Terorismo sa babuyan

May 100 tropang militar ang nakakampo ngayon sa babuyang pag-aari ng pamilyang Gokongwei sa Antipolo, Rizal. Kasabwat umano ang manedsment, tinatakot nila ang mga manggagawa. (Contributed Photo)
Isandaang tropang militar na pinangangambahang bihasa sa pagpaslang at pagdukot ang nakakampo ngayon sa Robina Farms, babuyang pag-aari ng mayamang pamilyang Gokongwei, sa Antipolo, Rizal.
Sa tulong ng manedsment, nakuha na ng militar ang rekord at litrato ng lahat ng manggagawa. Nagdaos sila ng porum sa loob mismo ng pabrika kung saan pinaratangan nilang miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) ang ilang manggagawa sa Robina, at ang marami pang progresibong organisasyon.
Ang dahilan lang ng manedsment sa pagpapahintulot sa mga ito: Baka raw kasi sabihing pinoprotektahan nito ang unyon at mga rebelde.
Hulyo 26, isang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, nang dumating ang mga tropa ng 16th Infantry Battalion (IB). Nagkampo sila sa day care center ng barangay, 200 metro lang ang layo sa tarangkahan ng Robina Farms. Di alintana, lumahok pa rin ang maraming manggagawa sa protesta sa SONA.
Dating pinamunuan ni Palparan
Pinamunuan noon ang 16th IB ni dating Hen. Jovito Palparan, kilalang “berdugo” ng Mindoro, Silangang Visayas at Gitnang Luzon. Sinasabing ang yunit na ito ang naghasik ng takot sa nasabing mga lugar kung saan marami ang naging biktima ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot.
Sabi ng militar, atrasan ng NPA ang lugar kaya dapat bantayan. Bago pa man ang pagkakampo, nakatanggap na ng imbitasyon mula sa militar ang mga lider ng unyon sa Robina para sa “isang pakikipag-usap.”
Kasapi ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations, isang pederasyon ng Kilusang Mayo Uno (ANGLO-KMU), ang unyon sa Robina– ang Universal Robina Corporation Employees Union – Farm Division. May 300 regular na manggagawa dito.
Wala pang isang buwan ang nakakaraan, nagpasok ang manedsment ng Robina ng bagong hepeng panseguridad (chief of security). Napag-alaman ng mga manggagawa na dati itong militar. May ilan pa umanong naipasok na bagong manggagawa ang manedsment na dating militar o nasa paniniktik (intelligence) nito.
Pananakot
Nitong Agosto 24, Lunes, ipinatawag ng militar ang lahat ng manggagawa sa isang porum na ginanap sa loob pa ng pabrika. Dito, sinabi ng tagapagsalita nitong si 1st Lt. Jovelyn Cabading na may “sampu o higit pang manggagawa diyan na kasama sa NPA.”
Pinaratangan din niyang mga prente ng CPP-NPA ang mga progresibong party-list tulad ng Anakpawis, Bayan Muna, Gabriela, at Kabataan. Ginagamit lang umano ng mga ito ang pondo mula sa Kongreso para sa mga gawain ng rebelde.
Tinuringan din nitong prente ng mga komunista ang iba pang ligal na organisasyon ng mamamayan, tulad ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage), Alliance of Concerned Teachers (ACT), League of Filipino Students (LFS), at Anakbayan.

Sa kabila ng militarisasyon, desidido ang mga manggagawa na proteksiyunan ang mga tagumpay na kanilang nakamit sa katatapos lamang na Collective Bargaining Agreement. (Contributed Photo)
Katulad ng pagpahintulot sa pagkampo ng militar sa tapat ng kanilang babuyan, buung-buo ring pinahintulutan ng manedsment ang nasabing porum.
Kasaysayan ng sabwatan
Tatlong taon na ang nakakaraan, nagkampo at naghasik ng takot ang militar sa babuyan at manukan ng Robina sa San Miguel, Bulacan.
Doon, napilitang magbitiw ang mga opisyal ng unyon sa pamumuno rin ng ANGLO-KMU dahil sa matinding panghaharas. Pinalitan ito ng isang unyong naging sunud-sunuran sa manedsment, na siya pa ring nakatayo ngayon.
Hanggang ngayon, binubusog ng militar ang mga maggagawa doon ng paninira sa progresibong mga party-list at organisasyon. Bawal pumalag, dahil bantay-sarado ang kanilang bawat galaw.
Samantala, sa karatig-babuyan ng Robina, nauna nang nagpakat ng pwersang militar sa Foremost Farms, pag-aari ni Lucio Tan, para pigilang magwelga ang mga manggagawa dahil sa pagkakait ng hinihiling nilang dagdag-sahod.
Bago pa man makapaglunsad ng welga, nagbaba na ang Department of Labor and Employment ng Assumption of Jurisdiction sa babuyan, na naging batayan ng pagpapadala ng militar sa lugar. Nasa ilalim din ng ANGLO-KMU ang unyon sa Foremost.
Bahagi ang mga nagaganap sa Robina at Foremost Farms ng nagpapatuloy na pangkalahatang panunupil sa mga progresibong organisasyon, ayon sa KMU.
Tagumpay ng manggagawa
Hinding hindi naman magpapasindak ang mga manggagawa sa Robina- Antipolo.
Bukod sa kanilang seguridad at laya sa pagkilos, pinoprotektahan ng unyon ang mga tagumpay na nakamit nila sa kakatapos na CBA o Collective Bargaining Agreement nitong Hunyo.
Naipanalo nila ang P58 arawang dagdag-sahod na makakamit sa loob ng dalawang taon, dagdag na dalawang sakong bigas sa isang taon, health cards na nagkakahalaga ng P3,000 kada taon, 15 araw na union leave, P20,000 education subsidy, P80,000 emergency insurance at iba pang benepisyo.
Ayon sa KMU, ang militarisasyon sa mga pagawaan ay dulot ng “desperasyon ng rehimeng Arroyo (na makapanatili sa puwesto) at ang pagsamantala ng mga kapitalista sa krisis pang-ekonomiya.”
“Pero hindi matitinag, bagkus ay lalo pang lalakas, ang paglaban ng mga manggagawa,” ayon kay Leonardo “Ka Ben” Perez, pangulo ng ANGLO-KMU.
Kasama ang kaso ng Robina sa ihahapag ng KMU sa gaganaping High-Level Fact-Finding Mission ng International Labor Organization sa darating na Setyembre 21-30. Inaasahan ng KMU na mailalantad sa ILO Mission ang tunay na lubha ng panunupil sa kilusang paggawa sa bansa.
Si Wendell Gumban ay kawani ng Public Information Department ng Kilusang Mayo Uno.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3712













