Pagsagip sa naaanod na pag-asa
Ngunit hindi lahat ng nagsilikas mula sa kanilang mga lugar ay maayos ang kalagayan at may nakakapagsalaysay ng kanilang mga karanasan.
Bagamat nakapanlulumo na ang bilang ng namatay sa Bagong Silangan, sa Quezon City, ilan pa lamang ang mga ito sa kabuuang bilang ng namatay na ayon sa National Disaster Coordination Council (NCC) ang umabot na ng 288. Pinakamarami ang nasawi sa Kamaynilaan na umabot sa 136.
Kasama ng mga evacuee na ito sa Bagong Silangan Elementary School ang mga bangkay ng kanilang mga kaanak na binawain ng buhay sa pananalasa ng baha.
Sa ilang evacuation site naman sa Marikina, pinapauwi na ang mga evacuee kahit wala silang tahanang babalikan. Samantala, isa lamang ang palikuran ang maaaring gamitin sa evacuation site ng daang residente ng San Andres, Maynila.
Marami na ang nagkakasakit sa mga lugar na ito. Upper respiratory illness at diarrhea ang karaniwang mga sakit. Kakulangan sa gamot ang pangunahing problema dito. Ayon din kay Elizabeth Byrs, tagapagsalita ng United Nations’ Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, 80 porsiyento ng mga health center sa Kamaynilaan ay sinira ng baha na siyang namang lalung nagpabagal sa pagtugon sa medikal na pangangailangan ng mga biktima.
Ayon sa DSWD, kalahating milyon ang kabuuang bilang ng mga evacuee. Mahigit 100,000 nito ay taga-National Capital Region na nagmula sa 900 baranggay sa Manila, Marikina, Malabon, Muntinlupa, Makati, Pasay, Pasig, Valenzuela, San Juan at lunsod ng Quezon.
Nasaan ang pamahalaan?
Aminado naman si Esperanza Cabral, kalihim ng DSWD, na kalakhan ng donasyon para sa mga biktima ng baha ay nanggagaling sa pribadong sektor, organisasyon at mga institusyon. Nahihirapan ang pamahalaan lalu na’t naubos na rin umano ang P2 Bilyong calamity fund nito dahil 15 bagyong nagdaan sa bansa pagpasok ng 2009. Pero ayon kay Emilia Boncodin, dating kalihim ng Department of Budget and Management, sadyang maliit ang ilinalaan ng pamahalaan sa calamity fund.
Wala ring nagawa ang pamahalaan kundi manawagan sa ibang bansa dahil sinagad umano ng bagyong Ondoy ang kapasidad nito na rumesponde sa mga kalamidad. Kaagad namang nagbigay ng pinansiyal ng tulong ang bansang Hapon at US, na maaaring may kapalit na pabor mula sa pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Anthony Golez, tagapamuno ng Office of Civil Defense, ang mismong pamahalaan at mga local government unit ay lubhang nanlulumo sa matinding hagupit ng bagyo.
Bunga nito, hindi maagap at epektibong nakakatugon ang pamahalaan sa pangangailangan ng taumbayan sa panahon ng kalamidad.
Dinudumog ang mga relief operation ng pamahaalan dahil na rin sa dalang ng mga ito. May ganitong mga insidente sa Cainta, Rizal dahil na rin matagal bago napasok at nahatiran ng tulong ang mga residente dito.
Samantala, binuksan man ang pinto ng Malakanyang para sa mga apektado ng baha, supot ng tinapay lamang ang nakuha ng mga ito. Nagkagulo pa ang nagsipila dito dahil kulang ang nakahandang relief goods.
Sa kabila nito, ayon kay Nanay Amy, patuloy nilang igigiit sa pamahalaan na ibigay sa kanila ang nararapat na tulong para sa kanila habang patuloy naman ang kanilang pagkakaisa para malampasan ang hagupit na trahedyang pansamantalang umanod sa kanilang pag-asa.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4400















[...] Pagsagip sa naaanod na pag-asa [...]