Eleksiyong 2010: Sino ang tunay na para sa mga OFW?


Kung ilang dekada na ang labor-export policy ng gobyerno sa bansa. Pero hangad pa rin ng malawak na bilang ng mga mamamayan ang disente, nakabubuhay at makataong trabaho sa bansa. Samantala, sa ibayong-dagat, patuloy na inaabuso at minamaltrato ang mga OFW. Ano ang masasabi ng mga kandidato sa pagka-presidente hinggil dito?

Ilang mga panukalang batas para sa OFW ang kanyang inihain sa kanyang panunungkulan bilang senador. Kabilang dito ang resolusyon para imbestigahan ang pagpapabaya ng mga opisyal ng konsulado sa ilang tampok na kaso ng inaabusong OFW, at kaugnay nito, ang Senate Bill 1879 na naglalayong amyendahan ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 para maparusahan sa hinaharap ang mga opisyal na mabibigong rumesponde sa mga kaso ng inaabusong mga OFW.

Kamakailan, sumanib si Villar sa Save Jakatia Pawa Movement, alyansang pinangungunahan ng progresibong grupong Migrante International. Hinatulan si Pawa, isang 22-anyos na domestic helper sa Kuwait, ng parusang kamatayan ng Court of Cessation noong Enero 19, para sa pagpatay diumano sa anak ng kanyang amo. “Dapat gawi ng gobyerno ang lahat at umaksiyon nang mabilis para masagip ang buhay ng ating kababayang si Jakatia,” sabi ni Villar sa isang pahayag kasabay ng paglulunsad ng alyansa sa isang komunidad ng mga Muslim sa Culiat, Quezon City.

(Suportado ng Migrante, pinakamalaki at militanteng alyansang OFW sa buong bansa, ang kandidatura ni Villar, na nakipag-alyansa sa koalisyong Makabayan. Tumatakbo sa ilalim ng Makabayan ang progresibong mga party-list at kandidato sa pagka-senador na sina Liza Maza at Satur Ocampo, kilala ring matagal na tagapagtaguyod ng karapatan ng mga OFW.)

Samantala, wala mang naunang mga rekord sa pagkalinga ng mga OFW, nangako naman ang halos lahat ng mga kandidato sa pagkapangulo na pangangalagaan ang kapakanan at kagalingan ng mga OFW.

Si Noynoy Aquino, sa isang pagtitipon ng mga kandidato sa pagkapresidente na inisponsor ng Foreign Correspondents Association of the Philippines o Focap. (Mula sa Noynoy Media)
Si Noynoy Aquino, sa isang pagtitipon ng mga kandidato sa pagkapresidente na inisponsor ng Foreign Correspondents Association of the Philippines o Focap. (Mula sa Noynoy Media)

Si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party, inihayag sa kanyang “kontrata sa taumbayan” (na kanyang nagsisilbing plataporma), na mula sa gobyernong  “itinatrato ang mga mamamayan bilang kalakal at pamamaraan para makakuha ng dolyar (foreign exchange),” itataguyod niya ang isang gobyernong “lumilikha ng mga trabaho sa bansa, para ang pangingibang-bansa ay magiging isang pagpili (choice) sa pangangailangan (necessity); at kapag pinili nilang maging OFW, uunahin ng gobyerno ang kanilang proteksiyon at kapakanan.”

Pero wala pang nailalathalang konkretong panukala si Aquino kung paano maisasakatuparan kapwa ang paglikha ng trabaho sa bansa at pagkalinga sa mga OFW. Sa porum ng Makati Business Club, inamin niyang “imposible” sa susunod na anim na taon ang pagkakaroon ng mga trabaho sa Pilipinas na kapareho ang kompensasyon sa ibang bansa. Sa porum naman ng Philippine Maritime and Seafaring Industry, sinabi niyang mainam na magkaroon ng “one-stop shop” para sa mas madaling pagpoproseso ng dokumento ng mga OFW—isang panukalang nasa balangkas pa rin ng kasalukuyang Labor Export Program (LEP) o walang humpay na pagpapaluwas ng mga manggagawa.

Pagpapatuloy ng LEP

Si Gilbert Teodoro, sa isang pagtitipon ng mga kandidato sa pagkapresidente kamakailan. Nasa bandang kanan si Richard Gordon, isa ring kandidato sa pagkapresidente. (Mula sa www.gibo.ph)
Si Gilbert Teodoro, sa isang pagtitipon ng mga kandidato sa pagkapresidente kamakailan. Nasa bandang kaliwa si Richard Gordon, isa ring kandidato sa pagkapresidente. (Mula sa www.gibo.ph)

Si Gilbert Teodoro ng Lakas-CMD, ipinapangako naman ang pagpaparusa sa mga illegal recruiter at abusadong amo. Sinabi rin niyang dapat magsagawa ang susunod na gobyerno ng baylateral na mga kasunduan sa paggawa (bilateral labor agreement) sa mga bansang tumatanggap ng mga OFW, palakasin ang kakayahan ng mga embahada ng Pilipinas sa ibang bansa, at magbigay ng “de-kalidad na edukasyon” sa mga manggagawang nais mangibang-bansa.