Pinoy Weekly

Binasang kamusmusan

Isa sa libu-libong bata na matinding naapektuhan ng mga bagyo at kalamidad. (Maki Macaspac)

Isa sa libu-libong bata na matinding naapektuhan ng mga bagyo at kalamidad. (Maki Macaspac)

Matagalang rehabilitasyon ang kailangan para muling maging normal ang buhay ng mga bata dito. Rehabilitasyon hindi lang sa kabuhayan, kundi sa sikolohikal din.

“Sa pakikipagkuwentuhan namin sa mga nanay sa Sityo Binhi ni Abraham, Brgy.Bagong Silangan, napag-alaman naming maraming manipestasyon ng trauma ang dinaranas ng mga bata. Ilan sa manipestasyong ito ay: hindi makatulog sa gabi, paggising sa hatinggabi, sumisinghap na parang nalulunod. Sa Marikina naman, ang mga batang may trauma ay nagpapalahaw ng iyak kapag nauupos na ang kandila at mamamatay na ang ilaw dahil sa takot sa dilim, at mayroon ding natatakot sa tubig,” paliwanag ni De la Paz.

“Isipin na lang kung anong trauma ang inabot ng pitong pamilya sa Bgy. Bagong Silangan, kasama ang mga bata maging mga sanggol, na halos 48 oras na sumabit sa isang malaking puno, makaligtas lamang,” dagdag pa niya.

Pagbabalik sa nasalantang tahanan

Bahagi ng psycho-social therapy ng mga batang kinupkop ng CRC ang paghahanda sa muling pagbabalik sa kanilang komunidad. Matapos maipaliwanag sa kanila kung ano ang dadatnan sa lugar, tuwang tuwa nguni’t nangangamba rin ang mga bata.

Hindi mailarawan ang reaksiyon ni Ana sa pagkakita niya sa kanilang bahay na nawasak ng baha. “Naiiyak ako ng makita kong wasak ang aming bahay. Naisip ko na wala na akong bababalikan, kahit mga gamit ko sa iskul wala na,” salaysay niya sa processing na isinagawa matapos silang umikot sa buong komunidad upang makita at harapin nila ang katotohanan. “Iniisip ko na lang na mabuti na lang at walang nawala (namatay) sa amin.”

Mahalagang bagay sa proseso ng psycho-social therapy ang muling pagharap sa suliranin, bagamat mahabang proseso ito at may tendensiyang muling bumalik ang trauma, lalo na kung ang mga pangyayari ay maulit muli o mga katulad na pangyayari.

Ayon sa CRC, kasabay ng muling pagharap sa reyalidad ng kalamidad, mahalagang tukuyin ang ugat na ito.

“Mahalagang idiin sa mga bata na ang nangyaring kalamidad ay hindi dahil sa parusa ng Diyos sa kasamaan ng tao kundi dahil sa kapabayaan ng mga nasa gobyerno na dapat na siyang responsable sa kapakanan ng mga mamamayan,” diin ni De la Paz. “Ang pagbunton ng sisi sa Diyos o sa inang kalikasan ay pagkunsinti sa pakiramdam ng walang magagawa (helplessness). Dahil ito ay kagagawan ng tao, may magagawa ang tao, kahit ang mga bata, sa pagtutuwid nito.”

Bilang tugon na rin sa dami ng batang biktima ng magkasunod na kalamidad, maglalabas ng isang self-help manual ang Task Force Children Of The Storm, ang isang network ng mga organisasyong tumututok sa karapatan at kagalingan ng mga bata, kung saan kasama din ang CRC.

Ang manual na ito ay puwedeng gamitin ng sinuman sa panahon ng kalamidad.

“Isang simpleng hand-out ito na maaaring gamitin ng kahit sinuman dahil sa tingin namin, sa panahon ng emergency, hindi naman nangangailangang maging propesyunal para magsagawa ng kagyat na counseling at therapy. Ang mahalaga, maalalayan ang mga bata sa panahong sila ay nalilito at may bahid na ng pagkatakot, “ paliwanag ni Jackie Ruiz, psychologist ng CRC, na isa rin sa mga residenteng nasalanta ng baha sa Sitio Olandes, Marikina City. “Inaasahan naming kahit paano, makakatulong ito sa mga magulang, dahil hindi naman kayang abutin ng professional psychologists ang lahat ang libu-libong batang sa ngayon ay nakakaranas ng trauma,” dagdag pa ni Ruiz.

Sa ngayon, bumalik na si Ana sa kanilang bahay, na pinagtagpi-tagping kahoy at posteng pinulot ng kanyang ama sa baha. Muling bubuuin ni Ana ang kanyang kamusmusan, na minsang inanod ng baha. Ngunit sa pagkakataong ito, alam ni Ana na sa pagiging bahagi niya sa children’s collective ay may magagawa siyang aksiyon upang huwag nang maulit ang karanasang ito sa kanya at sa iba pang bata.

Ang awtor ng artikulo ay kasapi ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4614

Posted by on Oct 20 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes