Pahaging sa responsableng blogging (Una sa dalawang bahagi)
Sa puntong ito, hayaan mong ibahagi ko ang aking pagsasalin sa wikang Filipino ng maikling pamantayang inihanda ng Cyberjournalist.net.
ETIKAL NA PAMANTAYAN NG MGA BLOGGER
(Isang pagsasalin ng “A Bloggers’ Code of Ethics”
ng Cyberjournalist.net, Abril 15, 2003)
Maging tapat at walang kinikilingan
Ang mga blogger ay dapat na maging tapat at walang kinikilingan sa pagkakalap, pag-uulat at pagsusuri ng impormasyon.
Ang mga blogger ay dapat na:
· Hindi nangongopya
· Tukuyin ang pinagmulan ng impormasyon at ibigay ang hyperlink dito (kung posible). Ang publiko ay may karapatang malaman kung ang impormasyong ibinibigay sa kanila ay mapagkakatiwalaan.
· Siguraduhing ang mga weblog entry, sipi, titulo, larawan at iba pang laman ay hindi nagbibigay ng maling impresyon sa publiko. Ang mga ito ay hindi dapat ginagawang napakasimple ang realidad o nagbibigay ng maling konteksto.
· Huwag baguhin ang nilalaman ng mga larawan nang hindi inaamin ang mga ito sa publiko. Ang anumang pagpapaganda ng larawan ay katanggap-tanggap lang kung ito ay para sa teknikal na kalinawan (technical clarity). Ang mga montage at ilustrasyong binubuo ng mga larawan ay dapat na may kaukulang titulo.
· Huwag maglabas ng impormasyong hindi totoo – at kung maglalabas ng impormasyong hindi beripikado, maging malinaw na may pagdududa rito.
· Pag-ibahin ang pagtataguyod ng isyu, pagbibigay ng komentaryo at simpleng paglalahad ng datos. Kahit ang pagtataguyod ng isang isyu at pagbibigay ng komentaryo ay dapat na hindi nagbibigay ng maling impormasyon o konteksto.
· Ihiwalay ang pagbibigay ng datos at komentaryo sa mga patalastas at huwag mag-blog sa paraang hindi na makita ang kaibahan sa dalawa.
Bawasan ang pinsala
Ang mga etikal na blogger ay binibigyang-galang ang mga taong pinagkukunan ng impormasyon.
Ang mga blogger ay dapat na
· Magpakita ng pag-intindi sa mga taong maaaring sobrang maapektuhan ng anumang nilalaman ng isang weblog. Gumamit ng espesyal na sensibilidad kung tinatalakay ang mga isyung may kinalaman sa mga bata o kumukuha ng impormasyon mula sa mga taong walang-karanasan.
· Maging sensitibo kung humihiling ng panayam o kumukuha ng larawan ng mga taong apektado ng trahedya o nagdadalamhati.
· Kilalaning ang pagkakalap o pag-uulat ng impormasyon ay maaaring magresulta sa pinsala o pagkabalisa. Ang pagkuha ng impormasyon ay hindi lisensiya para maging arogante.
· Kilalaning ang mga pribadong indibidwal ay mas may malaking karapatang huwag magbigay ng impormasyon tungkol sa kanila kumpara sa mga opisyal ng gobyerno o iba pang nagnanais ng kapangyarihan, impluwensiya o atensiyon. Tanging ang malaking pangangailangan ng publiko para sa impormasyon ay nagbibigay-dahilan para panghimasukan ang pribadong buhay ng isang tao.
· Magpakita ng kagandahang-asal. Iwasan ang pagpatol sa kagila-gilalas na pampublikong pang-uusyoso. Maging maingat sa pagbibigay ng tunay na pangalan ng mga batang suspek sa krimen, mga biktima ng panggagahasa at iba pang katulad na krimen, at iba pang mga suspek ng krimen bago ang pormal na paghahain ng kaso.
Magkaroon ng pananagutan
Ang mga blogger ay dapat na
· Aminin ang anumang kamalian at mabilis na iwasto ang mga ito.
· Ipaliwanag ang misyon ng bawat weblog at hikayatin ang publiko sa palitan ng kuro-kuro hinggil sa nilalaman nito at asal ng mga blogger.
· Ibunyag ang mga nagtutunggaling interes, pagiging miyembro ng anumang organisasyon, mga aktibidad at personal na adyenda.
· Huwag paboran ang mga naglalagay ng patalastas sa blog at iba pang grupo at labanan ang anumang pamimilit na baguhin ang nilalaman ng blog para maging pabor sa kanila. Pero kung sakaling gagawin ito, ibunyag ito nang buo sa mga mambabasa.
· Maging maingat sa mga taong nais magbigay ng impormasyon kapalit ng ilang pabor. Kung tatanggapin ang kanilang impormasyon, kailangang ilahad ang mga nasabing pabor.
· Ilantad ang mga hindi-etikal na gawi ng iba pang blogger.
· Sumunod sa parehong mataas na pamantayang itinatakda para sa iba.
Naalala ko ang nabanggit na pamantayan sa responsableng blogging matapos kong basahin ang isang artikulo noong Oktubre 21 sa Blog ni Ella na ibinahagi ang nakita ng awtor na anomalya sa Department of Social Work and Development (DSWD). Patago siyang kumuha siya ng mga larawan sa loob ng DSWD warehouse bilang patunay sa paratang niyang hindi naibabahagi ang relief goods na lubhang kinakailangan ng mga biktima ng mga bagyong Ondoy at Pepeng. Mabilis na kumalat ang nasabing artikulo at nakadagdag pa sa kontrobersiya ang pansamantalang pagkaka-block ng kanyang website noong Oktubre 23.
Tulad ng inaasahan, iniulat ng mga peryodista ang impormasyong ibinahagi ni Ella at sinubukang kunin ang panig ng DSWD. Sa puntong ito, napilitang magbigay ng pahayag ang DSWD para pabulaanan ang mga akusasyon. Mabilis namang ipinagtanggol at pinuri ng napakaraming blogger at social media user ang ginawa ni Ella. Sa pamamagitan daw niya, muling napatunayan ang kabulukan ng administrasyong Macapagal-Arroyo.
Mainam na suriin nang mabuti ang nakasulat sa nasabing artikulo para malaman kung nakakatulong ba ito sa paghuhubog ng opinyong pampubliko.
(ITUTULOY)
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4691













