Pinoy Weekly

Balikbayan box

Maigting ang konsepto ng balikbayan dahil ito ay nakaukol sa pag-uwi at ang sumpang makauwi ng sinumang Filipinong nangibang bayan.  Hindi bansa ang binibigyan-diin kundi ang mas nakaugat na nosyon ng bayan:  ang identifikasyon na hindi ka lamang umuuwi sa Pilipinas kundi sa sariling bayan ng Calamba, Laguna o Malaybalay, Bukidnon.

Kaya maigting ang perversyon ng pang-estadong konseptong nakakapanghimok magpauwi sa balikbayan.  Mula sa komersyalisadong potensyal ng balikbayan (na inaasahang gumastos sa lahat ng lakad, magsponsor sa lahat ng aktibidad), ang kanyang substansya ay kinailangan pa ng ibang bagay:  ang balikbayan box.

Kahon ng goodies ang kanyang pasalubong kahit na siya mismo ang dapat ang pinakamainam na pasalubong ng sinumang nawalay nang matagal. Pero naging chika na lamang ito, dahil ang mas mahalaga ay ang kanyang komersyal at panlipunang potensyal, pati ng kanyang bitbit na kahon.  Na siyang umalis ay bumabalik nang may ganyak na magiging mapagbigay ng gamit at pera bilang alternatibong paraan ng wealth distribution.

At ang kanyang kahon ang extensyon ng posibilidad na ito.  Na papaboran ng laman nito ang pagnanasang maging gitnang uri ang di naman talaga gitnang uri.  At kung gayon, heto na naman ang lumpen proletarianisasyon ng ating pambansang buhay:  inaakda bilang gitnang uri kahit di pa man umuuwi ang tao at kahong magsasakatuparan—kahit temporal lamang—nito.

One-way ang destinasyon ng balikbayan box, dahil mas kailangang patunayan ang kahit pamandaliang entrada at pagdanas ng gitnang uri sa bansang sinilangan kaysa sa pinagtrabahuang bansa.  Pagkilala rin na hindi naman nagbabalikbayan ang balikbayan sa US at lugar na kanyang pinagtratrabahuan at pinaninirahan.

Balikbayan at balikbayan box dahil sa guilt-trip na nakakapanghimok umuwi at magpauwi, umasang mabuo ang di na kailanman mabubuo pa, maging masaya kahit sa isang mabilis na saglit lamang.  Kakambal na sumpa ng pagbalik ang sumpa ng pag-alis, at ang sumpa na hindi na siya balikbayan at wala na siyang kahon kapag siya ay umalis.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6122

Posted by on Feb 8 2010. Filed under (Kolum), Pasintabi. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes