Kailan pa hindi sa kanila ang Malapad na Parang?
Pananakot at panloloko
Noong araw na dumating ang kongresista, dalawang trak na lulan ang mga elemento ng Scout Ranger ng 56th Infantry Batallion ang kasama niya, bukod pa sa kanyang private army. Nagbitiw siya ng maraming pananakot, ayon sa mga taga-sityo.
Sinabihan sila ni Villafuerte na kumuha na lamang sila ng abogado para ilaban ang kaso at tatapatan niya ito ng mas maraming abogado. Sa isang pagkakataon, pinamili pa niya ang ilang magsasaka kung ‘lupa o langit’ ang gusto nila. Naghatid ito ng matinding takot, kahit pa sinabi ni Villafuerte pagkatapos na nagbibiro lamang siya.

Tinakot sila ni Villafuerte na nagdala ng mga elemento ng Scout Ranger at kanyang private army, ayon sa mga magsasaka. (Soliman A. Santos)
Ang pangako ng kongresista, ililipat ang mga magsasaka sa ilalaang 70 ektaryang sakahan para sa kanila. Pero hindi lubos-maisip ng mga magsasaka kung saan manggagaling ito.
“Hindi namin alam kung saan niya kukuhanin ang karagdagang lupain na para daw sa amin. Ang sinasabi niyang lupain hindi kailanman magiging 70 ektarya dahil sagad na ito sa ilog, at ang kabilang hangganan naman ay sagad na sa kalsada,” ani Mang Juan.
Nangako pa si Villafuerte na ipaaayos daw at pauunlarin ang kanilang mga lupain. Para makapaglagay umano ng irigasyon, hiningi niya ang xerox copy ng hawak nilang mga CLOA. Nakumbinsi naman ang mga magsasaka na ibigay ang mga papeles.
Pero iba ang hinala ni Ramos. “Kung kinuha niya ang xerox, malamang ang susunod na ipalabas ng DAR ay kanselasyon ng kanilang mga CLOA,” aniya. Suspetsa niya, niloko lamang ng kongresista ang mga magsasaka.
Dugo at pawis
Malaki ang hinanakit ng mga magsasaka sa Sityo Malapad na Parang dahil wala silang tulong na natanggap mula sa gobyerno para mapaunlad ang kanilang mga sakahan.
Anila, ni “bulok na pataba” at singkong duling ay hindi sila nakatanggap mula sa gobyerno. Bulok na pataba ang tawag nila sa organic fertilizer o compost. Nakatanggap naman ang ilan sa kanila ng hybrid na binhi ng palay pero binayaran din nila iyon ng P250 kada 20 kilo. P500 naman ang katumbas ng isang kupon na ipinamahagi ng Department of Agriculture noon.

Akala nila'y ibinigay na ng gobyerno ang lupa, pero tutulong pa pala ang gobyerno na mawala ito sa kanila. (Soliman A. Santos)
Gayunpaman, para kay Nestor Tibos, 45, ipaglalaban niya ang lupang aniya’y pawis at dugo ang kanyang pinuhunan. “Hinukay ko ang lupang iyan. Naghakot ng bato at lupa mula sa ilog para matamnan. Abot sa singit ang alipungang inabot ko riyan, pagkatapos ay basta aagawin na lamang,” kanyang himutok.
Akala nila noo’y ibinigay na ng gobyerno ang lupa sa kanila. Pero tila katuwang pa pala ang gobyerno sa posibleng pagkawala nito.
Aminado sila na hindi maalwan ang buhay-magsasaka. Pero ang hiling nila’y huwag agawin sa kanila ang lupang matagal na nilang pinaghirapan. Ang dapat nga, anila, ay tuluyan nang ibigay ito sa kanila.
Giit ni Mang Juan, “Ipaglalaban namin ang lupang ito para maipamana sa aming mga anak. Wala na kaming ibang maibibigay sa kanila kundi ang tahimik na pamumuhay sa lugar na ito.”
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3839













