Imelda Marcos, bibigyan ng tribute ng CCP
Hala nang hala.
Bigyan nang bigyan ng parangal ang kung sinu-sino.
Pati nga ang Cultural Center of the Philippines ay babahaginan kundi man kumpletong pararangalan ang asawa ng diktador at nagpahirap sa bayan na si Imelda Romualdez Marcos.
E, ano ngayon?
E, di hatagan ng kung anuman—tropeyo, plake, sertipikasyon atbp.—si Imelda.
Paki ko at may paki ako.
Basta ang mahalaga ay patuloy na usigin ang mga Marcos sa pagpapahirap sa mga tunay na artista ng bayan na kasamang nagpalaya sa sambayanan noong EDSA Revolution dahil maraming mga alagad ng sining na pinahirapan at tinortyur, lalo na ang mga walang pangalan at walang malakas na kapit sa kapangyarihan, o kaya ay ang mga mapangahas na aktibista o nagpoprotesta para sa mga karapatan ng isang artista at sa kalayaan sa pamamahayag.
***
Hindi naman masamang bigyan ng parangal si Imelda basta’t ito ay nakatuon lang sa pagtatatag niya ng Cultural Center of the Philippines dahil nang lalangin niya ito ay napasailalim ng iisang bubong ang higit na maraming alagad ng sining bagamat may mga nanatili sa laylayan at ayaw talagang makibahagi o makisama sa mga programang pangkultura ng mga Marcos.
Sa aming palagay ay hindi lang naman si Imelda ang unang ginang na nakaisip na magtayo ng isang edipisyo na tulad ng CCP, nagkataon lang na masigasig siya para sa kanyang mga artistikong motibo at ito ay hindi naman talaga masasabing puro o makamasa o makabayan o sumasakay lang siya noon sa ihip ng hangin dahil ang sining ay itinuturing na pangunahin at matayog kaya ang pagyakap dito ay isang bagay na makapagbibigay ng lehitimasyon sa kanyang pagrereyna sa gobyerno.
Ang kaisipang ito ay impluwensiya ng isa sa mga miyembro ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon na nagsabing ang kategorya ng National Artist for Film ay hindi agad ibinigay ng pamahalaang Marcos sa kung sinuman kahit na sa mga nauna nang dakila at panginoon sa sining tulad nina Gerry de Leon at Lamberto Avellana o maging sa mga mas nauna pa sa kanilang karapat-dapat din tulad nina Jose Nepomuceno, Vicente Salumbides, Ramon Estela, Gregorio Fernandez, Carmen Concha, Manuel Silos, Carlos Vander Tolosa at iba.
Ito ay dahil mababa ang tingin ng lipunan sa showbiz, sa pelikula, sa telebisyon, sa bidyo at hindi ito makakatulong sa pagpanday ng isang tinitingalang rehimen kundi kailangang bigyan muna ng pansin ang mga sining na mas inihahanay sa klasiko at respetado noong unang panahon tulad ng pagpinta, sayaw, musika, panitikan at arkitektura. Kaya mas nauna nang iprinoklamang National Artist ang mga tulad nina Jose Garcia Villa sa literature, Hernando Ocampo sa painting, Honorata “Atang” de la Rama para sa musika at ang iba pang mga nauna.
Saka lang ipinagkaloob ng mga Marcos sa mga taga-showbiz ang parangal na ito.
***
Hindi nga ba’t ang mga first lady noon ay nakikipagtalamitam pa rin sa mga alagad ng sining sa kanilang panahon at nakikipagsosyalan ang mga ito sa bawat tagumpay at pagtatanghal na ihain ng mga ito?
Kaya hindi lang si Imelda ang may pagtingin sa arte at kultura.
Kaya lang nga ay malaki at malakas ang kanyang dating ng ipatayo niya ang CCP dahil tahanan anya ito ng magaganda at matatayog na sining na kailangang ipagmalaki sa buong daigdig.
Mahalaga ang kultura sa pag-unlad ng isang nasyon kaya naman dapat lang papurihan si Imelda sa kanyang inisiyatibo pero talaga namang katungkulan ng isang lider o asawa ng lider—sa kaso niya’y pagiging misis ng diktador—na bigyan ng maganda at makasining na buhay ang kanyang mga mamamayan.
Katungkulan ng sinumang lider—kabilang pa ang rehimen ng mga Marcos at ng mga sumunod at susunod rito na bigyan ng magandang serbisyo sa sining at kultura ang mga mamamayan dahil nakasaad ‘yan sa batas at may kaukulang pondo para r’yan.
May utang na loob din ang sambayanang Filipino kay Imelda sa pagtingin niya sa sining at arte at kalinangan ng lahi pero hindi ibig sabihin noon ay ligtas na siya sa mga kritisismo.
Hindi ibig sabihin na may utang na loob ang isang tao sa kanyang kapwa ay hindi na ito puwedeng punahin lalo na kung may pagkakamali at ang kasalanan ay may kaugnayan sa interest ng higit na nakararami.
***
Kung ang sining at kultura ay iprineserba lang ni Imelda para sa kanyang sariling kapakanan—halimbawa’y para pagtakpan ang pangungurakot ng administrasyon ng kanyang asawa o ang kaluhuan ng kanyang pamilya na nanggagaling sa kaban ng bayan, pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag at pananalita, paglalandi lang sa mga tipo niyang lalaki o kaya ay malaswang pakikipagkaibigan lang sa mga may kaya at kapangyarihan sa loob at labas ng bansa na nang-aapi ng maliliit na tao at iba pang kawirwairan—‘yan ay karumal-dumal at kailangang kastiguhin ang isang nilalang na nagpapatron-patronan ng sining at kultura.
Pero madaling makikita na ipinagkaloob ng matriyrak na Marcos ang kanyang sarili sa sining pero ano nga ba ang kanyang motibo?
May palakasan pa rin ba noon sa kanyang dispensasyon o may nakakaligtaang polisiya para sa pagmumulat sa mga mamamayan kung ano nga ba ang tunay na ibig sabihin ng buhay—ang lumaya sa pagkakagupiling sa malalakas at mapang-aping puwersa ng lipunan?
Dapat nating itanong ito kung ang paksa ay si Imelda at sa mga sumunod pang lider ng kultura pagkatapos ng kanilang pamamayagpag sa kultura ng Pilipinas.
***
Sa ika-11 ng Setyembre, 2009 ay itatanghal ang “Seven Arts, One Imelda” sa Main Theater ng CCP, handog kay Meldy bilang Founding Chair ng institusyon.
Ang gala, na tatampukan ng mahuhusay na artistang Filipino ay mula sa direksyon ni Alexander Cortez, isang alagad ng sining ng teatro at artista sa pelikula mula sa konsepto at iskrip ni Floy Quintos na siya namang direktor ng “Startalk” nina Lolit Solis, Butch Francisco, Ricky F. Lo at Joey de Leon at mula sa musical direction nina Josefino Chino Toledo at Ryan Cayabyab.
O, di ba, pop na pop ang dating?
Kaya ang CCP ay popular din.
Hindi dapat mangimi ang mga mamamayang Filipino sa parang sosyal na hitsura at kapaligiran nito o kaya ay sa di-ordinaryong pagtanggap nito sa mga bisita.
Ang CCP ay hindi para sa elitista lang kundi ito ay para sa lahat.
Kung si Carlo J. Caparas nga—na inirereklamo ng mga umano’y elitistang artista ang National Artist Award for Film and Visual Arts ay naniniwala na naniniwala sa kanya ang CCP at National Commission for Culture and the Arts sa pagbibigay sa kanya ng parangal—ay niyayakap ang desisyon ng CCP samantalang dinudusta niya ang mga umano’y elitista sa hanay ng mga artista.
O, di ba, maka-CCP din si Carlo J.?
Kaya go na sa CCP at huwag manliit na maliliit lang tayo kundi ipagmalaki ang artistang Filipino.
***
May konsyerto rin si Cecil Licad, ang sikat na sikat na Filipinang piyanista sa buong mundo na pinsang-buo ni Kris Lacaba, anak nina Marra PL. Lanot at Jose F. Lacaba dahil si Marra ay kapatid ng ina ni Cecil.
Magaganap ang pagtatanghal ni Cecil sa ika-15 ng Setyembre.
At sa ika-24 naman ng buwan ding ‘yon ay ang pagsasama-sama ng lahat ng mga naglingkod sa CCP para sa isang natatanging pagwawakas ng ika-40 na taon ng sentro.
Kaya inaasahan na ang mga kasalukuyan at nakalipas na mga empleyado ng ahensiya tulad nina Nicanor G. Tiongson, Fernando Josef, Madeliene Nocolas at napakarami pang iba ay dadalo sa pagdiriwang.
Marami pang nakalaan sa mga tao para manood sa CCP hanggang sa susunod na buwan bago magwakas ang selebrasyon ng ika-40 na taon nito.
Babu!
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3517














para sa akin si Imelda ay hindi karapatdapat na anuman parangal na igagawad sa kanya. Bakit tayo tatanaw ng utang na loob sa kanya, ano baliw at ang perang
pinagpatayo diyan ay hindi niya salapi at yan ay pera ng bayan at nakalimutan na ba ninyo ang mga ninakaw niyang salapi ng bayan at walang pakundangan niyang winaldas sa ibang bansa. Napahiya pa nga ako doon sa amo ko na pinagtrabahuhan ko ng pinabasa niya sa akin ang Guinnes Book na nakalathala o nasusulat doon na siya ang unang nangigibaw at walang tatalo sa kanyang pangloloko at pagnanakaw sa tao sa buong mundo. Ikinahihiya ko siya bilang isang Filipino na walang karangalan at kakahiyan lang at pintas ang idinulot at ipinamalas lang niya sa buong mundo. Tuwing tatanungin ako kung taga saan ako at sasabihin ko na ako ay taga Pilipinas at babanggitin kaagad nila sa akin na yung unang ginang ninyo na may tatlong libong sapatos
at korrupt at diktador. Sa totoo lang pag nakikita ko siya ay nangingig ang aking laman sa muhi sa kanya at iyan ba ang dapat bibigyan ng parangal at puro kaplastikan lang ang mga ginagawa niya at sa tutoo lang hindi tunay ang mga layunin niya at puro paimbabaw lang. Hindi ba ninyo napupuna pag siya ay nagsasalita ang arte. Ngayon, inggit siya sa libing ni Pres. Cory Aquino at ang kapal pa ng mukha niya na hinihintay pa niya ang kanyang asawa na bigyan din ng kamukha ng marangal na libing tulad ni Pres. Aquino. Anong “say” ninyo, dapat bang bigyan ng marangal na libing ang nagwasak ng ating demokrasya at pag ganid sa kapangyarihan? Dapat sa mag asawang Marcos ay tulad din sa ginawa sa kanila sa mag asawa na binaril na sabay at pinatay na Presidente ng Romania noon na diktador din at walang ibinigay na marangal na libing sa mag asawang ito at ito lang talaga nararapat para sa iginawad sa kanila at lalo pa na mas grabe ang ginawang hindi mabuti sa ating bansa ang mag asawang Marcos. Nasaan ang katarungan sa mga pinag papatay nilang innosenteng estudyante at mga veterano noon ako ay nasa Universidad na kapanahunan ko. Mga pagkamkam ng pag aari ng mga mayayaman nating mga kababayan noon. Nasaan ang mga salapi na idineposito nila sa Switzerland? Hindi pa naiibabalik at bakit hindi ini-intindi ito ng ating gobyerno na maibalik sa atin.
Palakasan pa rin ba at lagayan pa rin ba ang umiiral sa ating gobyerno? Nasaan ang katarungan para sa sambahayang Pilipino na patuloy na naghihirap? Wala ba silang mga konsensiya na bumabalot sa kanilang katauhan? Nakakatulog pa ba sila ng mahimbing? May kapayapaan pa ba silang nadarama sa kanilang sarili? Hindi nabibili ng salapi ang marangal na tao na may mabuting ugali at busilak na puso at tapat sa sarili na lalo na may takot sa Diyos na gumawa ng masama.
Puro kayo pintas kay imelda! sino gusto nyong parangalan? Si Ninoy, si cory? si noynoy? si kris? tandaan ninyo ang nasusulat- “kung dito pa lang sa lupa ay tinanggap na ninyo ang inyong gantimpala, ano pa ang gantimpalang hinihintay nyo sa inyong AMANG na sa langit?” Filipinos are very emotional bringing out country to mess!
it should be bringing “our” and not “out” to mess!
Imelda, paparangalan ng CCP? pambababoy na yan sa ipinaglalaban nating isang makabayan, syentipiko, at maka masang sining.. alam naman natin na ang mga marcos ang nagpapahirap sa ating bayan. pero ngayon, marami ang nag bulag bulagan