Konteksto

Isang hamon sa Buwan ng Wika


Kahit na wala akong intensiyong makiisa sa pagdiriwang ng pamahalaan sa Buwan ng Wika, mainam pa ring gamitin ang pagkakataong ito para ipaalala sa lahat na ang pagpapaunlad ng sariling wika ay bahagi ng malawakang pakikibaka para sa makabuluhang pagbabago. Kung hindi maunlad ang sariling wika, imposible ang mahigpit na pagkakaisa ng nakararaming mamamayan. Ang […]

Kahit na wala akong intensiyong makiisa sa pagdiriwang ng pamahalaan sa Buwan ng Wika, mainam pa ring gamitin ang pagkakataong ito para ipaalala sa lahat na ang pagpapaunlad ng sariling wika ay bahagi ng malawakang pakikibaka para sa makabuluhang pagbabago. Kung hindi maunlad ang sariling wika, imposible ang mahigpit na pagkakaisa ng nakararaming mamamayan.

Ang pagpapaunlad ng wikang Filipino ay hindi lang simpleng pag-alam sa balarila’t ortorgrapiya, kundi paggamit nito sa seryosong diskurso. Kailangang mawala ang maling pananaw na ang intelihenteng talakayan ay mangyayari lang kung gagamit ng wikang Ingles. Ano ba ang pinagkaiba nito sa wikang Filipino? Kahit na sabihing ang wikang Ingles ay kasalukuyang wika ng globalisasyon, hindi naman nangangahulugang ito ang magiging daan para magkaintindihan ang mga mamamayan.

Ang isang lingua franca ay kinakailangang nagbibigay ng kaukulang identidad sa mga mamamayang gumagamit nito. At malinaw na ang pambansang identidad ay mas nakikita sa wikang Filipino kaysa wikang Ingles.

Oo, Agosto na naman. Para sa mga paaralan, ito ang pagkakataon para ilabas muli ang inaalikabok nang streamer na malamang na nakalagay ang panawagang ”Paunlarin ang Wikang Filipino.” Tulad ng agiw at iba pang duming dapat tanggalin, kailangan nating linawin ang mga hindi angkop na paggamit ng wikang Filipino na siyang nagdudulot ng maling pagtinging ito ay para lang sa mga kababawan (at sadlak sa kabaduyan).

Oo, Agosto na naman. Panahon na para sa diumanong selebrasyon ng Buwan ng Wika. Mayroon ba talagang dapat ipagdiwang? Kung hindi tayo kikilos, sa tingin ko’y may dapat na tayong paglamayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.