Batibot ng pagkakaisa sa gitna ng sigwa
Tulong ng Batibot

Pila para sa pansamantalang ayuda, para sa mga mamamayan ng Olandes, Marikina. (Manny Veneracion / Salinlahi)
Marami sa mga residente ang nagpasalamat sa mga guro ng Batibot sa kanilang pag-iikot sa komunidad upang makuha ang mga pangalan at magpamudmod ng stub. Taliwas sa mga ulat sa ibang lugar na naging magulo at agawan ang pamimigay ng relief goods, sa pagpapamudmod ng relief sa Olandes, nananatili ang dignidad at pagkatao ng mga nangangailangan ng tulong.
Sa Olandes matatagpuan ang isang day care center na itinayo noon pang dekada ’80, halaw mula sa isang sikat na pambatang palabas noon, ang Olandes Batibot Learning Center (Obelc), na itinatag ng Samahan sa Maagang Pagkatuto ng Bata, at sa pakikipagtulungan na din ng mga Philippine Childrens Television Foundation (PCTvF) na siyang nangangasiwa sa programa sa telebisyon na “Batibot.”
“Sa pagkakatanda ko, ito na lang ang natirang day care center na itinayo ng PCTVF,” wika ni Libby Dipon, program director ng Obelc, tungkol sa Obelc.
Marami sa mga batang dumaan sa Obelc ay mayroon na ring sariling pamilya at naka-enroll ang kasalukuyang mga anak sa parehong eskuwelahan. Sa Obelc, hindi nakapagtataka kung bakit ang mga guro ang unang nilapitan ng mga residente sa panahon ng kalamidad.
Pero ang mga gurong ito ng Batibot, sinalanta din ng bagyo. Sa tulong ng CRC na siyang umako ng responsabilidad na maging evacuation center ng mga taga-Olandes at kagyat na mabigyan ng psychological first aid ang mga bata, inilunsad din sa pamumuno ng SALINLAHI Alliance for Children’s Concerns, kasama ang Parents’ Alternative for ECCD, Association for the Rights of Children in Southeast Asia at CRC ang malawakang pangangalap ng relief goods para sa mga biktima at pagkuha ng volunteers upang tumulong sa paglilinis sa mga kabahayan at sa day care center na sinalanta.
Habang nililinis ang day care center sa tulong ng mga estudyante mula sa UP, naluluhang sinariwa ni teacher Libby ang kasaysayan ng Obelc “sa loob ng 25 taong matatag na pagpundar nito, sa loob lamang ng 24 oras nawala lahat.” Ang paglilinis sa day care ay isinisingit lamang ng mga guro sa pagitan ng pangangalap ng relief, pag-iikot sa komunidad upang abutin ang mga hindi pa nabigyan ng relief goods at sa pamamahagi nito.
Ayuda mula sa Gabriela
Dagli ding tumugon ang Gabriela Women’s Party sa panawagan ng mga taga-Olandes.
Sina Rep. Liza Maza at Rep. Luz Ilagan ng Gabriela Women’s Party ang ilan sa mga tine-text ng mga taga-CRC para mahingan ng tulong. Kagyat silang nanawagan sa media at sa mga awtoridad para puntahan ang Olandes. Pagkahupa ng baha, nagbigay ang GWP ng relief goods at lutong pagkain. Nakita pa ng mga tao si Rep. Maza na umiikot sa kanilang lugar upang tingnan ang kanilang sitwasyon. Nangako ang representatnte na mananawagan sa lokal na pamahalaan at sa kongresista ng distritong iyon ng Marikina upang tulungan ang lugar sa tambak ng basura. Kinabukasan, dumating ang mga trak at naghakot ng basura.
Hindi rin nagpabaya ang mga nanay ng mga batang naka-enroll sa day care center, kasama ng mga guro, kolektibo silang kumilos at aktibo silang lumahok sa pamamahagi ng stubs sa mga kabahayan at sa aktuwal na pamamahagi ng relief goods. Ang mga magulang naman na hindi sinalanta ng baha, dahil nakatira sila sa Libis, nagkusang-loob na pumunta sa Olandes at magbigay ng tulong, pisikal man o kahit anong maliliit na tulong, para sa mga kapwa magulang na sinalanta at sa day care center.
Ayon kay Sophia Garduce , officer-in-charge ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, “Ang karanasang ito ng mga taga-Olandes partikular na ang mga guro at PTA (Parents-Teachers Association) ng OBELC, ay isang halimbawa ng matibay na moog ng pagkakaisa sa gitna ng unos o kalamidad. Hindi matatapos sa pagbigay ng relief o pansamantalang tulong ang pagkakaisang ito, bagkus tutungo ito sa mas determinadong pag-oorganisa, pagpapalakas ng organisasasyon upang harapin ang muling pagbangon ng Sityo Olandes at ng Batibot.”
Hindi man sila pinansin ng mga nasa kapangyarihan at ng midya, at halos kaligtaan ng relief agencies, nananatiling taas-noo at may dignidad ang mga taga-Olandes, at kahit ilang kalamidad man ang tumama sa kanilang komunidad, muli’t muli silang titindig.
Si Maki Macaspac ay kasapi ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4518













