Pinoy Weekly

Hinahamon kita, Carlo J. Caparas!

Sa usapin naman ng pelikula, maraming nagsasabing terible ang mga ginawa mo, lalo na ang tinaguriang massacre films na mas nais mong tawaging justice films. Anuman ang tawag sa kanila, paano napapaunlad ang kultura ng Pilipinas ng mga pelikulang tulad ng Kuratong Baleleng at The Cory Quirino Kidnap Story? Oo nga’t pinilahan at kumita ang mga ito sa takilya, pero hindi naman ito usapin ng popularidad.

Kaya bang maihanay ang kahit isang pelikula mo sa husay ng Orapronobis (1989) at Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (1976) na ang mga direktor ay mga Pambansang Alagad ng Sining na sina Lino Brocka at Eddie Romero? Ito ay ilan lang sa mga pelikula nilang patuloy na pinapapanood sa mga estudyante (at lubhang kailangang ipalaganap sa mas marami pang tao) dahil sa malalim nitong mensahe sa kalagayan ng ating lipunan.

Duda ako kung may matinong propesor na magpapapanood ng pelikula mong Tirad Pass: The Story of Gen. Gregorio del Pilar (1997). Ano ba ang karapatan mong baguhin ang kasaysayan? Sa iyong pelikula, ang lider ng Katipunan na si Andres Bonifacio ay pinatay ng mga Kastila, samantalang alam nating malaki itong kabalintunaan. Hindi ko na iisa-isahin pa ang maraming kahinaan ng pelikulang ito. Pero kung ito ang sukatan ng kahusayan sa paggawa ng pelikula, lubhang naging mababa na ang pamantayan ng Malakanyang sa paggawad ng pinakamataas na karangalan ng bansa.

Sa puntong ito, dalawang hamon lang ang nais kong ibigay sa iyo.

Una, hikayatin mo ang Malakanyang na mag-organisa ng isang Carlo J. Caparas Film Festival na kung saan ipapalabas nang libre ang lahat ng iyong mga pelikula, lalo na ang tinatawag mong justice films. Kailangang imbitahin ang mga kilalang kritiko, direktor at artista hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa (sana’y makapunta ang mga katulad nina Quentin Tarantino at Ang Lee). Sa pagtatapos ng bawat screening, dapat na kunin ang opinyon nila sa husay ng iyong obra.

Ikalawa, ipalaganap mo ang lahat ng iskrip para sa mga komiks na sinulat mo. Alam kong napakarami na ang iyong naisulat, pero gusto kong malaman kung totoo ang kumakalat na balita sa Internet na ang tipikal na iskrip na ginawa mo noong dekada 1980 ay ganito:

Frame 1. Same scene of last frame of previous chapter.

Frame 2. Same scene pa rin, nag-uusap.

Frame 3. Bahala ka na.

Frame 4. Bahala ka na.

Frame 5. Nagsuntukan.

Frame 6. Change angle.

Frame 7. Your angle.

Frame 8. Bahala ka na.

Kung totoo ito, anong klaseng gabay ang binibigay mo sa iyong mga dibuhista?

Madali para sa iyong ipagwalang-bahala ang mga batikos sa iyo, lalo na ang simpleng dalawang hamon ko sa iyo. Pero tandaan mong sa pagtanggap mo ng titulong Pambansang Alagad ng Sining, habambuhay mong kailangang dalhin ang iyong papel at lapis para patunayang marunong kang magdibuho, na napakalaking kaibahan sa iba pang nanalo sa larangan ng sining biswal na walang kailangang patunayan.

Sa kaso mo, parating nasa likod ang batikos, at ang aking dalawang hamon ay may posibilidad na magpaparami pa ng mga kritiko mo. Sa huling pagsusuri, ang pinakapraktikal na solusyon ay huwag tanggapin ang titulong nais ibigay sa iyo ng Malakanyang, pero ayaw mo namang gawin ito.

Hay naku, bahala ka na nga!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3703

Posted by on Aug 30 2009. Filed under (Kolum), Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Hinahamon kita, Carlo J. Caparas!”

  1. [...] N.B. – This was published in the August 28-September 3, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/hinahamon-kita-carlo-j-caparas/. [...]

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes