Istorya ng Linggo

Walang patumanggang tortyur


Nagpapatuloy ang kuwento ng tortyur sa Morong 43. Giit ng kanilang mga kaanak at tagasuporta, at ng Commission on Human Rights, kagyat na ilipat ng kustodiya ang mga doktor at health worker at isalba mula sa kamay ng mga nagpapahirap sa kanila.

Adoracion Paulino, ina ng detenidong si Valentino Paulino sa Commission Human Rights: Tinortyur ang aking anak kaya siya umaming rebelde. (Ilang-Ilang Quijano)
Adoracion Paulino, ina ng detenidong si Valentino Paulino sa Commission Human Rights: Tinortyur ang aking anak kaya siya umaming rebelde. (Ilang-Ilang Quijano)

Buong tapang na isinumbong ni Adoracion Paulino sa Commission on Human Rights (CHR) ang ipinagtapat ng kanyang anak na si Valentino Paulino nang bisitahin niya kamakailan sa Camp Capinpin. “Inay, natatakot ako para sa inyo. Binubugbog nila ako, tinatakot, kaya ako nagsinungaling. Kung hindi raw ako susunod, alam ko na raw ang mangyayari sa ating pamilya,” umano’y sinabi sa kanya ni Valentino.

Isa si Valentino sa mga doktor at community health worker na inaresto noong Pebrero 6 at patuloy na nakadetine sa himpilan ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army sa Tanay, Rizal.. Noong Pebrero 11, habang binibista ni Leila De Lima ng CHR at mga abogado sa unang pagkakataon ang mga detenidong tinaguriang “Morong 43,” ipinuslit ng militar si Valentino. Iniharap siya sa midya para aminin na isa siyang miyembro ng NPA (New People’s Army). Pero, lumalabas na iisa lamang ang dahilan kung bakit siya umaming rebelde: tortyur.

Sa sinumpaang salaysay ni Valentino noong Pebrero 21, na nakuha ng Pinoy Weekly mula sa kanyang mga abogado, ikinuwento niya kung paano siya tinortyur at binantaan (“sinabi nila na mabait daw silang kaibigan pero pumapatay din daw sila”) hanggang sa humantong sa kanyang pagsang-ayon sa “kagustuhan” ng mga sundalo. “Wala pong katotohanan yung sinabi ko sa presscon na ang mga kasamahan ko ay NPA at ako ay sumurender, ako po ay na-pressure lang sa kanila,” sabi ni Valentino.

Noong umaga ng Pebrero 25, nagpunta sa CHR ang ina ni Valentino, kasama ng iba pang kaanak at mga abogado ng Morong 43, para pormal na ireklamo ang depektibong warrant of arrest, ilegal na pang-aresto, pagtatanim ng ebidensya, at mga paglabag sa karapatang pantao at tortyur sa mga detenido.

Ikatlong linggo na iyon ng pagpabalik-balik ng mga kaanak sa Camp Capinpin. Malayo ang biyahe, halos dalawang oras mula sa Quezon City, kung saan pansamantalang naninirahan ang marami sa mga kaanak habang dinidinig ng Court of Appeals (CA) ang writ of habeas corpus na kanilang isinampa. Gayunpaman, halos araw-araw silang bumibista, dahil ayon kay Evelyn Montes, asawa ni Dr. Alexis Montes, “Isang araw lang na walang bumibisita, iba na ‘yung naiisip nila.”

Napa-praning o natatakot ang marahil ibig niyang sabihin. Siya man, nakaramdam ng takot nang patotohanan ng kanyang asawa sa CA noong Pebrero 15 ang tortyur sa kanyang dinanas sa kamay ng militar, kabilang ang pangunguryente. “Inisip ko, ano kayang gagawin sa kanya pagkatapos nito?” sabi ni Evelyn.

Seksuwal na tortyur

Pinangunahan ng Gabriela ang bisita sa Camp Capinpin noong Pebrero 24, kasama ang kababaihang doktor, abogado, at mambabatas. Nasa litrato sina Sen. Jamby Madrigal at Rep. Liza Maza, at ang mga kaanak ng Morong 43. (Ilang-Ilang Quijano)
Pinangunahan ng Gabriela ang bisita sa Camp Capinpin noong Pebrero 24, kasama ang kababaihang doktor, abogado, at mambabatas. Nasa litrato sina Sen. Jamby Madrigal at Rep. Liza Maza, at ang mga kaanak ng Morong 43. (Ilang-Ilang Quijano)

Noong Pebrero 24, tumungo sa Camp Capinpin ang kababaihang mga abogado, doktor, at mambabatas (sina Senador Jamby Madrigal at Loren Legarda) na inimbitahan ng grupong pangkababaihan na Gabriela. Nakasama ang Pinoy Weekly sa nasabing bisita. Ngunit hindi pinapasok sa detention center ang mga psychologist at doktor na kasama ng Gabriela, kahit pa ipinaalam na ito ng grupo sa pamamagitan ni Sen. Madrigal. Maging ang dalawang abogado—sina Atty. Alnie Foja at Atty. Evalyn Ursua—muntik nang hindi papasukin ng warden, dahil lamang konektado ang mga abogado sa Gabriela. Itinuro pa niya ang isang doktor mula sa Philippine General Hospital na kasama ni Dr. Julie Caguiat ng Community Medicine Development Foundation (Commed), itinuro, at sinabing, “Kilala kita, taga-Karapatan ka,” na para bang sapat na iyong dahilan para tanggihan ang serbisyong medikal sa mga detenido.

Habang naghihintay sa labas ng detention center, nagsimulang magkwento si Joyce Labrador, anak ng detenidong si Sylvia Labrador. Nang bisitahin niya ang kanyang ina noong Pebrero 18, kakagising lamang ito. Napuyat nang dahil sa interogasyon. “Nilalabas daw siya kapag gabi nang nakapiring, tapos umaga na ibinabalik sa kanyang selda,” aniya.

Pinipilit si Sylvia na umaming NPA, gamit ang dalawang taktika. Una, ang pagbabanta sa kanyang pamilya. “Alam daw nila kung saan kami nakatira,” sabi ni Joyce. Pangalawa, ang pagpangako ng magandang buhay kapalit ng diumano’y pagbabalik-loob sa gobyerno. “Sabi ng nanay ko sa akin, hindi pa naman ako nasisiraan ng ulo. Hindi ako aamin dahil wala naman akong dapat aminin.” Pebrero 20 na umano nang itigil ng militar ang gabi-gabing pag-iinteroga.

Bumibisitang mga kaanak ng Morong 43 sa Camp Capinpin. (Ilang-Ilang Quijano)
Bumibisitang mga kaanak ng Morong 43 sa Camp Capinpin. (Ilang-Ilang Quijano)

Bukod sa pag-iinteroga, napag-alaman ni Atty. Foja ang isa pang porma ng sikolohikal na tortyur na tinatawag ng grupong “sexualized torture” o seksuwal na tortur. Batay sa kuwento ng mga detenido, may isa hanggang tatlong di-unipormadong mga kalalakihan na pumapasok sa kanilang mga selda at tahimik na nagmamasid tuwing gabi. “Nagbibiro na lang nila, ‘O, heto na naman yung mga maninilip.’ Pero ang totoo, grabeng takot ang dulot nito. Minsan pa, dahan-dahang bubuksan ang mga pintuan ng kanilang selda, pero walang papasok,” aniya.

Salungat ito sa sinasabi ni Maj. Gen. Jorge Segovia, kumander ng 2nd ID, na mga babaing sundalo lamang ang nangangalaga sa mga babaeng detenido (26 sa kabuuan), nang ipinagtatanggol niya ang mga sundalo mula sa alegasyon ng pangmomolestiya ni Jane Balleta, anak ng yumaong lider-obrero at kongresistang si Crispin Beltran. Inireklamo kasi ng mga detenidong babae na sa unang 36 oras ng kanilang pagkakadetine, sinasamahan sila ng mga sundalo (hindi nila mawari kung lalaki o babae, dahil sila’y nakapiring) sa banyo at ang mga ito ang naghuhugas sa kanilang mga ari.