Misyon ng ILO: Seryosong tugon sa seryosong panunupil sa paggawa

Tinanggihan ng gobyernong Arroyo ang unang hiling ng ILO na magsagawa ng misyon sa Pilipinas. Mula kaliwa, mga kinatawan ng ILO Watch: Arman Hernando ng CTUHR; Anakpawis Rep. Joel Maglunsod; Lito Ustarez at Elmer Labog ng KMU; at Atty. Remigio Saladero ng Pro-Labor Assistance Center. (Angelica Carballo)
Ngayong sa wakas ay matutuloy ang misyon, itinayo ng KMU, CTUHR, Pro-Labor Assistance Center, at Anakpawis Party-list ang alyansang ILO Watch para suportahan ito at masigurong madirinig ng internasyunal na delegasyon ang boses ng mga biktima.
Panghaharas, patuloy
Kabilang din sa iimbestigahan ng ILO ang pagsasampa ng diumano’y “gawa-gawang mga kasong kriminal” laban sa mga manggagawa at tagasuporta nila na pinagbibintangang mga rebelde, na umaabot na sa mahigit 140 sa ilalim ng gobyernong Arroyo.
Sa isang piket sa harap ng Department of Justice noong Setyembre 14, binatikos ng KMU ang pagpapatuloy ng tinatawag nitong “opensibang ligal” bilang porma ng panghaharas sa kilusang paggawa.
Kabilang dito ang dalawang kasong arson na isinampa sa Rizal, isang kaso sa Batangas (arson) laban sa 27 katao, isang kaso sa Mindoro (murder at frustrated murder) laban sa 72 katao, isang kaso sa Quezon (arson at pagnanakaw), at isang kaso sa Cavite (grave coercion) laban sa 33 katao.
Kamakailan, sinampahan din si Bebot Borja, lider ng KMU sa Eastern Visayas, ng kasong murder at si Ronald Ian Evidente naman, lider ng KMU sa Negros Oriental, ng rebelyon.
“Batay ang mga kaso sa mga akusasyong di-totoo,” sabi ni Lito Ustarez, executive vice president ng KMU. Binanggit ni Ustarez ang umano’y malinaw na depekto ng mga ito, gaya ng pagbintang sa mga manggagawa ng mga aksiyong ginawa ng New People’s Army at mga kasong nakabatay sa testimonya ng saksi na hindi nanumpa sa harap ng isang abogado.
Para naman kay Cerila Anding, presidente ng Nagkahiusang Mamumuo sa Osmiguel o Namaos, isang unyon sa Compostela Valley, pagkakataon ang misyon ng ILO para matigil ang panghaharas diumano ng militar sa kanya at kanyang mga kapwa manggagawa. Diumano’y laging tinitiktikan ang 50-anyos na lider ng mga elemento ng militar na nagtayo ng grupong nagngangalang Workers for Industrial Peace and Economic Reforms.
Labag sa kumbensiyon ng ILO
Mainit ding sinalubong ng mga manggagawa ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik-TK) ang napipintong misyon ng ILO dahil sa iba’t ibang porma ng panunupil sa mga manggagawa sa export-processing zones sa rehiyon. Umano’y pinipigilan nito ang pagsusulong ng kanilang batayang mga karapatan, gaya ng karapatang magwelga.
Ipinagmalaki ng Department of Labor ang Employment ang pagbaba ng bilang ng mga welga nang 20 porsiyento noong nakaraang buwan. Pero ayon kay Hermie Marasigan, tagapagsalita ng Pamantik-TK, dahil ito mga maniobra ng manedsment at ng gobyerno gaya ng pagbaba ng Assumption of Jurisdiction.
“Lalong hindi nakapaglulunsad ng welga ang mga manggagawa dahil ang unyon ay hindi na pinahihintulutang maitayo sa una pa man. Sa paga-apply pa lamang ng manggagawa sa pagawaan, ipinagbabawal na ang pagtatayo o pagsapi sa unyon,” dagdag pa ni Marasigan.
Ayon kay Anakpawis Rep. Joel Maglunsod, ang panunupil sa kilusang paggawa ay labag sa mga kumbensiyon ng ILO na kumikilala sa karapatan ng mga manggagawa na malayang magtayo o sumapi sa mga organisasyon (No. 87), at sa karapatan na pumasok sa Collective Bargaining Agreement para igiit ang kanilang kapakanan. (No. 98)
Umaasa siyang sa tulong ng misyon, masisingil ang isang gobyernong tila hindi kumikilala sa karapatan ng mga manggagawa na pinagtibay na ng mundo.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3943













