Dalawampung panandang-bato sa bagong milenyo
Pampulitikang pamamaslang, pagdukot at malawakang paglabag sa karapatang pantao (2001 – kasalukuyan)

Hustisya para sa mga pinaslang, dinukot at inabuso magmula 2001: Di pa rin nakakamit. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)
Mula nang tumuntong si Gloria Arroyo sa Malakanyang hanggang sa kasalukuyan, hindi nawala ang pamamaslang sa hanay ng mga aktibista at pinaghihinalaang sumisimpatya sa Kaliwa. Nang maluklok si Arroyo noong 2001, hindi na siya nag-aksaya ng panahon na magbuo ng brutal na programang kontra-insurhensiya laban sa Kaliwa, legal o rebolusyonaryo. Taong 2001 mismo, sa pangunguna ng mga utak-pulbura sa Armed Forces of the Philippines, nabuo ang Operation Plan (Oplan) Bantay Laya. Layunin ng plano na pahinain ang rebolusyonaryong kilusan ng National Democratic Front sa pamamagitan ng pagdurog sa binabansagan ng gobyerno na “legal na prente” nito: ang legal na Kaliwa.
Nitong nakaraang Human Rights Day (Disyembre 10, 2009), binansagan ng alyansang pangkarapatang pantao na Karapatan ang Oplan Bantay Laya bilang “pinakamadugo at brutal na kampanya laban sa sambayanang Pilipino.” Hindi sila nagkakamali: Mula 2001 hanggang Oktubre 31, 2009, umabot sa 1,118 ang napapaslang at 204 ang nadukot at nawawala pa rin. Marami pa ang nilabag ang karapatang pantao. Pinakamalupit na mga taon ang 2005 at 2006, nang bigwasan nang mapulit ng gobyernong Arroyo ang lumalabang militanteng oposisyon sa gitna ng kabi-kabilang eskandalong kinasangkutan ni Arroyo.
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5590













