Larga Vista

Ang masalimuot kong paglaya at ang naiwan pang mga nakapiit


Sagot ko’y kailan pa naisabatas na bago makalabas sa bilangguan ang may release order ng korte ay kailangan pa ng pag-apruba ng kapulisan at militar. Dumarami na ‘ika ko ang nagha-hunger strike bilang suporta, maging ilan sa mga ordinaryong pulis at nasa Witness Protection Program ay sumisimpatiya na rin. At sa bawat araw na pagtagal […]

Sagot ko’y kailan pa naisabatas na bago makalabas sa bilangguan ang may release order ng korte ay kailangan pa ng pag-apruba ng kapulisan at militar. Dumarami na ‘ika ko ang nagha-hunger strike bilang suporta, maging ilan sa mga ordinaryong pulis at nasa Witness Protection Program ay sumisimpatiya na rin. At sa bawat araw na pagtagal ko, nadagdagan pa ang mga sumuporta sa akin. Gayundin, araw-araw ay may sulat sa editoryal ng mga pahayagan na binabatikos ang patuloy na pagkulong sa akin. Gusto ba ninyo,‘ika ko, ng isyu gayung nalalapit na ang SONA ni Gloria?

Tanong ko pa, bakit parang kontra pelo kayo sa peace negotiation? Hindi ba ninyo alam na National Democratic Front (NDF) consultant ako at gumagana na ang Joint Agreement on Safety ang Immunity Guarantees (o JASIG) noon pang July 17 na gumagarantiya na hindi ako dapat makulong at sa halip ay malayang makakilos para sa usaping pangkapayapaan? Seryoso ba, ika ko, ang GRP sa mga pahayag nito sa usaping pangkapayapaan? Bakit hindi naiimplementa ang JASIG?

Matapos ang kulang isang oras, nagsabi na ang opisyal ng pulis na palalayain na ako. Ito’y matapos ang dalawang linggo mula nang ibaba ang aking release order. Nag-impake na ako, nagbihis, nagpaalam sa mga kababaihang detenido at nag-endorso ng hahaliling mayora sa akin.

Salamat sa tamang taktika ng aking mga abogado, sa suporta ng pamilya, sa pursigidong kilusang masa para sa karapatang pantao at sa walang takot na protesta ng mga kapwa detenido sa paniniil.

Ang aking mga naiwan

Sa paglabas, nagpasalamat ako sa lahat ng mga sumuporta sa akin. Nataong nasa visitors’ area si Randal Echanis na nadaanan ko. Ang habilin niya: “Magsalita ka sa patuloy na pagkakabilanggo naming mga NDF consultants.”

Oo, ‘ika ko.

Maliban kay Randy, naiwan ko pa rin sila Eduardo Serrano, Eduardo Sarmiento, Jovencio Balweg sa pangangasiwa ng Philippine National Police sa Crame. Maging sila Randy Felix Malayao, Iglicerio Pernia, Angelina Ipong, Emeterio Antalan, Jaime Soledad at Edgardo Friginal sa iba’t ibang bilangguan sa buong bansa. Sila Rafel Baylosis at Vic Ladlad nama’y hindi makalabas dahil hindi pa iniaatras ang mga sampang kaso laban sa kanila.

Palayain ang mga bilanggo at i-atras ang arrest warrant sa mga NDF consultants upang maituloy ang usaping pangkapayapaan!