Pinoy Weekly

Natatanging Progresibo ng 2009

Natatanging progresibong institusyon

Si Fr. Joe Dizon, isa sa mga tagapanguna ng Workers Assistance Center

Si Fr. Joe Dizon, isa sa mga tagapanguna ng Workers Assistance Center

Kilala ang Workers Assistance Center (WAC) bilang institusyong nagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawa sa Cavite at rehiyong Timog Katagalugan. Naging mahalaga ang papel nito noong 2009 na naging saksi sa kabi-kabilang tanggalan ng mga manggagawa. Kabilang ang mga export processing zone at industrial park sa rehiyon sa matinding naapektuhan ng pandaigdigang krisis pampinansiya. Binigyan ng WAC ng pag-aaral ang mga manggagawa hinggil sa krisis, sa patuloy na pananamantala ng mga kapitalista sa gitna nito, at sa kanilang mga dapat gawin para labanan ito. Aktibo din ang institusyon sa kampanya laban sa panunupil sa kilusang paggawa. Sumuporta ito sa high level mission ng International Labor Organization noong Setyembre, sa pamamagitan ng pagkalinga at pagprisenta ng mga manggagawang biktima ng panghaharas, pagdukot, at pagpaslang. Unang nabuo ang WAC noong 1995 bilang socio-pastoral program ng Most Holy Rosary Parish sa Rosario, Cavite, hanggang sa naging isang non-government organization na tumutulong sa pagtatayo ng mga unyon sa iba’t ibang pagawaan. Sa kasalukuyan, natulungan na ng ang WAC mahigit 10,000 manggagawang naging biktima ng illegal dismissal, delayed salaries, forced overtime, non-provision of benefits, at iba pang paglabag sa karapatan sa paggawa.

Natatanging progresibong resolusyon sa Kongreso

Protestang kontra sa VFA.

Protestang kontra sa VFA.

Minarkahan noong nakaraang taon ang isang dekada ng pag-iral ng at pagtutol sa US-RP Visiting Forces Agreement (VFA). Hindi na mabalewala ng Senado ang ebidensiya na di-pantay at labag sa Konstitusyon ang kontrobersiyal na kasunduang militar, bukod pa sa ginagawang bulnerable ang kababaihan sa pang-aabuso. Hindi na rin nila mabalewala ang lumalakas na panawagan na ibasura ang VFA. Kaya noong Setyembre 24, ipinasa ang Senate Resolution No. 1356 na inirerekomenda sa ehekutibo ang pagrepaso o pagbasura sa VFA. Nga lamang, halos hindi ito pinansin ng Malakanyang, na nagpahayag ng patuloy na suporta sa kasunduan. Hindi rin ito binanggit ni Arroyo nang bisitahin si US Pres. Barack Obama noong Hulyo.

Sa ngayon, hindi pa rin umuusad ang ipinangako ng VFA Commission ng Department of Foreign Affairs na pagrepaso sa 10-taon ng VFA. Hindi na rin naimbestigahan ang alegasyon ni Lt. Nancy Gadian na sumasabak sa aktuwal na pakikidigma ang mga tropang Kano. Mahaba pa ang landas na kailangang tahakin bago tuluyang mapalayas ang mga tropang Kano, dahil mas naging tuso na ang mga ito sa kanilang pamamaraan ng pagbabase sa Pilipinas. Pero ipinapakita ng SR No. 1356 na paminsan-minsan, kapag malakas ang presyur mula sa publiko, kayang tumindig nang makatuwiran at patriyotiko ng mga mambabatas.

Natatanging progresibong desisyon ng korte

Napigilan ng mga desisyon ng korte, sa loob at labas ng bansa, ang persekusyong pampulitika ng ilang aktibista at isang tampok na rebolusyonaryong lider.

Atty. Remigio Saladero Jr., noong nakapiit siya sa Calapan Jail sa Mindoro. (Jeffrey Ocampo / PW File Photo)

Atty. Remigio Saladero Jr., noong nakapiit siya sa Calapan Jail sa Mindoro. (Jeffrey Ocampo / PW File Photo)

Noong Nobyembre, ibinasura ng Batangas Provincial Prosecution ang mga kasong kriminal laban sa labor lawyer at kolumnista ng Pinoy Weekly na si Atty. Remigio Saladero Jr. at 26 pang aktibista sa Timog Katagalugan. Ipiniit si Atty. Saladero at lima pang manggagawa ng mahigit tatlong buwan sa Calapan City Jail. Pinagbintangan silang mga miyembro ng New People’s Army na nagpasabog sa cell site ng Globe Telecom sa Lemery, Batangas noong Agosto. Pero napatunayan ng korte na walang batayan ang akusasyon. Sa pagkakataong ito, nabigo ang gobyernong Arroyo na idaan sa pagsampa ng gawa-gawang kaso ang pagpapatahimik sa kanyang mga kritiko.

Jose Maria Sison, iniintrerbyu ng Dutch media matapos ang tagumpay sa korte. (Arkibong Bayan)

Jose Maria Sison, iniintrerbyu ng Dutch media matapos ang tagumpay sa korte. (Arkibong Bayan)

Samantala, noong Disyembre, naging pinal ang pasya ng General Court Under the Lisbon Treaty (dating European Court of First Instance) na alisin sa terrorist blacklist ng European Union (EU) si Jose Maria Sison, tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS). Umano’y hindi napatunayan na responsable si Sison sa anumang teroristang gawain. Noong 2002, sa udyok ng gobyernong Bush at Arroyo, binansagan ng EU si Sison na terorista. Sumailalim si Sison sa iba’t ibang pahirap, kasama na ang freeze ng kanyang bank account. Ayon sa ILPS, tagumpay ang desisyon para sa mga mamamayan ng mundo na lumalaban para sa kalayaan, gaya ni Sison.

Pinaboran naman ng Korte Suprema ang petisyon laban sa First Party Rule System na ipinatupad ng Commission on Elections noong halaang 2007, kung saan angparty-list na may pinakamaraming boto lamang ang siyang makakapagpaupo ng tatlong kinatawan, at layong biguin ang diwa ng Party-List System Act na palawakin ang representasyon sa Kongreso ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan. Nadagdagan ang bilang ng progresibong mga mambabatas ng party-list gaya ng Bayan Muna (Rep. Neri Colmenares) at Anakpawis (Rep. Joel Maglunsod). Sa kauna-unahang pagkakataon, nakapagpaupo rin ang sektor ng kabataan ng kinatawan nito (Kabataan Rep. Raymond Palatino). Bagaman nakapasok din sa Kongreso ang tinaguriang berdugo na si Jovito Palparan at iba pang kinatawan ng maka-administrasyong mga party-list, malinaw na hindi ang Party-List System ang may problema, kundi ang pagsasalaula rito ni Arroyo.

1 2 3 4 5

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5672

Posted by on Jan 15 2010. Filed under Istorya ng Linggo, Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

7 Comments for “Natatanging Progresibo ng 2009”

  1. Judy M. Taguiwalo

    Pagpupugay sa Pinoy Weekly sa pagpili ninyo ng mga Natatanging Progresibo ng 2009. Saludo sa kanilang lahat.

  2. [...] bagay, isang link lang ang ilalagay ko sa seksyong ito ngayon. Maraming salamat sa Pinoy Weekly sa pagkilala sa blog na ito, kasama ng iba pang progresibo. Labis ko itong ikinakatuwa at [...]

  3. Sana ipalabas naman ang Dukot sa mga sinehan sa probinsya. Pansin ko kasi, yung mga matitinong pelikula na gaya nito e sa mga sinehan lang sa Maynila itinatanghal…Yun lang. :)

  4. john cruz

    pagpupugay sa Pinoy Weekly sa pag pili ng mga progresibo na lider masa ng 2009. Sana sa susunod na taon ay meron uli na ganitong artikulo.At sana meron na kayong mapili na Lider Masa ng taon. Mabuhay!!!!!

  5. [...] to name a few. Considered in 2009 by online media publication Pinoy Weekly as the year’s most distinguished progressive blog, Kapirasong Kritika was demonstrative of how new media could serve as a tool for change: [...]

  6. [...] ang Natatanging Progresibo ng 2009 at [...]

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes