Ang adbokasiya ng Morong 43

Isa rin sa 43 si Dr. Alex Montes ng Commed, na 20 taon nang naglilingkod sa mga CBHP. Kuha sa Samahang Operasyon Sagip noong bagyong Ondoy. (Contributed Photo)
Pag-unlad ng CBHP
Noong 1980, nagdaos ng Kongreso ang lahat ng mga doktor na may karanasan sa CBHP. Binuo nila ang Council for Primary Health Care (CPHC), na naging sentro ng pamamahagi ng mga karanasan at masistematisa ang programa. Halimbawa, nakagawa ang sentro ng mga manwal sa pagsasanay na nagpapaliwanag ng mga kaalamang medikal sa simpleng lengguwahe at pamamaraang naiintindihan ng mga magsasakang hindi nakapag-aral.
Noong 1986, itinatag ng mga mag-aaral ng medisina sa University of the Philippines College of Medicine ang Commed. Inilaban nilang maging bahagi ang CBHP ng programa sa residency ng UP, at naging sentro ng tuluy-tuloy na pagsasanay ng mga doktor sa komunidad. Samantala, noong 1989, pinagbuklod ang lahat ng mga organisasyong nagsasagawa ng CBHP sa ilalim ng CPHC, at naging CHD.
Sa kasalukuyan, ang CHD nagsisilbing pambansang secretariat ng 50 CBHP sa buong Pilipinas. Mahigpit nitong katuwang ang Commed sa patuloy na paglilingkod sa liblib na mga komunidad, kapwa sa mga nayon at lungsod, tinutulungan ang mga mamamayan na magkalinga sa kanilang mga sarili dahil bigo pa rin ang gobyernong ipagkaloob ang pinakabatayang mga serbisyong pangkalusugan.
Sa pag-aaral mismo ng Department of Health, lumalabas na may isang doktor lamang sa 30,000 Pilipinong pasyente. “Dahil sa dedikasyon na pagsilbihan ang kanilang kapwa, matapang na hinarap ng mga propesyunal pangkalusugan at community health workers na ito ang mahihirap na kondisyon at kakarampot na suweldo, para lamang manatili kung saan sila pinakakinakailangan,” sabi ni Eleanor Jara, executive director ng CHD, sa isang pahayag matapos arestuhin ang 43.
Target ng militar
Kung tutuusin, hindi bago para sa mga propesyunal pangkalusugan at health workers na naka-base sa komunidad na maging target ng militar, sa ilalim ng sarili nitong programa: ang kontra-insurhensiya.
Binaril at pinatay noong 1982 si Dr. Bobby dela Paz, na nagtayo ng klinika para pagsilbihan ang mahihirap na komunidad sa mga bayan ng Gandara at Catbalogan, sa Samar. Bago nito, binabantaan na ng mga sundalong militar si Dr. dela Paz dahil sa kanya umanong pagiging simpatisador ng mga NPA.

Pinakahuling doktor na biktima ng extrajudicial killings si Dr. Rogelio Penera, na pinatay noong Hunyo 24, 2009. (Barry Ohaylan/davaotoday.com)
Makaraan ang tatlong dekada, hindi nagbabago—at tumitindi pa nga—ang atake laban sa mga piniling ialay ang kanilang mga kaalaman at kasanayang medikal sa mahihirap. Sa ilalim ng gobyernong Arroyo, ilang doktor at health workers ang nabuwal dahil sa Oplan Bantay Laya (OBL), programang kontra-insurhensiya na tumatarget sa mga sibilyan.
Noong 2006, namatay sa isang ambus sa Tabuk, Kalinga si Dr. Alice Claver at lubhang sugatan naman ang kanyang asawang si Dr. Constancio Claver, na nagsilbi nang mahabang panahon sa mga komunidad sa Kordilyera. Pinatay din noong 2006 ang community health worker sa Caraga na si Mat Morales. Noong susunod na taon, pinatay naman sa Misamis Oriental ang community health worker na si Jerry Ladica.
Pinakahuli sa mga naging biktima ng OBL si Dr. Rogelio Peñera, isang epidemiologist ng Department of Health at nagsilbi rin sa mga komunidad. Binaril at pinatay siya sa Davao City noong nakaraaang taon.
“Heto na naman ang militar. Ang ilegal na pag-aresto at pagtortyur sa 43 ay dagdag lamang sa mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao laban sa mga propesyunal pangkalusugan at health worker sa komunidad…Sa halip na suportahan at papurihan ang kanilang mga sakripisyo, ano ang ginawa ng gobyernong Arroyo?” sabi ni Jara.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6169













