad ko rin na mailathala bilang pamphlet ang artikulo upang maabot ang mas maraming tao na hindi nagbabasa ng artikulo sa internet. Ngunit sa kasalukuyan ay wala pa po akong puhunan upang ipalimbag ito.
Sa pamamagitan ng pagbibigay komento sa inyong artikulo, hangad ko na maibahagi din ang gawain ng aming samahan tungkol sa pagpapalawak ng Wikang Filipino
Tulad ninyo hangad namin na isulong at itaguyod ang Wikang Filipino.
Mabuhay kayo at maraming salamat.