Pambihirang pagkakataon
Halatang-halata ang hangarin ng administrasyong Macapagal-Arroyo para baguhin ang Konstitusyon, at napakarami nitong mapanlikhang paraan na pawang hindi naipatupad dahil sa malawakang protesta. Nariyan ang mga planong people’s initiative, constituent assembly at constitutional convention. Maraming dahilan para sa tinatawag na cha-cha o charter change, at isa sa mga ito ay ang pagbabago sa gobyerno tungo sa isang parlamento na kung saan ang House Speaker ay magiging Punong Ministro.
Kung nasa kasalukuyang administrasyon ang numero sa HOR, madali para kay Macapagal-Arroyo na maging House Speaker. Komplikado man ang proseso ng cha-cha at pagpapalit ng pamahalaan, sadyang walang imposible sa administrasyong ito!
Kailangang siguraduhin ang pagkapanalo ni Macapagal-Arroyo, lalo na’t lumalabas na maliit ang tsansa ni Teodoro na manalo bilang Pangulo, batay sa mga pinakahuling survey na ipinapakitang ika-apat lang siya. Sa ngayon, dalawang kandidato lang sa pagka-Pangulo ang seryosong naglalaban para sa boto ng mamamayan – sina Sen. Noynoy Aquino at Sen. Manny Villar na pawang nasa oposisyon. Ang nasa ikatlong puwesto, si dating Pangulong Joseph Estrada, ay kilala ring kontra sa kasalukuyang pamahalaan dahil marami sa mga opisyal nito ang responsable sa pagpapatalsik sa kanya noong 2001.
Sa kontekstong ito, hindi na nakakagulat ang iba pang mga desisyon ng COMELEC na umaayon sa interes ng Malakanyang. Natalo sa recount noong Pebrero 10, halimbawa, si Joselito Mendoza bilang gobernador ng Bulacan. Noon namang Disyembre 2009, gayundin ang nangyari kay Grace Padaca na noo’y gobernador ng Isabela. Sina Mendoza at Padaca ay parehong miyembro ng Liberal Party.
Paminsan-minsa’y nagiging mapaglaro ang imahinasyon, pero ito ay dahil sa napakaraming pambihirang pangyayari. Kung noo’y mahirap isiping ang isang Pangulo ay tatakbo para sa mas mababang posisyon sa pagtatapos ng kanyang termino, ngayon ay nangyayari na ito.
Hindi mababaw na spekulasyon ang pagdudahan ang bawat hakbang ng mga nasa kapangyarihan. Para sa administrasyong ayaw isiwalat ang katotohanan, hindi na nakakagulat ang kolektibong pagkawala ng tiwala.
Kabaligtaran ang katotohanan, katotohanan ang kahungkagan. Ang mga pangyayari’y sumusunod sa kumpas ng iilang makapangyarihan na dapat lang tutulan ng nakararaming mamamayan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6180














[...] Pambihirang pagkakataon If you like this post, please subscribe to the RSS feed.N.B. – This will be published in the February 12-18, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/02/pambihirang-pagkakataon/. [...]