Pinoy Weekly

Pahaging sa responsableng blogging (Una sa dalawang bahagi)

Tulad ng isang peryodista, gusto kong isiping may pagnanais ang isang blogger na mag-imbestiga. Anuman ang katiwalian o iba pang porma ng kamalian sa paligid niya, dapat lang na siya ay magmasid at magtanong, at pagkatapos ay mangalap ng mahahalagang impormasyon at mabilis na mag-blog.

Sa konteksto ng 2006 FIES, mahirap siyempreng paniwalaan ang mga datos tungkol sa karaniwang kita ng Pilipinong pamilya na mayaman, lalo na sa sitwasyong napakaraming alegasyon ng mga katiwaliang pinagkakakitaan ng mga nasa kapangyarihan. Milyon-milyon ang diumanong naibubulsa dahil sa mga proyektong sila-sila lang ang nakikinabang. Batay din sa mga lumalabas sa midya, ang mga trahedyang kinakaharap ng bansa ngayon ay pinagkakakitaan na.

Pero sa pag-uulat tungkol sa isyu, iresponsable para sa isang peryodista o blogger na sabihing lahat ng mayayamang Pilipino ay tiwali, at lalong maling sabihing ang lahat ng mga nagtatrabaho sa gobyerno ay kasabwat sa mga katiwaliang ginagawa diumano ng mga tauhan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Kung sakaling ang Pangulo ay kasalukuyang simbolo ng lahat ng mga bagay na mali sa bansang ito, kailangang maging malinaw sa paglalahad ng mahahalagang datos at pangkabuuang konteksto.

Ipinapakita, halimbawa, sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre 2009 na 62 porsiyento ng mga Pilipino ay hindi kontento sa kanyang paggampan ng trabaho bilang Pangulo. Maraming malalimang pag-aaral sa loob at labas ng bansa tungkol sa mga katiwalian na siyang pangunahing dahilan kung bakit negatibo ang pagtingin sa kanya ng maraming mamamayan. Pinatunayan ng isang pag-aaral ng Freedom House noong 2007, halimbawa, ang malawakang korupsiyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan: “Corruption is extensive throughout the Philippine state apparatus, from the lowest to the highest levels. Bribes and extortion seem to be a regular element of the complex connections among bureaucrats, politicians, businessmen, the press, and the public.

Para sa isang blogger, kailangan ang ibayong pag-iingat sa pagsusuri ng realidad, lalo na’t ginagamit na ng iba pang porma ng midya (print, telebisyon at radyo) ang impormasyong ibinabahagi niya sa publiko. Hindi sapat na sabihing ng isang blogger na siya ay nagsusulat lang para sa kanyang sarili: Ang kanyang blog ay nababasa hindi lang ng iilang kaibigan kundi ng marami pang nais na kumuha ng impormasyon sa isang paksa. Dahil sa mga search engine gaya ng Google at social media gaya ng Facebook, madali nang mahanap ang blog ng isang indibidwal.

Sa konteksto ng pag-iingat, lubhang kailangan ang responsibilidad. May karapatan mang magpahayag ang lahat ng mga blogger sa Pilipinas (at malinaw na nakasaad ito sa Konstitusyon), ang anumang karapatan at kapangyarihang mayroon tayo ay hindi dapat inaabuso. Magiging makabuluhan ang ating kontribusyon sa diskurso ng nangyayari sa lipunan kung responsable nating gagampanan ang proseso ng blogging.

Maraming etikal na pamantayang maaaring pagbatayan ng makabuluhang blogging, at sa katunayan nga’y mayroon nang “A Bloggers’ Code of Ethics” noon pang 2003 na binuo ng Cyberjournalist.net na batay sa “Society of Professional Journalists Code of Ethics.”

1 2 3

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4691

Posted by on Oct 25 2009. Filed under (Kolum), Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes