Pinoy Weekly

Dukot: Pelikulang nakatali ang pusod sa hustisya

Sina Raquel Villavicencio, Robert Arevalo, at Gina Alajar ang gumanap ng mga magulang nina Junix at Maricel, habang si Snooky Serna naman ang gumanap na tagapagsalita ng grupong pangkarapatang pantao. (Dennis Evangelista)

Sina Raquel Villavicencio, Robert Arevalo, at Gina Alajar ang gumanap ng mga magulang nina Junix at Maricel, habang si Snooky Serna naman ang gumanap na tagapagsalita ng grupong pangkarapatang pantao. (Dennis Evangelista)

Hindi simpleng love story

Inilabas ang music video ng soundtrack nitong “Mahal Kita Habambuhay” kung saan ipinapakete ang pelikula bilang isang love story. Sa malamang, may sariling konsiderasyon ang mga prodyuser ng Dukot para sa pagpapaketeng ganito. Pero may magandang sorpresang matutuklasan ang mga nangangamba na baka komersiyalisado ang pagtrato sa love story na ito.

Oo’t mahahalina ang mga manonood sa pisikalidad nina Calzado at Dizon, pero hindi ito inabuso ng direktor/manunulat gaya ng kung papaano ito inaabuso ng mga gumagawa ng ibang pelikulang mainstream. (Katunayan, may manonood pa nga sa likod ko noong sneak preview ang pabulong na nagkomento sa isang eksena na “sana nakalugay ang buhok” ni Calzado, bagay na pinasalamatan kong hindi.)

Kung kikiligin ang manonood sa mga eksena ng ligawan ng dalawang bida, magagalit din naman sila nang ang brutalidad ng Estado ang sumusubok-nagbibigkis sa kanilang pag-iibigan. Sumasapat ang dayalogong simple (hindi sumadsad sa pagiging sobrang romantiko), dahil sa husay ng pag-arte nina Calzado at Dizon.

Gayundin, binigyan ng parehong diin ang paghahanap ng mga magulang nina Junix (Raquel Villavicencio at Robert Arevalo) at Maricel (Gina Alajar), masasabing isang natatanging proseso ng “pagkamulat” ng kaanak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Nakabatay ang kanilang karakter sa mga personahe gaya nina Editha Burgos, ina ni Jonas at tagapagsalita ng grupong Desaparecidos, at Evangeline “Nanay Evan” Hernandez, ina ng pinaslang na kabataang si Benjaline Hernandez at tagapagsalita ng alyansang Hustisya. Sila ang mga naitulak ng sirkunstansiya na makisangkot sa mga usaping pampulitika.

Nakisalamuha sa kanila sina Alajar bago at habang ginagawa ang pelikula. Marahil nakatulong ito sa pagpapalalim sa kanilang karakter. Gumampan din ng maliliit na papel sa pelikula sina Nanay Evan at ilang kaanak ng mga biktima ng pagdukot, gayundin ang ilang mga kabataang aktibista. Hindi man mapansin ng ordinaryong manonood, marahil na nakatulong ito sa paglikha ng makatotohanang atmospera.

Sa usapin lamang ng pagiging makatotohanan, posibleng naparami ang mga insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay na nakakabit sa iisang istorya ng pagdukot. Sa isang banda, dramatisasyon nga naman ito ng mga posibilidad ng aktuwal na sitwasyon may higit sa 1,000 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo, na sinasaklaw ang iba’t ibang tipo ng sibilyan—mula human rights worker hanggang sa journalist hanggang sa kaanak ng aktibista (na lahat nabiktima sa Dukot). Nagsisilbi rin itong mga punto ng panibagong aksiyon.

Pero sa kabilang banda, may tendensiyang maiwan sa ere ang mga kaso o karakter na ito, at mawala ang nakagugulat at nakagagalit na epekto ng mga pagpatay dahil sa pagpapaulit-ulit.

Matapang

Walang makapagpasusubali, gayunpaman, na ang Dukot ang pinakamatapang na pelikula na ginawa sa matagal-tagal na ring panahon. Mismong ang pagpapatampok sa mga organisasyong binabansagan ng Estado bilang mga prenteng komunista, malaking hakbang para sa isang pelikula ngayon (bagaman kung tutuusin, duwag na lumalaro lamang sa kamay ng Estado ang sinumang artistang takot makipag-ugnayan sa mga organisasyong ito).

Makapangyarihan at mahirap kalimutan ang mga eksena ng tortyur. Pangahas at nakaaantig ang pananalita ni Alajar sa kilos-protesta ng mga kaanak ng mga dinukot. At ito pa lamang ang pelikulang nagpatikim sa manonood ng tinatawag ng mga NPA na “rebolusyonaryong hustisya.” (Ayon kay Ilagan, ang eksenang iyon ay hindi rin kathang-isip kundi batay sa isang ulat ng Pinoy Weekly hinggil sa aktuwal na pag-iral ng rebolusyonaryong hustisya sa Bikol.)

Sina Allen Dizon at Iza Calzado, kasama ang direktor na si Joel Lamangan, sa isa sa pinakamatapang na pelikulang pinupuntirya ang gobyernong Arroyo sa mga paglabag sa karapatang pantao. (Dennis Evangelista)

Sina Allen Dizon at Iza Calzado, kasama ang direktor na si Joel Lamangan, sa isa sa pinakamatapang na pelikulang pinupuntirya ang gobyernong Arroyo sa mga paglabag sa karapatang pantao. (Dennis Evangelista)

Direkta nitong pinuntirya ang Estado—at si Pangulong Arroyo pa nga—na salarin ng mga pagdukot at pamamaslang. Dalawang beses lumabas ang litrato ng pangulo, nakasabit sa opisina ng militar na pinuntahan ng mga kaanak sa paghahanap. Sa maikling pelikulang Unang Araw na bahagi ng seryeng Rights noong 2007, ang paglabas din ng litrato ni Arroyo ang isa sa mga dahilan ng pagsensura dito ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Halos inaasahan na nina Lamangan at Ilagan na haharangin ng MTRCB ang Dukot. Puwedeng idahilan ang ahensiya ang lagi nitong idinadahilan, na sedisyoso ang pelikula, na hinihikayat nito ang paglaban sa gobyerno. Pero naghahanda na rin ang iba’t ibang organisasyon na labanan ang posibleng pagsensura. Kasabay nito ang paghahanap ng mga prodyuser ng pelikula ng alternatibong mga venue para ipalabas ito—sa mga screening sa mga paaralan at komunidad, sa internasyunal na komunidad na mas kumikilala sa mga indipendiyenteng pelikula.

Maipalabas man sa mga komersiyal na teatro o hindi, siguradong maliligalig ang Estado ng Dukot, dahil tiyak na maliligalig nito ang kamalayan ng sinumang manonood nito. Ang pampublikong imahinasyong mapupukaw at galit na masisindi, magiging bahagi ng nagpapatuloy na kuwento ng paghahanap ng hustisya para sa mga iinapi at niyuyurakan ang karapatan, sa mga umiibig nang dalisay sa kapwa at sa bayan.

Ayon ng sa manunulat at kritiko na si John Berger, “Hindi ko masasabi kung ano ang ginagawa ng sining at kung papaano, pero alam kong madalas nitong hinuhusgahan ang mga nanghuhusga, naghihiganti para sa inosente, at ipinapakita sa kinabukasan ang mga ipinagdusa ng nakaraan, kaya hindi ito nalilimutan…

Alam ko rin na pinangangambahan ang sining ng mga may-kapangyarihan, anuman ang porma nito, kapag nagagawa niya ito. Sa mamamayan ang sining ay minsan parang alamat, dahil binibigyan nito ng katuturan ang hindi magbigan ng katuturan ng mga brutalidad ng buhay, at sa ganitong diwa pinagkakaisa tayo dahil sa huli, nakatali ang pusod nito sa hustisya.”

Kamakailan, binigyan ng MTRCB ang Dukot ng rating na R-18, ayon kay Bonifacio Ilagan. –Ed.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3720

Posted by on Aug 31 2009. Filed under Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes