Pinoy Weekly

Hirit tungkol sa National Artists

Simple ang ganitong pormulasyon pero sa aktwal ay masalimuot. Hindi naman ibig sabihin nito na lahat ng binigyan ng karangalang ito ay mga “papet” na ng estado. Gayunman, nagkakaroon ng katuturan ang paggagawad ng karangalang ito sa mga artistang tinaguriang “kaaway ng estado,” o maging sa mga katunggali sa pulitika ng mga nasa poder — una, bilang “pagkilala” sa di-maikakailang kakayahan at ambag sa sining ng mga artistang ito, at ikalawa, upang mapanatili ang pakiwari ng “kalayaan at demokrasya” na sinasabi nga ng estado na tinatamasa ng mga artista at ng buong sambayanang Pilipino. Pero pansinin: gagawaran ba ni Marcos ng parangal ang makata at lider-manggagawa na si Amado V. Hernandez kung siya’y buhay pa? Hindi ba’t sa halip na parangalan ay ipinagbawal ni Cory ang pelikula ni Lino Brocka sa Pilipinas? At teka, hindi ba’t national artist na rin si FPJ?

Habang nagsisilbi ito sa kanyang interes, sasabihin naman ni Carlo J. Caparas na siya’y mula sa masa. Pero kahit pa tinangkilik ng madla ang kanyang mga komiks at tumabo pa sa takilya ang kanyang mga pelikula, ano nga ba sa kanyang mga obra ang kumatawan sa tunay na interes at mithiin ng masa? Gayundin ang sasabihin ni Guidote-Alvarez, na buong buhay niya ay inilaan niya para sa pagpapaunlad ng isang pambansang dulaan. Pero sino ba ang amo niya ngayon? Kung hinirang sina Caparas at Guidote-Alvarez para sa karangalang ito, hindi ba’t ilang taon nang ipinapatupad ng rehimeng Arroyo ang pampulitikang akomodasyon at proteksyon para sa mga “kaibigan,” samantalang tahasang panunupil at pamamaslang naman para sa mga “kaaway” bilang aktibong polisiya ng estado?

Madaling magalit, masuka, mangutya, mainsulto at mang-insulto dahil sa mga nangyayari sa kasalukuyan. At ang tinaguriang “kultural na komunidad” ay hindi naliligtas sa ganitong klase ng mga bangayan. Patuloy silang nahahati at mahahati dahil dito.

Imposible ang mag-asam na “magkaisa,” gaya ng panawagan ni Guidote-Alvarez, sapagkat sadyang mali rin na isipin na ang lahat ng mga artista, manunulat at manggagawang pangkultura ay “mardyinalisado” bilang “iisang sektor,” o di kaya ay may pare-parehong “malasakit” sa sining batay sa doktrinang “for art’s sake.” Patuloy na nahahati at mahahati ang mga artista at manunulat sa mga isyung gaya nito, sapagkat ang mga artista at manunulat ay hindi maikakailang bahagi ng lipunan. Ang mga artista ay gaya ng iba pang mga tao ay nabibilang sa tiyak na mga uri (classes) sa lipunan, samakatwid ay nagdadala ng paninindigang pampulitika ng tiyak na mga uri — mulat man sila sa bagay na ito o hindi. Ang mga artista at manunulat ay hindi naliligtas sa bahid ng pulitika, at makikita ito sa napakaraming halimbawa – mula sa pinong pananalinhaga sa kanilang mga “obra maestra,” sa lehitimong kritisismo sa mga pormal na daluyan gaya ng mga libro, dyornal, kumperensya at porum, at hanggang sa garapalang pagtatarayan at paglalaitan sa kani-kanilang mga sosyalan, sa internet, sa mga umpukan sa inuman, at sa mga tsismisan na nagiging marangal sapagkat ang nagpapalitang-kuro ay tinaguriang mga alagad ng sining.

Ang iba ay sinserong umaalma dahil sa palagay nila ay kailangan nilang isalba ang institusyon, na para bang katumbas nito ang pagsasalba ng ating dangal bilang isang lahi. Ang iba naman ay umaalma dahil alam nila na ang nangyayari ay isang kahibangan at talagang maling-mali. Pero sa huli, hinding-hindi ito dahil sa isang dalisay na paghahangad na iligtas ang sining mula sa pulitika, kundi dahil sa mismong pampulitikang paninindigan ng mga artista, manunulat at iba pang nakikisawsaw sa mga debate.

Maraming nagngangalit sa isyung ito dahil niyurakan ni Gloria ang isang bagay na tila napakasagrado. Naging sampal itong gumigising sa ilan na noo’y halos walang pakialam, anumang kabalahuraan ang gawin ni Arroyo sa kanyang panunungkulan. Mabuting bagay ito bagamat iba’t ibang antas ng pagtutol ang ipinahahayag ng mga artista, manunulat, at iba pang nagmamalasakit. Sa pamamagitan nito – biglaan man, o pautay-utay — ay nauusisa, natatalakay, at nabibigyang-linaw kung ano ba talaga ang tunay na responsibilidad ng isang alagad ng sining sa kanyang lipunan, gawaran man siya ng pagkilala ng estado o hindi. Dahil sa mga usap-usapan, debate at talakayan ay lalong nagniningning ang tala ng mga huwaran at lalong nalalantad at nahuhubdan ang mga huwad.

Sa dulo nito, may mga artista na wala nang nadaramang anupamang katapatan sa estado. Dahil sa madaling sabi, ano nga ba ang kinakatawan ng estadong ito kundi ang sistematikong pagyurak sa soberanya at integridad ng bansa, makauring pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka, at pasismo – ang gawing normal para sa ating lahat ang kabuktutan at kabulukan ng isang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang Pilipino.

Mahalagang pasya para sa isang artista ang palalimin ang pang-unawa sa bagay na ito – sa pulitika, sa lipunan — habang ninanais na paunlarin ang kakayahan at talento para tuwirang pagsilbihan ang tunay na mga nangangailangan ng sining sa kanilang araw-araw na buhay. Kung hindi na magpapaliguy-ligoy pa, nangangahulugan ito ng isang masalimuot na proseso ng pagpapanibagong-hubog upang talikuran ang pansariling ambisyon, kapritso at kahambugan, at upang yakapin ang interes at mithiin ng uring anakpawis. Lalagpas ito sa pagguhit ng kayraming argumento laban kina Caparas at Guidote-Alvarez, lagpas sa usapin ng Pambansang Alagad ng Sining ngayong taon, noon o magpakailanman, lagpas pa sa pagkamuhi sa rehimeng Arroyo, at hanggang sa mismong estado at kalakaran sa daigdig na kinakatawan ng mga ito. Ang mahalaga’y kailangang gumuhit ng linya.

“Huwag mo na lang isulat ‘yan, mahirap ‘yan,” paalala ng kaibigan ko. E paano na ‘yan, naisulat ko na?

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3549

Posted by on Aug 20 2009. Filed under Kultura. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes