Pakikipagsapalaran ng mga katutubo


Ipinagdiwang kamakailan ang International Day of the World’s Indigenous Peoples. Sa Pilipinas, kaugnay ng pagdiriwang na ito na pagsusulong ng mga katutubo sa kanilang karapatan sa lupang ninuno at paglaban sa tumitiding panunupil.

Panunupil

Ayon kay Nelson Mallari, lider ng Central Luzon Aeta Association (CLAA), “Balot ng takot ang pang-araw-araw na buhay ng mga katutubo.”

Militarisasyon umano ang sagot ng pamahalaan sa paglaban ng mga katutubo para sa kanilang lehitimong mga karapatan.

“Ang buong panahong namumuno si Arroyo bilang pangulo ay di maitatatwang pinakamadilim na yugto rin para mga katutubo mula pa noong batas militar,” ani Mallari.

Mayroon nang naitala ang Indigenous Peoples Rights Monitor na 136 na kaso ng pampulitikang pamamaslang simula 2001. Pinakahuling biktima nito si Leodinio Monson, kilalang kritiko ng proyekto ng pagmimina sa Davao. Tulad ng iba pang biktima, pinaslang siya ng armadong mga kalalakihang sakay ng motorsiklo.

Marami ding biktima ng sapilitang pagkawala. Isa rito si James Balao, lider-Igorot at isa sa mga tagapagtatag ng Cordillera Peoples Alliance. Dinukot si Balao ng hinihinalang mga sundalo sa La Trinidad, Benguet, Setyembre ng nakaraang taon.

Bukod sa pamamaslang at pandurukot, hinararas din ang mga katutubo at lider ng mga organisasyon.

Salaysay ni Mallari, pilit siyang pinasusuko ng 3rd Infantry Battalion ng Philippine Army upang maalis umano ang kanyang pangalan sa “order of battle” ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Gaya ng malaon nang bintang, “prente ng komunista” lamang umano ang CLAA.

Dahil naman sa matinding operasyon ng AFP sa Lianga, Surigao del Sur, maraming Manobo ang napipilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. Kuwento ng isang katutubo sa naturang lugar, hindi lamang mga rebelde ang puntirya ng mga sundalo kundi pati ang mga sibilyan.

Sa kasalukuyan, mayroong 1,793 bakwit sa Lianga Gymnasium.

Ayon sa KAMP, kahit na ang lehitmong mga paaralan at kooperatibang pinapatakbo ng mga katutubo sa Mindanao ay binabansagang “prente ng teroristang mga organisasyon.”

Ang pagbabansag na ito ng AFP ang pinakamadaling dahilan sa paglabag ng karapatan ng mga katutubo, paliwanag ng grupo. Sa ganitong kalagayan, “bulnerable sila sa harasment, sapilitang pagkawala, pamamaslang at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao, na patuloy naman ang pagtaas ng bilang,” dagdag pa ng grupo.

Bahagi ng internal security plan

Pagpapalalim pa ng KAMP, bahagi ito ng pagpapatupad ng National Internal Security Plan on the Indigenous People (NISP-IP) ng pamahalaan.

Dahil kailangang maipatupad ang mga proyekto sa ilalim ng MTPDP na walang pagtutol mula sa mga katutubo, kailangan din umano silang supilin. Ang NSIP-IP ay “kontra-insurhensiyang doktrina na nakatuon sa mga katutubo,” ayon sa KAMP.

Ilan naman sa mga “porma ng panunupil” ng NSIP-IP ang hamletting, food blokade, sapilitang pagrekluta sa mga paramilitar na grupo at pagtatayo ng “defense system”.

Isa sa mga defense system na ito ang Task Force Gantangan sa Mindanao. May layuning “iniyutralisa” ang mapanlabang mga lider-katutubo, marami na itong naging biktima, ayon sa mga tala.

Marami nang resolusyon sa Kamara ang naihain, partikular ni Gabriela Rep. Luz Ilagan, kaugnay ng pagtatanggol sa karapatan ng mga katutubo. Isa dito ang House Resolution (HR) 1793 na naglalayong ibasura ang Mining Act of 1995, na siya umanong nagpapahintulot ng large scale mining na mapaminsala sa mga katutubo at kalikasan.

Mayroon ding panukalang mga batas kaugnay ng imbestigasyon sa mga kaso ng panunupil sa mga katutubo gaya ng HR 869 at 469.

Samantala, tuloy ang laban ng mismong mga katutubo sa kabila ng panunupil na kanilang nararanasan. Ipagpapatuloy umano nila ang nasimulang laban ng mga napaslang na mga katutubo. Ang mga martir na katutubo umano ang kanilang magsisilbing inspirasyon sa kanilang laban.

Gayundin, anila, patuloy ang kanilang laban sa pagpapalyas sa kanila dahil “ang pagtatanggol sa kanilang ninunong lupa ay pagtatanggol sa (kanilang) buhay.”