10 mahahalagang istorya ng 2009 na pinalampas ng midya
5. Patuloy na ekstrahudisyal na mga pamamaslang
Isang pari at tatlong lider-Lumad ang kabilang sa 77 aktibistang ekstrahudisyal na pinaslang noong nakaraang taon ng hinihinalang mga ahente ng Estado. Papunta sa kanyang parokya sa Catubig, Northern Samar si Fr. Cecilio Lucero nang barilin sa loob ng kanyang sasakyan noong Setyembre 6. Pinatay din noong buwang iyon sina Datu Mampaagi Belayong (Agusan del Sur) at Datu Mansubaybay Badbaran (Agusan del Norte), mga lider-katutubo na kontra sa mga operasyong pagmimina at pagtotroso sa kanilang lugar. Noong Nobyembre, pinatay naman sa Gingoog City, Misamis Oriental, ang isa pang lider-Lumad na si Datu Alvie Binungkasan.
Ayon sa grupong Karapatan, dumami ang bilang ng mga aktibistang pinaslang noong 2009 dahil hinahabol ng gobyernong Arroyo ang dedlayn nito sa 2010 na puksain ang mga rebelde, sa ilalim ng programang kontra-insurhensiyang Oplan Bantay Laya. Pero muling napatunayan ng pagkamatay nina Lucero, Belayong, Badbaran, at Binungkasan na mga walang kalaban-labang sibilyan pa rin ang pinupuntirya.
4. Misyon ng International Labour Organization

Sa tulak ng Kilusang Mayo Uno, inimbestigahan ng ILO ang panunupil sa kilusang paggawa. (Angelica Carballo)
Signipikante gaya ng pagbisita ni Prop. Philip Alston ng United Nations noong 2006 para imbestigahan ang mga esktrahudisyal na pamamaslang sa bansa ang High-Level Mission ng International Labour Organization (ILO) noong Setyembre 22-29. Ito’y para naman imbestigahan ang diumano’y sistematikong panunupil sa kilusang paggawa.
Nang isinumite ng Kilusang Mayo Uno sa ILO ang reklamo nito dalawang taon na ang nakakaraan, 92 lider-manggagawa na ang pinaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Nadagdagan pa ang bilang simula noon, at sa wakas, nagdesisyon ang ILO na imbestigahan ang mga kasong ito. Naging madamdamin ang mga tagpo sa pagitan ng mga biktima at representante ng ILO. Ikinuwento, halimbawa, ng asawa ni Armando Dolorosa, bise-presidente ng National Federation of Sugar Workers, na 20 tama ng bala ang kumitil sa buhay ng lider-manggawa sa Negros Occidental. Inimbestigahan din ng ILO ang panghaharas laban sa mga unyonista. Ibinulgar ng mga manggawa sa Economic Processing Zones sa Cavite, halimbawa, na binantayan ng mga armado ang kanilang mga production line at marahas na binuwag ang kanilang piketlayn.
Hindi pa inilalabas ng ILO ang ulat sa misyon, pero nagbabadya ang mala-Alston na pag-uusig sa gobyernong Arroyo sa isyung ito. Ayon kay Cleopatra Dumbia-Henry, tagapangulo ng ILO Mission, dapat iutos ng gobyerno ang “espesyal na mga hakbang” para masigurong hindi nalalabag ang batayang mga kalayaang sibil ng mga manggagawa.
3. Pagtutol sa Carper at laban para sa GARB
Limang taon pa ang itatagal ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil sa pagpirma ni Pangulong Arroyo noong Agosto ng Republic Act 9700 o CARP Extension with Reforms (Carper). Sinalubong ang Carper ng papuri mula sa iba’t ibang panig—maliban sa mga magsasaka na sinasabing makikinabang sa batas. Paano’y hindi nakinig ang gobyerno sa matagal na nilang hiling na ibasura ang umano’y huwad na CARP.
Naroroon pa rin sa Carper ang dati nang mga butas ng batas, gaya ng voluntary land transfer at non-land transfer schemes, na ginamit ng mga panginoong maylupa para takasan ang pamamahagi ng lupa. May karapatan din silang tukuyin kung sinu-sino lamang ang magsasakang “pamamahagian” nito ng lupa. Naghain ang mga magsasaka, sa pamamagitan ng Anakpawis Party-list, ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB), na nagpapanukala ng walang kondisyon at libreng pamamahagi ng lupa. Inilaban nila ang GARB at nilabanan ang Carper, sa iba’t ibang anyo ng protesta, mula sa pagkampo ng 40 araw sa House of Representatives hanggang sa pagmartsa sa Mendiola. Kaya’t nakapagtataka na nang maipasa ang Carper, hindi nagrehistro sa midya ang kanilang pagluluksa, hindi gaya ng pagdiriwang ng iba’t ibang panig na ayaw pa ring humarap sa katotohanang walang tunay na repormang agraryo sa ilalim ng CARP.
2. Ang hindi mabuti sa pamana ni Cory

Matagal na namayagpag ang dilaw sa mga lansangan at pahayagan matapos pumanaw ni dating pangulong Corazon Aquino. Pero ano nga ba ang sinisimbolo ng kulay na ito? (Candice Reyes)
Inihalintulad halos sa isang santa si dating pangulong Corazon Aquino nang mamatay siya sa sakit na kanser noong Agosto. Marapat lamang na ipagluksa ng taumbayan ang pagkawala ng tinataguriang “ina ng demokrasya”—hanggang sa kanyang pagkamatay, nilabanan ni Aquino ang tiraniya ng gobyernong Arroyo gaya ng kung paano niya nilabanan ang diktadurang Marcos noon. Maraming kahanga-hanga at dapat tularan sa isang lider gaya ni Aquino. Pero marami ring mga kahinaan ng administrasyong Aquino na sana’y pinaglimian din ng publiko nang sa gayo’y makatas ang pinakatumpak na mga aral ng kasaysayan. Kahinaan ni Aquino ang ‘di pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, simula pa lamang sa asyenda ng kanyang pamilya sa Tarlac. Lumundo ang kahinaang ito sa dalawang pinakamalaking masaker ng mga magsasaka, noong 1987 sa Mendiola at noong 2004 sa Hacienda Luisita. Gayundin, hindi nababanggit ang pagpapaupo ni Aquino ng kanyang mga kamag-anak sa gobyerno, ang patuloy na pagtali ng ekonomiya ng bansa sa dayuhang interes, at ‘di pag-ampat sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Hindi simpleng paninira sa alaala ni Aquino ang pag-ungkat sa mga katotohanang ito, kundi bahagi ng tungkulin ng midyang ibigay sa publiko ang buong larawan ng isang maimpluwensiyang tao. Dahil tao si Aquino, at hindi santa. Isang tao na mabuti man ang interes para sa bayan ay hindi nagawang baguhin ang sistema ng paggogobyerno, na patuloy na nabulok para pagsilbihan lamang ang kanyang mga kauri. Malinaw na resulta ng di-kritikal na pagtingin kay Aquino ang pagtakbo bilang pangulo (at pangunguna ngayon sa mga sarbey) ng kanyang anak na si Noynoy, na ayon sa mga kritiko’y walang ibang sinasandigan kundi ang alaala ng kanyang yumaong ina.
1. Mga relief mission ng progresibong mga organisasyon

Isa sa mga relief mission na inilunsad ng Bagong Alyansang Makabayan, sa Pila, Laguna. Sinabi ng mga mga residente rito na hindi sila nabigyan ng ayuda ng gobyerno. (Angelica Carballo)
Higit pa sa gobyerno, midya, at pribadong sektor, sila ang nandoon sa oras ng pangangailangan ng masa. Nang masalanta ng bagyong Ondoy ang mga komunidad sa Metro Manila at mga karatig-probinsya, mabilis na rumesponde ang progresibong mga organisasyon, kahit pa lubhang apektado rin ang kasapian nito. Dahil sa pagiging likas na mga lider, sila ang nanguna sa pagsasagip ng buhay sa kanilang mga komunidad. Pagkatapos, agad silang nangalap ng ayuda at naglunsad ng relief missions, na makasaysayan sa lawak ng eryang sinaklaw (mula Timog Katagalugan hanggang Kordilyera na naapektuhan naman ng bagyong Pepeng), at sa dami ng mga natulungan. Pinangalanan ang ilang mga pagsisikap—ang Task Force Obrero (Kilusang Mayo Uno), Bayanihan Alay sa Sambayanan (Bagong Alyansang Makabayan), at Sagip Migrante (Migrante International), halimbawa—ang mas marami pa, ni hindi man lamang nalaman ng midya.
Pero hindi naman kasi atensiyon-sa-sarili ang hangad nila, kaiba sa ilang pulitikong nag-relief mission nga pero nakadikit naman ang litrato sa ipinamimigay na relief goods. Hindi rin sila nasasapatan sa pansamantalang ayuda; karamiha’y binalik-balikan ang mga komunidad para organisahin ang mga tao rito, nang sa gayo’y maging mas handang harapin ang mga sakuna (natural man o hindi) na dulot ng kapabayaan ng gobyerno.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5621
















[...] This post was mentioned on Twitter by mong palatino, makabayan coalition. makabayan coalition said: Pinoy Weekly | 10 mahahalagang istorya ng 2009 na pinalampas ng midya http://ow.ly/VwCu [...]