Eleksiyong 2010: Mga pananaw sa repormang agraryo
Para kay Gibo
Dahil kandidato ng administrasyon, inaasahang itutuloy naman ni Gilbert Teodoro ang Carper na pinirmahan ni Pangulong Arroyo noong nakaraang taon.
Naniniwala si Teodoro na may kinabukasan pa ang food security ng bansa kung maaayos ang digmaan sa Mindanao at maaayos ang sakahan at maglalalan ng sapat na imprastruktura sa mga lugar doon. Naniniwala rin siya na kung may sariling lupa na ang magsasaka, ang kailangan ay tulungan sila para higit na maging produktibo.
Walang malinaw na tindig si Teodoro sa CARP, Carper o sa pamamahagi ng lupaing agrikultural sa mga magsasaka.
Plano ni Erap
Nang maging pangulo ng bansa noong 1998 si Joseph Estrada – na ngayo’y muling tatakbo sa pagkapangulo, ipinatupad niya ang Executive Order N0. 151 o ang Farmer’s Trust Fund na nagbibigay-daan sa konsolidasyon ng maliit na operasyong pansakahan tungo sa panggitna at malakihang empresa na maaaring makakuha ng matagalang kapital. Inilunsad din niya ang Magkabalikat Para sa Kaunlarang Agraryo, ang pakikipag-joint venture ng pribadong mamumuhunan sa sektor pansakahan.
Wala siyang malinaw na tindig sa repormang agraryo, sa balangkas man ng CARP o anumang alternatibong programa.
Pagtingin ni Jamby
Samantala, progresibo din ang tindig ni Sen. Jamby Madrigal pagdating sa reporma sa lupa.
Sa kanyang sulating Reclaim and Regain the Wealth, Sovereignty and Dignity of the Filipino People and Nation: A Vision of Genuine Change for Filipinos, nakasaad ang pakikipagtulungan sa progresibong mga organisasyon para sa tunay na reporma sa lupa na magpapalaya sa mga magsasaka mula sa kahirapan at piyudalismo. Pipigilan ang pangangamkam at kumbersiyon ng lupang sakahan at libreng pamamahagi ng lupa na dating hindi nasaklaw ng reporma sa lupa.
Pinakamalaking sektor
Masasabi nating lahat ng ito ay nasa plataporma pa lamang. Puro pangako na wala pang katiyakan. Pangako para makuha ang boto ng pinakamalaking bahagi ng lipunang Pilipino: ang mga magsasaka.
Dapat tandaan na simula nang maging republika ang bansa, lahat ng naging pangulo ay nagkaroon ng kani-kanilang programa sa demokratikong pamamahagi ng lupa. Subalit nanaig pa rin ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa – na karamiha’y mga kongresista at opisyal din ng gobyerno. Tila likas na sa kasalukuyang sistemang pampulitika ang pamamayani ng mga panginoong maylupa – at ang pagsigurong interes nila ang mananaig sa mga batas at sa mga polisiya ng gobyerno.
Hanggang ngayon, nananatiling walang sariling lupa ang kalakhan ng mga magsasaka. Nananatili pa ring pangarap ang tunay na repormang agraryo.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6196













