OFW, tuloy ang pagdamay sa mga nasalanta sa Pilipinas


Pansamantala, abala ang mga organisasyong OFW sa pamimigay ng kagyat na tulong sa mga nasalanta ng bagyo. Gayunman, naniniwala silang dapat magkaroon ng kahandaan ang gobyerno sa tuwing sasapit ang mga kalamidad.

Sagip Migrante, sagip kabababayan

Mga biktima ng bagyong Ondoy na natulungan ng Migrante. (Soliman A. Santos)
Mga biktima ng bagyong Ondoy na natulungan ng Migrante. (Soliman A. Santos)

Ang Sagip Migrante ay agad na inilunsad ng Migrante matapos ang bagyo. Mabilis silang nanawagan sa mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo para sa anumang tulong. Sa ngayon, patuloy ang pangangalap nila ng tulong pinansiyal at materyal mula sa kanilang mga tsapter sa ibayong dagat.

Bukod sa Brgy. Nagkaisang Nayon, napkapagsagawa na ng relief at clearing operation ang Migrante sa Brgy. Holy Spirit sa Quezon City, Taytay at Montalban sa Rizal, Blumenttrit sa Maynila at sa Caloocan.

Nakatakda pa silang magsagawa ng relief operation sa iba’t ibang lugar tulad ng Taguig at gayundin sa Pangasinan, isa sa mga napinsala ng bagyong Pepeng.

Natutuwa naman si Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, sa mabilisang pagtugon ng mga OFW sa kanilang panawagan.

“Hindi na sila nagdadalawang-isip sa pagbibigay ng anumang donasyon na makakaya nila nang manawagan ng tulong ang mga Migrante sa ngalan ng mga biktima ng bagyong Ondoy at Pepeng,” ani Martinez.

Kabilang sa mga na agad na tumugon ang tsapter ng Migrante sa Hong Kong, New Zealand, Australia, Middle East, Japan, Canada, US at iba pa.

“Ang totoo niyan, rehabilitasyon na sana ang gagawin namin para sa mga bitkima ng Ondoy ngayong buwan, pero dahil sa pananalasa ni Pepeng, relief operation ulit ang aming gagawin para sa mga kababayan natin sa Norte,” ani Martinez.

Ikinuwento rin ni Martinez ang pamamaran ng mga OFW sa pagpapapadala ng kanilang tulong sa Pilipinas. Marami kasi umanong OFW ang ayaw na magpadala ng kanilang tulong kung dadaan pa sa gobyerno.

“Ito’y repleksiyon lamang ng kawalan ng tiwala ng mga mamamayan sa administrasyong Arroyo,” wika ni Martinez. Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Arroyo kamakailan na kailangang dumaan sa DSWD ang anumang tulong mula sa mga OFW.

Ayon kay Martinez, ipinadadala ng mga OFW sa kanilang mga kamag-anak ang mga relief goods para hindi na dumaan sa gobyerno. Pagdating sa Pilipinas saka pa lamang nila pinagsasama-sama na siya naman nilang ipamamahagi sa mga nasalanta ng kalamidad.

“Marami pang paraan, basta huwag lamang maagaw ng gobyernong Arroyo ang kredit sa mga OFW na gustong tumulong para lamang sabihin na may ginagawa siya para sa ating mga kababayan,” pangwakas ni Martinez.