Pinoy Weekly

Paalam, Datu Tomas

Datu Tomas: Respetadong lider-Lumad

Datu Tomas: Respetadong lider-Lumad

Pumanaw noong Pebrero 10 si Datu Tomas Ito, respetadong lider ng mga Bagobo na dumepensa sa Bundok Apo, sa edad na 84.

Si Datu Tomas, na kilala din sa pangalang Datu Birang, ay tanyag noong 1989 sa pagpangulo nang isang Dyandi laban sa pagpasok ng geothermal power plant ng Philippine National Oil Corporation sa Bundok Apo.

Sa Dyandi, pinag-isa ni Datu Tomas ang 20 na lider-lumad sa siyam na tribo upang magkaisa laban sa pagpasok ng dayuhang kompanya sa Bundok Apo na tinuring nilang sagrado dahil ito ay libingan ng kanilang ninuno na si Apo Sandawa.

Naging kinatawan si Datu Tomas ng mga Lumad sa Mindanao sa Mother Earth Global Forum Summit noong 1992 sa Rio De Janeiro, Brazil.

Sa kabila ng kanyang maamong karakter, naging matatag sa prinsipyong palaban para sa kultura at karapatan ng mga lumad si Datu Tomas. Una siyang naging lider ng Sinabaden Ka Bagobo Mekatunod (SBM) o Organisasyon ng Awakened Bagobos, at rehiyonal na Alyansa ng mga Lumad sa Habagatang Mindanao (Aluhamin).  Napili din siyang lider ng Pasaka Confederation Of Lumads sa Southern Mindanao.

Nag-iwan si Datu Tomas ng isang pahayag para sa kabataang lumad para alagaan ang kalikasan, at itaguyod ang karapatan ng mga katutubo. “Ating alagaan nang walang atrasan ang Lupang Ninuno, hanggang sa huling patak ng ating dugo.”

Noong Pebrero 15, nagbigay ng parangal ang Katribu Party-list at Kalumaran (Alyansa ng mga Lumad sa Mindanao) sa burol ni Datu Tomas sa Kapatagan, Davao del Sur. Kasama nila ang mga tagasuportang grupo mula sa simbahan at akademya na nakasama ni Datu Tomas sa mga kampanya para sa karapatan ng mga Lumad.

Sa kanyang pagpanaw, naging inspirasyon si Datu Tomas para sa mga katutubo upang ipatuloy ang laban para sa kanilang mga karapatan.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6343

Posted by on Feb 27 2010. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes