Trahedya sa panahon ng Facebook
Kung matatandaan ang konteksto ng panawagan ni Rep. Mikey Arroyo, kumalat kasi sa FB ang diumanong larawan niyang namimili ng alak sa isang sikat na supermarket sa Katipunan sa gitna ng bagyong Ondoy. Pinabulaanan niya ang akusasyon at sinabing siya ay nasa Malakanyang noong Setyembre 26 (Sabado). Pero hindi malinaw sa kanyang pahayag kung nasaan siya noong Setyembre 27 (Linggo) na pinaniniwalaang petsa ng panakaw na pagkuha ng larawang nabanggit.
Nakita ko ang kontrobersiyal na litrato. Pinili kong huwag ipalaganap ito sa aking FB network. Una, napakalabo ng litrato kaya mahirap malaman kung siya nga ang nasa larawan. Ikalawa, side view lang ang kuha kaya may posibilidad na hindi siya ang kinunan, lalo na’t ang kanyang buhok at pangangatawan ay tulad ng ibang kabataan.
Madaling sabihing nakatira ang pamilyang Arroyo sa pang-mayamang subdibisyong malapit sa sikat na supermarket, pero puwede ring sagutin ito sa paraang ang mayayamang tulad niya ay maraming puwedeng utusang bumili ng alak, lalo na’t malakas ang ulan.
Malalaman lang ang katotohanan kung aalamin ang mismong taong kumuha ng larawan at tatanungin ang mga nagtatrabaho sa nasabing sikat na supermarket kung naroon nga ba si Rep. Mikey Arroyo noong Setyembre 26 o 27.
Pero sa kabila ng sitwasyong ito, walang dahilan si Rep. Mikey Arroyo para magsabing kinakailangang kontrolin ang FB, at nararapat lang na siya ay kondenahin dahil sa kanyang pahayag. Hindi sagot ang regulasyon ng pamahalaan sa Internet o kahit sa social media sa pang-aabusong nangyayari sa kasalukuyan.
Una, ang makikinabang sa anumang porma ng censorship ay hindi ang mamamayan kundi ang mangilan-ngilang may gustong itago sa publiko. Ikalawa, makokompromiso ang malayang daloy ng impormasyon sa midya at ang pagdinig sa iba’t ibang panig ng mga isyu.
Lubos na mahalaga ang kalayaang makapagpahayag sa iba’t ibang midya tulad ng Internet para mamulat ang publiko. Ang sinumang nais na mawala ang kritikal na pag-iisip sa mga mamamayan ay natural na kokontrolin ang midya dahil ang mga ito ay pangunahing daluyan ng impormasyon.
Marami pang trahedyang kakaharapin ang Pilipinas bukod sa mga bagyo. Ang eleksiyon ay mangyayari na sa loob ng ilang buwan at alam natin ang epekto nito sa istabilidad ng ekonomiya’t pulitika ng bansa. May malaking papel na gagampanan ang FB at iba pang social media para sa mabilis na pagpapakalat ng impormasyon sa darating na panahon.
Sa gitna ng trahedya, kailangan ang mas ibayong hinahon para responsableng magampanan ang tungkulin ng lahat ng mamamayan. Ang social media ay nagbibigay ng kapangyarihan para magpalaganap ng impormasyon sa iba pang may koneksiyon sa Internet.
Sana’y matuto tayo sa hindi-masyadong magandang karanasan ng nakaraan at patunayang ang ating kalayaan ay kayang-kaya nating responsableng gampanan. Sana’y patuloy nating labanan ang iba’t ibang porma ng pagsupil sa malayang kaisipan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4590














[...] N.B. – This was published in the October 16-22, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/trahedya-sa-panahon-ng-facebook/. [...]