Natatanging Progresibo ng 2009
Natatanging progresibong batas
Ano ang posibleng dahilan kung bakit lalagdaan ni Pangulong Arroyo ang isang batas na maaaring magamit laban sa kanya kapag wala na siya sa puwesto at maaari nang hablahin sa korte? Marahil, dahil hindi siya umaasang magagamit ito kontra sa kanya.
Malamang na isa lamang ito sa “pakitang-tao” ni Arroyo, tulad ng pagtalaga kay Leila de Lima bilang tagapangulo ng Commission on Human Rights, o pagpayag kay Prop. Philip Alston na mag-imbestiga sa pampulitikang pamamaslang sa bansa. Sa huli, wala halos ni isang rekomendasyon si De Lima na sinunod ang kanyang rehimen. Ang mga rekomendasyon naman ni Alston, hindi lang sa binalewala. Kinuwestiyon pa ng tambolero ng rehimen na si Raul Gonzalez ang kredibilidad ni Alston.
Kahit pa. Mahalaga ang pagsasabatas ng Anti-Torture Law dahil may karagdagang legal na sandata ang mga tagapagtanggol ng karapatang sibil at pantao kontra sa mga abuso ng Estado. Hindi na lamang reklamong administratibo — na kadalasa’y ibinabaon sa burukrasya’t limot — ang maaaring hablahin sa mga abusadong ahente ng gobyerno na nagpapahirap ng mga taong nasa kustodiya nila. May kaparusahan ang pagtortyur ng mula isang-buwan hanggang habambuhay na pagkakakulong. Siyempre, hindi pa ito nasusubok sa reyalidad. Tulad ng mga rekomendasyon nina de Lima at Alston, hangga’t hindi magiging bukas ang rehimen sa pananagutan ng mga opisyal ng militar at mga ahensiya ng gobyerno — hanggang sa Panguluhan – nanganganib na manatiling papel lamang ang batas na ito.
Natatanging progresibong opisyal ng ehekutibo
Sa Pilipinas, itinatalaga ang mga miyembro ng gabinete na malalapit sa presidente, inaasahang magiging madulas ang mga plano ng administrasyon kung ganito ang sitwasyon. Sila ang nagiging tagapagtanggol sa maling mga patakaran at tagasalag sa mga kritisismo.
Gayunma’y tila laging may sumasalungat sa kalakaran. Tulad na lamang ni Leila de Lima na tagapangulo ng Commission on Human Rights (CHR). Hindi niya ipinagtatanggol ang administrasyon kung nagkamali ito. Si de Lima ang tinig ng karapatan sa isang administrasyong pinuputakti ng reklamo kaugnay ng paglabag sa mga karapatang pantao. Nang ipalilalim sa Batas Militar ang Maguindanao para umano masugpo ang ‘rebelyon’ ng mga Ampatuan, isa si de Lima sa mga tumutol dito dahil umano sa kakulangan ng batayan sa pagpapataw ng batas militar. Naging abala rin si de Lima sa personal na pagsama sa mga imbestigasyon hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao tulad ng pagkawala nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, paglabag ng isang minahan sa mga katutubo sa Nueva Vizcaya, gayundin sa umano’y abuso ng mga militar sa mga Lumad sa Surigao del Sur.
Maraming beses nang isinalang ng CHR ang retiradong heneral na si Jovito Palparan sa imbestigasyon dahil sa mga kaso ng pagdukot, pagtortyur, at pamamaslang ng militar sa ilalim ng kumand ni Palparan. Si Palparan, itinuturong may kagagawan ng mga pamamaslang sa mga aktibista sa ilang bahagi ng bansa, ay isa sa mga paboritong heneral ni Pangulong Arroyo.
Sa bandang huli, dahil sa hindi marendahan ng administrasyon si de Lima sa kanyang paninindigan, nagtayo ng isa pang institusyon sa karapatang pantao si Pangulong Arroyo. Ito ang Presidential Human Rights Commission, na wala namang pinag-iba ang functions sa komisyong pinamumunuan ni de Lima.
Natatanging progresibong senador
Sa lahat ng senador, sina Jamby Madrigal at Chiz Escudero ang nagdala ng progresibong mga tindig at panukalang batas para sa pagbabagong panlipunan. Suportado ng mga senador ang P125 umento sa sahod; tunay na reporma sa lupa sa anyo ng Genuine Agrarian Reform Bill na isinusulong ng progresibong mga kongresista; ang matagal na ring naantalang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP; at ang pagbasura sa di-pantay na US-RP Visiting Forces Agreement, Oil Deregulation Law na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis, at kontra-kalikasan at maka-dayuhang Mining Act of 1995. Masusugid din silang mga kritiko ni Pangulong Arroyo, kabilang sa pinakamaiingay na miyembro ng oposisyon kapag may kontra-mamamayang polisiya o hakbang ang administrasyon. Hindi gaya ng ibang senador, walang malaking isyung pambansa na sila ay nanahimik na lamang o nakipagkompromiso ng tindig sa administrasyon.
Si Madrigal, hindi nangingiming magsalita sa mga kilos-protesta, sambit pa minsan ang mga salitang “imperyalismo” at “sosyalismo” na kadalasa’y maririnig lamang mula sa tinataguriang mga militante. Siyempre pa’t ang mga salita, lalo kung galing sa isang pulitiko, ay hindi indikasyon ng pag-unawa o sinseridad. Pero sa kaso ng senador na ito, katambal din naman ng mga salita ang konsistent na pagsuporta sa iba’t ibang progresibong adbokasiya.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5672


















Pagpupugay sa Pinoy Weekly sa pagpili ninyo ng mga Natatanging Progresibo ng 2009. Saludo sa kanilang lahat.
[...] bagay, isang link lang ang ilalagay ko sa seksyong ito ngayon. Maraming salamat sa Pinoy Weekly sa pagkilala sa blog na ito, kasama ng iba pang progresibo. Labis ko itong ikinakatuwa at [...]
Sana ipalabas naman ang Dukot sa mga sinehan sa probinsya. Pansin ko kasi, yung mga matitinong pelikula na gaya nito e sa mga sinehan lang sa Maynila itinatanghal…Yun lang.
pagpupugay sa Pinoy Weekly sa pag pili ng mga progresibo na lider masa ng 2009. Sana sa susunod na taon ay meron uli na ganitong artikulo.At sana meron na kayong mapili na Lider Masa ng taon. Mabuhay!!!!!
[...] to name a few. Considered in 2009 by online media publication Pinoy Weekly as the year’s most distinguished progressive blog, Kapirasong Kritika was demonstrative of how new media could serve as a tool for change: [...]
[...] ang Natatanging Progresibo ng 2009 at [...]
[...] ang Natatanging Progresibo ng 2009 at [...]