Pananagutan ng kapitalista sa sakuna

Itinutulak ng mga kilusang pagbabago sa buong mundo ang People's Protocol on Climate Change na alternatibo sa sinalaulang Kyoto Protocol. (Contributed Photo)
Samantala, itinulak ng US ang sarili nitong pakete ng solusyon para sa climate change, ang Joint Implementation, Carbon Trading at Clean Development Mechanism (CDM). Mga mekanismo ito kung saan sa halip na magbawas ng sariling carbon emissions ang mga korporasyon at gobyerno mauunlad na bansa, popondohan nito ang mga proyekto sa mga atrasadong bansa na nakakabawas sa carbon emissions. Kapalit nito ang carbon credits na maaaring ibenta o ikalakal.
Ayon sa mga kritiko, ang mekanismong ito ay pawang nagbibigay ng lisensiya para ipagpatuloy ng mga kapitalista ang paggulong ng mga industriyang mapangwasak sa kalikasan, at ng bagong oportunidad para sila ay kumita mula sa penomenon ng pagkabahala sa climate change.
Umano’y ang mga proyekto rin na kanilang pinangungunahan ay gumagamit ng mababang uri ng teknolohiya, at inililibre ang mga kapitalista mula sa tungkuling magpaunlad ng teknolohiyang mas pangmatagalan ang epekto sa pagbabawas ng carbon emissions.
Samantala, habang abala sa pagbebenta at pangangalakal ng carbon credits ang mga kapitalista at gobyerno ng mauunlad na bansa, unti-unti namang nawawalan ng ngipin at pondo ang UNFCCC at Kyoto Protocol.
Sa aktibo na ring pakikilahok ng World Bank, nalampasan na ng pondong ibinuhos sa Joint Implementation, Carbon Trading at CDM ang pondong ibinigay para sa orihinal na pondo para sa pag-ibsan ng epekto ng climate change na pinangangasiwaan ng UN. Halimbawa, ang Least Developed Countries Fund at Special Climate Change Fund sa ilalim ng UNFCCC ay naging boluntaryo na lamang ang kontribusyon ng mauunlad na bansa. Hindi pa nag-aambag ang US simula nang itinayo ang pondo noong 2001.
Sa kabuuan, umaabot pa lamang sa $182 Milyon ang pondong ipinangako ng mauunlad na bansa para sa maibsan ang epekto ng climate change, o wala pang 0.5% ng kabuuang halagang kinakailangan. Sa ipinangakong halagang ito, nasa $48-M pa lamang ang kanilang aktuwal na naibibigay.
Alternatibong protocol sa climate change
Malinaw na pinagkakautangan ng mga kapitalistang bansa ang mahihirap na mamamayan sa mga bansang gaya ng Pilipinas, na pinakaapektado ng hagupit ng mga sakunang dulot ng climate change. Hinihintay pa rin ng huli ang pagtuwid sa “istorikal na kawalang-hustisya” laban sa kanila.
Pero sinimulan na rin ang sariling pagkilos sa climate change. Sa kumperensiya ng Asia Pacific Research Network na People’s Sovereignty over Natural Resources sa Bangkok, Thailand noong 1997, pinagtibay ng 170 kinatawan mula sa iba’t ibang bansa sa Timog Silangang Asya, North America, Europa, at Africa ang People’s Protocol on Climate Change.
Kabilang sa mga organisasyon sa Pilipinas na sumusuporta sa nasabing protocol ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Ibon Foundation, Cordillera People’s Alliance, Ecumenical Institute for Labor Education and Research, at Center for Women’s Resources.
Kaiba sa Kyoto Protocol, kinikilala ng People’s Protocol on Climate Change na magkakaroon lamang ng tunay na kolektibong pagtugon sa climate change kapag ibinasura ang mga mekanismo ng neoliberal na globalisasyon, na inuuna ang pagkamal ng tubo kaysa sa kapakanan ng mga mamamayan at kalikasan.
Kinikilala rin na hindi mga proyekto na pinangungunahan ng malalaking korporasyon at gobyerno ang sosolusyon sa pag-init ng mundo, kundi ng mga inisyatiba ng mga kilusang pagbabago para igiit ang soberanya sa pag-aari ng mga natural na rekurso at produksiyon—kabilang na rito ang pagpapalayas sa malalaking debeloper at korporasyong mapangwasak sa kalikasan.
Sa Disyembre 2009, magaganap ang ika-14 Conference of Parties sa Copenhagen, lundo ng pinakahuling mga negosasyon para ipatupad ng mga bansa ang komitment sa ilalim ng UNFCCC. Inaantabayanan ng mundo ang magiging resulta nito, partikular ang magiging komitment (o kawalan ng komitment) ng US.
Pero marami na rin ang hindi na lamang nagkakasya sa pag-aantabay sa susunod na hakbang ng mga kapitalistang bansa. Sa halip, nagpupursige sila sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng mga mamamayan para kalampagin ang kani-kanilang gobyerno at pandaigdigang komunidad sa usapin ng climate change at pangangalaga sa kalikasan.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4481













