Pagtatrabaho, pagbabalik at paghihintay
Bukod sa ibang sistema ng pagbibigay ng grado (ang pinakamataas na marka sa UP ay 1.0 samantalang sa HNU ay 4.5 o A+), iba rin ang kultura ng mga Koreano’t ilang dayuhan pagdating sa mga grado nila. Madalas ang kanilang pagrereklamo kung bakit mababa ang kanilang nakuha at kailangan mong bigyan ng kaukulang panahon ang lahat ng kanilang katanungan hanggang makumbinsi silang tama ang ginawa mo.
Hindi ako naiirita sa ganitong gawi ng maraming Koreano’t iba pang dayuhang estudyante ko. Sa katunayan pa nga’y natutuwa ako dahil binibigyang halaga nila ang kanilang pang-akademikong katayuan. Marami sa kanila ay may mga scholarship na kung saan kailangan nilang masigurong mapapanatili nila ang mataas na grade point average (GPA).
Sa aking palagay, wala sa bokabularyo ng mga Koreano ang sumipsip sa kanilang mga propesor para lang makakuha ng mataas na grado. Kung ayaw nila sa iyo, hindi ka nila papansinin. Pero kung gusto ka nila, handa nilang ipahayag ang kanilang nararamdaman.
Sadyang nakakataba ng puso ang mga iniwang mensahe ng mga estudyante ko sa huling semestre ko ng pagtuturo sa HNU. Halimbawa, may isa akong estudyanteng takot na magbigay ng mga sanaysay na kailangan niyang isulat dahil mahina siya sa wikang Ingles. Pinilit ko pa rin siyang magbigay ng mga kinakailangang papel, pero binigyan ko pa rin siya ng mababang marka dahil sa kalidad ng kanyang mga isinumite.
Sa halip na sumama ang kanyang loob, tinanggap niya ang kanyang grado’t nagpadala pa siya ng email sa akin. Ito ang sipi ng aktuwal na mensahe niya: “I will remember your advices that i am normal being afraid of writing. and i will never forget even i couln’t see you again. Thank you for being my professor for last semester. I learn many things from your class. I hope you had special remembrance in Korea as well. In the future, i will see you with professional English ability.”
Puro mensahe rin ng pasasalamat ang nakuha ko sa marami pang iba: “i will miss you and i hope to say goodbye.” “You are so passionate and professional professor. I wish all the faculties were like you.” “Thank you for everything and take care in the philippines.” “I’m appreciating for your teaching for 1 year.” “I learned many things. I think you are great professor.”
Ang mga ganitong klaseng pasasalamat ay nagpapaalala sa akin kung bakit nagustuhan ko na rin ang pagtuturo katulad ng pagmamahal ko sa peryodismo. Kung noon ay tiningnan ko lang ang pagiging propesor bilang pinansiyal na suporta sa aking peryodismo, ngayon ay pantay na ang pagpapahalaga ko sa dalawang propesyon.
May sinabi noon si Confucius na isinalin sa wikang Ingles: “Find a job you love and you’ll never work a day in your life.” Sa aking opinyon, hindi akma sa akin ang kasabihang ito dahil hindi ko tinitingnan ang peryodismo’t pagtuturo bilang trabahong magbibigay ng personal na kasikatan, pag-abanteng propesyunal o benepisyong pinansiyal. Para sa akin, ang epektibong paggampan ng mga ito ay maliit na kontribusyon ko sa pagkilos para sa pagbabago.
Sa madaling salita, ang aking nahanap ay hindi dalawang trabaho (sa propesyunal na pamantayan) kundi makabuluhang pagkilos. Ang peryodismo’t pagtuturo ay serbisyo sa nakararaming mamamayan, lalo na ang kabataan. Kahit kailan ay hindi usapin ang perang makukuha mula sa mga gawaing ito, dahil pangunahing salik sa mga ito ang makapagbigay ng kaalaman.
Sa kontekstong ito dapat maintindihan ng lahat ang desisyon kong huwag nang mag-renew ng aking kontrata sa Korea, kahit na may alok ng mas matagal na pananatili sa maunlad na bansang ito. Nariyan man ang tukso ng permanenteng pag-alis sa Pilipinas dahil sa sanlaksang problemang kinakaharap nito, ang mismong mga problemang ito ay nagtutulak sa akin para bumalik. Wala man akong susing papel sa kilusan para sa pagbabago, nais ko pa ring tumulong kahit sa pamamagitan lang ng pagtataguyod ng makabuluhang peryodismo’t pagtuturo.
Pero higit pang mahalaga ang pangangailangang makapiling si Joy, dahil ang pansamantalang paghihiwalay ay hindi maganda para sa relasyon ng mag-asawa. Hindi pa rin mapapalitan ng ilang oras na pag-uusap sa Skype ang personal na pagkikita’t pagyakap sa minamahal sa pagtatapos ng araw.
Sa panahong tulad nito, sadyang mahirap gampanan ang maraming gawain dahil patuloy ang paglalakbay ng aking isip. Kapansin-pansin ang kontradiksiyon sa ilang araw na nalalabi bago ang aking takdang pag-alis.
Nararamdaman ko kasi ang mabilis na pagtakbo ng oras sa pagsusulat ng mga artikulo, pagkokompyut ng mga grado at iba pang mahahalagang gawain. Pero sa kabilang banda, lalo na sa panahon ng pag-iisa, nariyan ang mabagal na pagsapit ng takdang oras na siyang hudyat ng aking pagdadala ng matagal nang nakaimpakeng maleta.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5394














[...] Pagtatrabaho, pagbabalik at paghihintay If you like this post, please subscribe to the RSS feed.N.B. – This was published in the December 11-27, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2009/12/pagtatrabaho-pagbabalik-at-paghihintay/. [...]