Pinoy Weekly

Paglikha ng kasaysayan ng pelikulang “Latak” at ang kamatayan ni Johnny Delgado

***

Mabuti naman at ang dami-daming nanonood ng “Latak” kahit na kasabay pa ito ng “New Moon” at “Messengers.”

Kahit na nagbabanta pa ang “2012” ay walang pakialam sina Jowee sa malalaking pelikulang ito.

Binabaha ng tao ang “Latak” sa IndieSine sa anumang paraan at sa unang pagtatanghal pa man nito ay humakot ng libong pera na kasaysayan na para sa isang maliit na produksyon tulad ng Outline Films.

Ayon kay Jan Endaya, ang opisyal na film editor ni Jowee, naka-P20,000.00 humigit-kumulang ang kita ng pelikula sa unang araw, malaking pasok na sa isang independent film o kahit na mag-ambisyon pa ng mas mataas na kita kaysa roon.

At ang mga sumusunod na araw ay klik pa rin ang “Latak” kahit na barya-barya lang sa pananaw ng ibang mga kapitalista.

Ang mahalaga para kay Morel ay napapanood kahit na hindi pa sanglaksa ang kanyang ideya at biswal.

***

Samanatala, tambak ang nakikipaglamay kay Johnny Delgado sa mga sandaling ito sa isa sa mga chapel ng Mt. Carmel Church sa New Manila.

Nagluluksa na naman ang showbiz sa pagpanaw ng isa sa mga iginagalang at mahuhusay na alagad ng sining ng pelikula at telebisyon.

Namatay si Johnny noong Huwebes, mga ala una ng hapon, ika-19 ng Nobyembre, 2009 sa kanilang tahanan sa Horseshoe Drive sa Quezon City.

Colon cancer ang kumitil sa kanyang buhay subalit nagka-lymphoma siya at ito ang mas nagbigay ng komplikasyon sa kanyang sistemang pampisikal.

Sa Loyola Guadalupe siya dinala mula sa kanilang tahanan at doon siya inimbalsamo.

Pagkuwan ay dinala siya sa Mt. Carmel kinagabihan.

***

Umagos ang mga nagmamahal kay Johnny para sulyapan siya sa mga huling pagkakataon at alayan siya ng mga panalangin, bulaklak, alaala at pagmamahal.

Ayon kay Laurice Guillen, ang masigasig na esposa ni Delgado, nakahanda na siya sa pagpanaw ni Johnny pero haharapin niya ang maraming pagsubok.

“He healed so many wounds,” pahayag ni Laurice sa kanyang panayam kay Gorgy Rula ng “Startalk.”

Sinabi naman sa amin ni Ana Feleo, panganay na anak nina Guillen at Delgado na marami siyang mga ginintuang alaala na sukat na tataglayin niya habang siya’y nabubuhay.

“Papa’s girl kasi ako. I remember, hanggang ngayon, ipinagpi-prepare pa niya ako ng sandwich. Noong bata pa ako, talagang ganyan na siya. Tapos, pag may time, tatakas kaming dalawa patungo sa farm namin sa Lucban, Quezon at doon kami kakain.

“Bibilhan niya ako ng corned beef at lulutuin niya. Tapos, magsasaing siya. Ang laki ng subo niyang kanin. Parang ganito,” pagmuwestra ni Ana sa kanyang kamao.

Nitong mga huling taon ay sa Anilao, Batangas na nagpupunta ang mag-ama at pinababantayan na lang nila ang kanilang lupain sa Lucban.

***

Nasa burol ang mga kaibigan ni Johnny tulad ni Levy Ignacio. “Ako pa ang naglapat ng kanyang mga jaws ilang minuto pagkatapos niyang mamatay. I even hugged him,” pahayag ni Levy.

Magkasama sa paglalaro ng golf sina Delgado, Juan Marasigan Feleo sa tunay na buhay, Ignacio at Edgar Mortiz.

Sana nga ay kasama pa si Johnny sa Dolphy Cup na ngayong linggo gagawin sa Antipolo City.

Nasa lamay rin sina Lorna Tolentino, Amy Austria, Vivian Velez, Isabel Rivas, Lolit Solis, Tito Sotto, Digna Santiago, Jackie Atienza at marami pang iba sa bawat araw at gabing pinaglalamayan ang aktor.

Nanggaling pa sa Macau si Edgar, kilala rin sa tawag na Bobot Mortiz at si Christopher de Leon ay nagmula sa kanyang mga taping.

Sila ang Bad Bananas, di ba?

Magkapiling na sa dako pa roon sina Johnny at Jay Ilagan.

Maligayang paglalakbay, Johnny!

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5073

Posted by on Nov 24 2009. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes