Pinoy Weekly

Eleksiyon, telebisyon at pakiusap sa nangungunang mga istasyon

Saan naman kaya sila magbubuhos ng pera? Kung pagbabatayan ang datos ng pinaghalong komersiyal at pulitikal na patalastas mula Oktubre hanggang Disyembre 2009, ang kabuuang gastusin sa iba’t ibang porma ng midya ay P52.2 bilyon. Umabot sa P38.9 bilyon (o halos 75% ng kabuuan) ay napunta sa telebisyon, P10.1 bilyon (o 19%) sa radyo at P3.1 bilyon (o 6%) sa print.

Bagama’t malinaw na pinakamalakas ang impluwensiya ng telebisyon, kailangan pa ring isakonteksto ang kapangyarihang ito sa kompetisyong namamagitan sa iba’t ibang istasyon.

Sa datos ng AGB Nielsen Media Research noong 2006, malinaw na ang ABS-CBN at GMA ay may pinagsamang audience share na 84.8% tuwing noonprime (12:00 p.m. hanggang 1:59 p.m.) at 80.9% tuwing primetime (6:00 p.m. hanggang 7:59 p.m.). Patuloy ang kanilang dominasyon sa ratings mula 6:00 a.m. hanggang 11:59 p.m.

Sadyang napakalayo ng audience share ng TV5 (dating ABC), RPN, IBC at NBN, pati na rin ang iba pang UHF at cable channels. Kahit na sabihing ang RPN, IBC at NBN ay pinapatakbo mismo ng pamahalaan, limitado pa rin ang kanilang impluwensiya kumpara sa mga higanteng istasyon. Ito ang dahilan kung bakit kahit si Gilbert Teodoro, kandidato ng administrasyon, ay nag-eere din ng political ads sa ABS-CBN at GMA at hindi lang basta-basta umaasa sa anumang bentaheng makukuha niya mula sa mga istasyong pinapatakbo ng pamahalaan.

Kung may patuloy na nakikinabang sa pagtatanggal ng political ad ban mula noong eleksiyon ng 2001, ito ay walang iba kundi ang ABS-CBN at GMA. Anumang istasyon ang manguna’t pumangalawa, hindi maikakaila ang kanilang parehong pagtaas ng kita mula sa political ads ng mga kandidato.

Sa puntong ito’y mainam na pakiusapan ang mga istasyong ito na pataasin ang antas ng diskurso ngayong eleksiyon. Sa isang banda, malaking tulong ang pag-oorganisa ng mga debateng napapanood ng sambayanan, gayundin ang patuloy na pag-uulat sa mga nangyayari sa kampanya ng mga kandidato. Dapat lang na purihin ang ABS-CBN at GMA sa mga inisyatibang tulad nito, bukod pa sa pagiging bukas nito sa feedback na nagmumula sa mga tagasubaybay nila.

Pero kailangang idiing may malaking magagawa ang ABS-CBN at GMA sa klase ng political ads na ipapalabas sa kanilang mga programa. Nasa kapangyarihan nila ang hindi pag-eere ng political ads na sa tingin nila’y hindi makakatulong sa paghuhubog ng pampublikong opinyon. Kailangang busisiin hindi lang ang porma kundi ang aktuwal na nilalaman ng political ads.

Mainam na magkaroon ng sariling pagkukusa ang dalawang istasyon, pero may malaking magagawa rin ang mga tagasubaybay ng ABS-CBN at GMA para pakiusapan silang bigyan tayong lahat ng makabuluhang political ads na direktang naglalahad ng paninindigan ng mga kandidato sa mga importanteng isyu.

Simpleng pakiusap lang naman ito sa ABS-CBN at GMA, lalo na’t makakaasa tayo ng pagbaha ng walang-katuturang mga patalastas sa pagsisimula ng kampanya sa Pebrero 9.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6117

Posted by on Feb 6 2010. Filed under (Kolum), Konteksto. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Eleksiyon, telebisyon at pakiusap sa nangungunang mga istasyon”

  1. [...] Eleksiyon, telebisyon at pakiusap sa mga nangungunang istasyon If you like this post, please subscribe to the RSS feed.N.B. – This was published in the February 5-11, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/02/eleksiyon-telebisyon-at-pakiusap-sa-nangungunang-mga-istasyon/. [...]

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes