Nagmartsa ang militanteng mga grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan para kondenahin ang diumano’y “culture of impunity” at tumitinding pasismo ng Estado na dumulo sa masaker sa mahigit 60 katao sa Ampatuan, Maguindano noong Nob. 23. Pero sa pagkakataong ito, kasama nila ang mga mamamahayag na dati’y nagkokober lamang sa kanila. Kinondena ng mga […]
Nagmartsa ang militanteng mga grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan para kondenahin ang diumano’y “culture of impunity” at tumitinding pasismo ng Estado na dumulo sa masaker sa mahigit 60 katao sa Ampatuan, Maguindano noong Nob. 23.
Pero sa pagkakataong ito, kasama nila ang mga mamamahayag na dati’y nagkokober lamang sa kanila. Kinondena ng mga mamamahayag sa pangunguna ng National Union of Journalists of the Philippines, National Press Club at Philippine Center for Photojournalism ang pagpatay sa 30 mamamahayag sa Ampatuan. Ayon sa NUJP, kung hindi sapat na mareresolba ang kaso, hinihiling nila ang pagbaba sa puwesto ni Arroyo.
Bago matapos ang programa, dumating sa rali si Press Secretary Cerge Remonde, na umano’y magpapahayag ng pakikiisa sa pagkondena sa naganap sa Maguindanao. Ngunit nalunod ng hiyaw at “boo” ang kanyang talumpati. Nagawa pang pagbabatuhin ng papel at dahon mula sa mga halaman sa Mendiola ang naturang opisyal ng Malakanyang.
Naganap ang rali sa Araw ni Andres Bonifacio, Nobyembre 30.
"Hindi tayo mapapagod na manawagan sa mga kinauukulan na lalo pang pangalagaan at itanghal ang kapakanan at mga karapatan nating mga alagad ng komunikasyon at midya para sa walang maliw na pakikipaglaban at pagtaguyod sa kapakanan ng sambayanan,” ayon sa pahayag ng UP College of Mass Communication.
Sa isang sitwasyong patuloy na pinapaslang ang mga peryodista at manggagawa sa midya at kinokompromiso ang kalayaan sa pamamahayag, ano pa ba ang puwedeng gawin ng mga ordinaryong taong katulad natin para mabago ang kasalukuyang kalakaran?