Istorya ng Linggo

Natatanging Progresibo ng 2009


Tumampok sila noong taong 2009: Mga indibidwal, grupo, kilos-protesta, batas, o produktong pangkultura, na mga lumahok at nag-ambag ng natatanging kontribusyon sa iba’t ibang larangan sa pagsusulong ng progresibong pagbabago.

Natatanging progresibong blog

kapirasongkritika.wordpress.com
kapirasongkritika.wordpress.com

Maraming progresibong blogger ngayon sa cyberspace. Nariyan ang bloggers tulad nina Mong Palatino, Gerry Albert Corpuz, Tonyo Cruz, Ina Silverio, Danny Arao at marami pang iba. Lahat ng bloggers na ito ay masasabing may natatanging ambag sa pagpapalaganap ng progresibong pulitika. Pero samantalang mas tanyag si Palatino sa kanyang pagiging lider-kabataan at mambabatas, at si Corpuz bilang advocacy writer ng Pambansang Kilusang Mamamalakaya sa Pilipinas (Pamalakaya), dalubhasa at guro sa pamamahayag naman si Arao at kombinasyon ng pulitika, teknolohiya at iba pa ang mga paksa ni Cruz.

Natatangi ang Kapirasong Kritika ni Teo Marasigan (http://kapirasongkritika.wordpress.com) dahil sa talas at rigor ng kanyang pakikipagtalastasan, sa larangan ng pulitika at kultura. Mula sa punto-de-bista ng kilusang masa (o ng Kaliwa) ang kanyang perspektiba, at lahat (o halos lahat, dahil pana-panahon namang nagsusulat tungkol sa popular na kultura) ng kanyang pagsusuri ay nakatuon sa pag-abante ng mga ipinaglalaban nito. Aktibo rin siya sa pakikipagtalastasan sa bloggers at opinion makers na may ibang pulitika, mula kina Manolo Quezon at Manuel Buencamino, hanggang kina Conrado de Quiros at Rigoberto Tiglao Jr.

Binasag ng blog ni Marasigan ang ilang tanggap na mga panuntunan sa blogging, laluna ang panuntunan na kailangang maikli lang ang mga sulatin, para sa mga tagapagtangkilik ng web na hindi sanay sa mahahabang diskurso. Mahihinuha mula sa kanyang comments section na interesadong makipagdiskurso ang mga progresibo, nang hindi binibitawan ang layunin sa pagbabago ng lipunan at makapaghikayat ng mga taong online para kumilos para sa pagbabagong ito.

Natatanging progresibong aklat

Isa sa dalawang libro ni Jose Maria Sison. (Arkibong Bayan)
Isa sa dalawang libro ni Jose Maria Sison. (Arkibong Bayan)

Noong 2009, may dalawang natatanging libro ang nagsilbing napakalaking ambag sa literatura ng progresibong pampulitikang pagsusuri.

Iyan ang dalawang bolyum ng libro ni Jose Maria Sison na pinamagatang For Justice, Socialism, and Peace, at For Democracy and Socialism against Imperialist Globalization. Ipinaksa nito ang huling dalawang dekada ng pagbabago sa pandaigdigan at pambansang pulitika at ekonomiya, mula sa punto-de-bista ng progresibong aktibong kalahok sa pagbabagong panlipunan. Sa For Justice, binaybay ni Sison ang mga taong 1991 hanggang 1995. Nagsimula ang panahong ito sa pagbagsak ng Berlin Wall at ng “rebisyunistang” gobyerno ng Unyong Sobyet — tinaguriang panandang-bato sa pagbagsak diumano ng “sosyalismo.”

Panahon din ito ng mga “kalituhan” at pagkakamali sa progresibong kilusan. Pero ipinaliwanag ni Sison kung bakit malayo sa sosyalismo ang bumagsak sa Europa, at kung bakit kailangang bumalik sa orihinal na landas ng pambansang kalayaan at demokrasya ang mga progresibo sa bansa. Sa ikalawang libro, For Democracy, nagpalawig si Sison sa maraming kaganapan sa pandaigdigan at pambansang ekonomiya at pulitika, kabilang ang penomenon ng globalisasyon, na nagbagong-anyo lang na kapitalistang pagsasamantala. Napapanahon ang mga libro ngayong may matinding disilusyon sa kapitalismo sa gitna ng pandaigdigang krisis pampinansiya. Ipinapaliwanag ng dalawang libro kung bakit kailangan, ngayon higit pa lahat ng panahon, ang pakikibaka para sa panlipunang hustisya, kapayapaan at sosyalismo.

Pagtatagpo sa Kabilang Dulo
Pagtatagpo sa Kabilang Dulo

Samantala, noong Disyembre 2009 humabol ang isang napakahalagang libro sa progresibong panitikan. Ito ang Pagtatagpo sa Kabilang Dulo: Panitikang Testimonial ng Desaparecidos na inilathala ng Desaparecidos at Amado V. Hernandez Resource Center. Mga kaanak ng mga aktibista at mamamayang dinukot ng Estado ang mga manunulat. Marami sa mga sulatin ay resulta ng workshop na inilunsad ng Desaparecidos at Council for Health and Development bilang therapy sa mga kaanak. Sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang mga saloobin sa pamamagitan ng mga sulatin, napakita sa atin ang kadakilaan at katapangan nila. Inspirasyon ang mga sulatin para ipagpatuloy ang pakikibaka ng mga nawawala at ng mga kaanak, para sa paghahanap sa kanilang mga mahal sa buhay. At para rin sa paghahanap ng hustisya sa kanila at sa inaaping sambayanan.

Natatanging progresibong pagtatanghal

Isang eksena sa Makatay Mandirigma, Mandirigmay Makata. (Ilang-Ilang Quijano)
Isang eksena sa Makata'y Mandirigma, Mandirigma'y Makata. (Ilang-Ilang Quijano)

Standing ovation ang dalawang pagtatanghal ng Makata’y Mandirigma, Mandirigma’y Makata sa University of the Philippines Theater noong Nobyembre 30, Araw ni Bonifacio. Ito ang unang dula na pumaksa sa buhay ng lider-rebolusyonaryo na si Prop. Jose Maria Sison. Pero hindi lamang tungkol kay Sison ang dulang nakabatay sa libretto ni Edward Perez at dalit ni Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura. Tungkol ito sa apat na dekada nang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Pinaghandaan ito ng mahigit tatlong buwan ng mga aktibista na mula sa iba’t ibang grupo—ang iba’y may kaalaman sa teatro, ang iba’y halos wala. Ang resulta: isang makapangyarihan at kahanga-hangang pagtatanghal na maipagmamalaki sa sinumang kritiko. Higit sa lahat, hinding-hindi makakalimutan ang inspirasyong idinulot nito sa lahat ng mga nakanood.

Natatangi rin ang muling pagtatanghal ng klasikong dula noong batas militar ni Bonifacio Ilagan, ang Pagsambang Bayan. Gayundin ang State U ng pangkulturang grupong Sinagbayan, hinggil sa buhay-estudyante at aktibismo.