Natatanging Progresibo ng 2009
Natatanging progresibong alyansa
Sa pagkakaisa ng mga indibidwal at grupong tutol sa Bataan Nuclear Power Plant, hindi natuloy ang planong buksan at paganahin ang plantang nukleyar na makasaysayang ibinasura ng taumbayan mahigit dalawang dekada na ang nakakaraan. Itinayo ang Network Opposed to Bataan Nuclear Power Plant Revival (No to BNPP) bunsod ng panukala ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco noong Hulyo 2008 (Bataan Nuclear Power Plant Commissioning Act of 2008), para umano mabawasan ang pagsandal sa angkat na langis at mapababa ang presyo nito. Malapad ang alyansa, kalahok ang mga taong-simbahan, siyentista, makakalikasan, at mga residente ng Bataan at iba pang bayan sa Central Luzon. Nagsalita ang mga eksperto: delikado ang planta, dahil nakapuwesto ito malapit sa isang aktibong bulkan. Noong Hun. 22, idinaos ng alyansa, kasama ng mga taong simbahan ang karabang tinawag na ‘Lakbay Byahe laban sa BNPP” kasabay ng “Interfaith Prayer Rally laban BNPP” sa Balanga, Bataan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pag-iingay, napatigil ng alyansa ang umano’y proyektong ninanais na muling buhayin sa ngalan ng maaaring kitain ng kasalukuyang administrasyon.
Natatanging progresibong grupong audio-biswal
Isa ang Tudla Productions sa alternatibong mga film and media collective na nagkokober at pumapaksa sa mga isyu ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan. Maraming inisyatiba ang kolektiba na nag-ambag sa pagmumulat ng publiko sa mga isyung ito. Inilunsad nito ang Pandayang Lino Brocka Film Festival, na kinatampukan ng mga workshop at pagpapalabas ng progresibong mga pelikula. Sinubaybayan nito ang welga ng mga manggagawa ng Triumph International (nakapaglabas ng ekslusibong mga larawan at video footage), gayundin ang demolisyon sa riles sa Muntinlupa (hanggang sa naagawan ng kamera sa isang marahas na pagdispers ng pulisya).
Nang magdeklara si Arroyo ng batas militar sa Maguindanao, tinipon ng Tudla Productions ang ilang mga estudyante, artista, at mamamahayag sa isang martsa at programa sa University of the Philippines-Diliman. Pinamagatang Disquiet, nilayon nitong konsolidahin ang namumuong sentimyento laban sa batas militar. Naipaabot ng Tudla Productions sa mas malawak na publiko ang mga kaganapan sa mga komunidad at pabrika sa pamamaraang audio-biswal; nagbukas ng bagong oportunidad na maipalabas ang mga independiyente’t progresibong mga pelikula at mahikayat ang potensiyal na mga filmmaker sa paggawa ng mga ito; at nagpasimula ng diskusyon sa isang mainit na isyung pampulitika sa hanay ng mga intelektuwal at artista.
Natatanging progresibong pelikula
Dinirehe ni Joel Lamangan at sinulat ni Bonifacio Ilagan, ang pelikulang Dukot ang una sa mahabang panahon na pumaksa sa reyalidad na gustong iwasan ng mga gumagawa ng pelikula: ang karanasang danas ng mga aktibistang nauwi sa pagiging biktima ng karahasan ng Estado. Binidahan nina Allen Dizon at Iza Calzado ang pelikulang itong tinimpla ang panlasa ng mainstream na publiko sa melodrama at pangangailangan para sa progresibong kaisipan. Hindi man pumatok sa takilya dahil sa kawalan ng agresibong marketing na prebilehiyo ng mas komersiyal na mga pelikula, makailang ulit naman itong ipinalabas—at patuloy na ipinapalabas—sa mga komunidad, paaralan, at iba pang alternatibong espasyo.
Natatangi rin ang dokumentaryo ng May Day Productions na Ani ng Welga, na tumalakay sa sitwasyon sa Hacienda Luisita, limang taon matapos ang masaker ng mga magsasaka dito. Gayundin ang Hamon ng Panahon ng Kodao Productions, isang docu-drama hinggil sa pagpaslang ng mga taong-simbahan.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=5672

















Pagpupugay sa Pinoy Weekly sa pagpili ninyo ng mga Natatanging Progresibo ng 2009. Saludo sa kanilang lahat.
[...] bagay, isang link lang ang ilalagay ko sa seksyong ito ngayon. Maraming salamat sa Pinoy Weekly sa pagkilala sa blog na ito, kasama ng iba pang progresibo. Labis ko itong ikinakatuwa at [...]
Sana ipalabas naman ang Dukot sa mga sinehan sa probinsya. Pansin ko kasi, yung mga matitinong pelikula na gaya nito e sa mga sinehan lang sa Maynila itinatanghal…Yun lang.
pagpupugay sa Pinoy Weekly sa pag pili ng mga progresibo na lider masa ng 2009. Sana sa susunod na taon ay meron uli na ganitong artikulo.At sana meron na kayong mapili na Lider Masa ng taon. Mabuhay!!!!!
[...] to name a few. Considered in 2009 by online media publication Pinoy Weekly as the year’s most distinguished progressive blog, Kapirasong Kritika was demonstrative of how new media could serve as a tool for change: [...]
[...] ang Natatanging Progresibo ng 2009 at [...]
[...] ang Natatanging Progresibo ng 2009 at [...]