Konteksto

Ako, punong abala


Ang medyo maluwag na panahon sa aking pansamantalang pamamalagi sa Korea ay naging masikip sa aking pagbabalik sa Pilipinas. Sunud-sunod ang mga kailangang gawin, maraming artikulong kailangang tapusin. Nagsisimula na ring dumating ang mga imbitasyon para magbigay ng iba’t ibang lektyur, seminar at workshop at unti-unti nang napupuno ang aking kalendaryo. Enero pa lang ngayon […]

Ang medyo maluwag na panahon sa aking pansamantalang pamamalagi sa Korea ay naging masikip sa aking pagbabalik sa Pilipinas.

Sunud-sunod ang mga kailangang gawin, maraming artikulong kailangang tapusin. Nagsisimula na ring dumating ang mga imbitasyon para magbigay ng iba’t ibang lektyur, seminar at workshop at unti-unti nang napupuno ang aking kalendaryo. Enero pa lang ngayon pero may mga nakatakda na akong puntahan hanggang Abril. Sa gitna ng tuluy-tuloy na pagsusulat at pagsasalita, nariyan din ang medyo napapadalas nang pagbibigay ng panayam sa midya.

Nakakadagdag din siyempre sa napupuno kong iskedyul ang dumarami nang pagtugon sa mga pabor na ibinibigay ng ilang kasamahan sa trabaho, pati na rin ang mga estudyante ng iba’t ibang eskuwelahan. Puwede po ba kayong mainterbyu para sa pang-akademikong papel na sinusulat ko? (Sige. Libre ako sa mga araw na ito…) Maaari ka bang mag-referee ng isang artikulo tungkol sa midya? (Tingnan muna natin kung nasa posisyon akong magbigay ng komentaryo.) Puwede ka bang patnugot para sa isang proyekto? (Walang problema, pero ayusin natin ang iskedyul para hindi bumangga sa iba pang kailangan kong gawin.)

Oo, oo, oo. Masasabi bang kahinaan ang bihira kong pagsabi ng hindi? Tulad noon, tinitingnan kong bahagi ng gawain bilang peryodista’t guro ang pagtugon sa napakaraming tanong o pabor na minsa’y kumakain kahit sa aking Sabado’t Linggo. Halimbawa, sinusulat ko ang sanaysay na ito ngayong madaling araw ng Sabado dahil kararating ko lang kagabi mula sa Pampanga na kung saan may isang seminar para sa mga peryodista. Pagkasulat nito, kailangan kong maghanda para sa isang pulong sa aming kolehiyo hinggil sa isang proyekto. Aba, sa sobrang dami ng trabaho, tila wala na rin akong panahon para magreklamo!

Buti na lang at naiintindihan ni Joy ang aking trabaho, bagama’t nakokonsensiya ako’t hindi ko natutupad ang pangako kong maglaan ng mas mahabang oras para sa aming mag-asawa. Minsan nga’y binibiro niya ako kung kailangan na niyang humingi ng appointment para makausap ako. Ang pabirong sagot ko naman, kailangan ko na siyang kuning personal na sekretarya!

Sa tulong ni Joy, nagiging mapanlikha na rin kami sa pag-aayos ng aking masikip na iskedyul para magkasama. Sa aking nakatakdang pag-alis papuntang Indonesia sa Pebrero, sasama siya sa akin at nangako ako sa kanyang maglalaan ako ng kahit kalahating araw para maglibot-libot sa Jakarta o iba pang karatig na lugar. Oo, magastos ang ganitong plano, pero hindi dapat tapatan ng presyo ang makabuluhang pagsasama.

Napapailing na lang ako kung bakit kailangang bumangga sa mga importanteng petsa ang ilang pagsasalita. Maniniwala ka bang kailangan kong magtrabaho sa Araw ng mga Puso ngayong Pebrero kahit na ito ay tumatapat sa Linggo? Gayundin ang mangyayari sa Semana Santa ngayong Abril.

Pero minsa’y nagkakataong pumapabor sa aking personal na interes ang pagtanggap sa anumang hinihiling ng ilang kaibigan. Noong nakaraang taon na kung saan nasa Korea ako bilang visiting professor, nagkaroon ako ng mapanlikhang palusot para bumalik sa Pilipinas sa okasyon ng aking kaarawan nang magsalita ako sa isang komperensiya ng mga blogger. Para masiguradong sulit ang aking maikling pagbisita, nag-organisa rin ako ng isang pulong para sa isang proyekto. Kapansin-pansin lang ang maliit na kompromiso sa sitwasyong ito: Sa pagsapit ng hapon sa araw ng aking kaarawan (Setyembre 21), kailangan ko nang pumunta sa paliparan para sa aking biyahe pabalik ng Korea.

Hindi lang punong abala, kundi puno ng abala! Biro ko sa aking sarili, para akong punong hitik sa bunga, at sana’y hindi dumating ang panahong magmimistulang tuod akong walang silbi sa bayan. Huwag sanang mangyari ito sa aking pagtanda!

Tulad ng iba pang punong hitik sa bunga, hindi maiiwasan ang paminsan-minsang pambabato sa akin pero bahagi na ito ng trabaho’t hindi ko tinitingnan bilang personal na atake. Kailangan ko lang sigurong humingi ng dispensa sa mangilan-ngilang gustong sirain ang aking reputasyon dahil wala na akong panahon ngayon para sagutin ang mga paratang nila.

Noong 2006, sa gitna ng Proklamasyon 1017 na kung saan nakansela ang programa sa radyong isa ako sa mga co-host, kinailangan kong tumulong na sagutin ang paratang ng isang testigo ng gobyerno na propaganda arm diumano ng mga komunista ang nasabing programa sa radyo. Ngayon, may nagpapakalat na naman ng misimpormasyon sa isang social networking site tungkol sa aking nakaraan. Payo ko sa mga dating katrabahong nananatiling personal kong kaibigan – ilan sa kanila’y binanggit din sa nasabing misimpormasyon – hindi na kailangang patulan ang mga paratang na iyon dahil may mas mahalagang paglaanan ng oras.

Sumisikat na ang araw at kailangan ko nang tapusin ang sanaysay na ito para pansamantalang makapag-almusal kasama si Joy. Pagkatapos nito’y maghahanda na ako ng aking presentasyon para sa isang mahalagang pulong ngayong hapon.

Sa susunod na linggo’y nakatakda pa rin akong magsalita sa isang porum, pero sa Martes na siguro ako magsisimulang maghanda para dito. Wala akong panahon sa Lunes dahil may kailangan akong isulat para sa isa pang kolum sa wikang Ingles. Siyanga pala, kailangan ko ring ipadala sa isang diyaryo sa Korea ang isang mahabang artikulo sa mismong araw ng aking nakatakdang pagsasalita sa isang porum sa Biyernes, kaya malamang na magsisimula ang aking pananaliksik at pagsusulat sa Miyerkules at Huwebes.

Muntik ko na ring makalimutang kailangan ko nang ayusin ang aking website at magsagawa ng ilang taktikang search engine optimization (SEO). Kung sabagay, makakapaghintay naman ang mga ito dahil mas mahalaga ang direktang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang tao bilang bahagi ng aking trabaho.

May kritisismo ka sa aking ginagawa? Handa po akong makinig dahil may malaking maitutulong ito sa akin. Pero kung personal na atake lang ang gagawin mo (tulad ng pagmumurang ginawa ng isang nagkomento sa aking blog), pasensiya na’t pipiliin kong hindi sagutin ang anumang mensahe mo. Masyado akong abala para pag-aksayahan ka ng panahon kung sakali.

Gusto mo akong kausapin sa aking opisina? Handa po akong makipag-usap basta’t ayusin natin ang ating iskedyul. Nais mo bang humingi ng payo tungkol sa iyong pagsusulat o pagtuturo? Hindi po ako eksperto pero pipilitin kong tulungan ka. Iyon naman ang nais ko sa aking buhay, ang makatulong kahit paano.

Paano ko ba dapat tapusin ang sanaysay na ito? Siguro’y kailangan ko lang magbigay ng klaripikasyong wala po akong reklamo sa pinili kong buhay. Kahit kailan, huwag kang mag-atubiling makipag-ugnayan sa akin kung sa tingin mo’y kinakailangan. Para sa akin, hindi kalbaryo ang pagsisikip ng aking kalendaryo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.