Konteksto

Isang hamon sa Buwan ng Wika


Mahal ko ang wikang Filipino kaya ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay wala sa aking plano. Malaking palaisipan kung bakit patuloy na ipinagdiriwang ng gobyerno ang wikang Filipino samantalang hindi naman prayoridad ang pagpapaunlad nito. Sa halip ngang gamitin ito bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, mas pinagtutuunan ng pansin ang pagpapayaman sa […]

Mahal ko ang wikang Filipino kaya ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay wala sa aking plano.

Malaking palaisipan kung bakit patuloy na ipinagdiriwang ng gobyerno ang wikang Filipino samantalang hindi naman prayoridad ang pagpapaunlad nito. Sa halip ngang gamitin ito bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, mas pinagtutuunan ng pansin ang pagpapayaman sa wikang Ingles. Para sa mga opisina ng pamahalaan, mas ginagamit ang wikang Ingles sa opisyal na komunikasyon.

Ano ang silbi ng isang buwang pag-alala sa ating wika kung hindi naman natin ginagamit ito sa ating pag-aaral at pagtatrabaho? Makakapagpamulat ba sa mga tao, lalo na sa mga estudyante, ang sitwasyong ginagamit lang ang wikang Filipino dahil Agosto ang nakatakdang buwan para dito?

Totoo namang ginagamit pa rin natin ang wikang Filipino sa araw-araw na pakikipag-usap sa mga kamag-anak, kaibigan at iba pang kakilala. Sa ating pakikinig sa mga paboritong lokal na programa sa radyo’t telebisyon, pangunahing wika pa rin ang Filipino, at ang ilang istasyong FM sa radyo ay gumagamit na rin ng sariling wika. Kahit na karamihan sa mga istasyong FM ay may mga disc jockey (DJ) na mapagkakamalang Amerikano dahil sa paraan ng kanilang pananalita, kapansin-pansin ang pagsusugal ng ilang istasyon para gamitin ang sariling wika.

Ang tanong sa puntong ito: Napapayaman kaya ng mga organisasyong pang-midya ang wikang Filipino sa kanilang paggamit nito? Sa kaso ng ilang istasyong FM, ang kanilang paggamit ng wikang Filipino ay sa konteksto ng pagkuha ng kiliti ng nakararaming masa. At para magkaroon ng maraming tagapakinig, ang mga tinaguriang ”baduy” o ”jologs” na musika ay hinahaluan ng mga komentaryong madalas na may halong kabastusan.

Kung bastos ang dating ng ilang istasyong FM na gumagamit ng wikang Filipino, ano naman ang angkop na termino para sa mga tabloid na ibinebenta sa mga kalye? Bukod sa kalaswaan, kapansin-pansin ang sensasyonalismong hatid ng pagbibigay-diin sa mga krimen. Mas malaking iskandalo, mas mabenta para sa mga publikasyong ito. Hindi tuloy masisisi ang maraming tao kung ang tingin nila sa peryodismo sa Filipino ay pang-tabloid lang.

Ang mga istasyon sa telebisyong gumagamit ng wikang Filipino ay may ilang kahinaan din sa pagpapayaman ng wika. Unang-una, hinahalo ng mga balita sa telebisyon ang mga seryosong usapin sa mga iskandalo’t tsismis at madalas na mas nabibigyang-pansin pa ang huling dalawa. Sa larangan naman ng pagbibigay-aliw (entertainment), ang wikang Filipino ay ginagamit para sa mga palabas na gasgas ang mga istorya’t kakikitaan ng mga pamilyar na eksena ng sigawan, iyakan at sampalan, na kung saan ang komedya naman ay kadalasang slapstick ang katangian. Pinapanood ang mga ito hindi dahil sa istorya kundi dahil sa mga artista. Kung gagamitin ang wikang Filipino sa ganitong klase ng mga programa, iisipin talaga ng mga ordinaryong mamamayan na hanggang doon lang ang potensiyal ng sariling wika.

Pero kapuri-puri ang hakbang ng ilang programa sa telebisyong magtalakay ng mahahalagang isyung gamit ang sariling wika. Sa pamamagitan ng mga ito, nakikita ang potensiyal ng wikang Filipino sa seryosong diskurso. Nakalulungkot lang na ang mga programang ito ay pinapalabas sa panahong ang karamihan sa mga tao, lalo na ang mga estudyanteng may pasok kinabukasan, ay tulog na.

Paano mapapaunlad ang wikang Filipino sa sitwasyong pinagpipilitan ng pamahalaang gamitin ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa paaralan, at pangunahing ginagamit ng midya ang wikang Filipino para sa iskandalo, tsismis at iba pang kababawan (pati na kalaswaan)?