Eleksiyon 2010: Umaasa pa rin sa ekonomiyang nakaasa sa dayuhan
Maka-globalisasyon
Si Gilbert Teodoro ang pinakalantarang maka-globalisasyon na kandidato. Sagot niya sa politicalarena.com, “Pabor ako sa pagbubukas ng saradong mga sektor ng ekonomiya sa mas malawak na merkado. Dapat hayaan natin ang mga dayuhan na makilahok sa pagpapaunlad ng ekonomiya.”
Hindi ito nakapagtataka dahil itinutulak ni Teodoro ang pagtanggal ng mga nasyunalistang probisyon sa 1987 Konstitusyon. Maaari raw ariin ng mga dayuhan ang mga lupain para sa pagtatayo ng mga pagawaan, pasilidad sa turismo, at bahay-residensyal. Itinutulak din niya ang joint venture sa mga dayuhang korporasyon sa mga lupaing agrikultural.
Hindi rin pabor si Teodoro sa nasyunalisasyon ng batayang mga industriya gaya ng langis at enerhiya. “Ang nationalization ay pareho lang sa privatization. May dagdag na social safety net lang ang nationalization na pwede ko kayo dagdagan ng buwis para hindi malugi ang [gobyerno]. Sa makatuwid, whether private or public, lugi tayong lahat, walang pagkakaiba,” aniya sa isang porum sa Ateneo de Manila University, sa pangangatwiran sa polisiyang itinulak ng mga administrasyong nagdaan at ni Pangulong Arroyo.
Sa termino ni dating pangulong Joseph Estrada, ipinagpatuloy ang Medium Term Philippine Development Program na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan. Ikinampanya rin niya ang pagtanggal sa nasyunalistang mga probisyon sa 1987 Konstitusyon. Wala siyang ipinapangakong taliwas dito sa kasalukuyang plataporma.
Si Sen. Richard Gordon, nanguna sa pang-aakit ng dayuhang pamumuhunan sa special economic zone sa Subic noong alkalde pa siya ng Olongapo City. Pabor din siya sa pagtanggal ng nasyunalistang probisyon ng 1987 Konstitusyon. Nangako si Gordon, sa kanyang plataporma, na magpapasok ng $20-Bilyong halaga ng dayuhang pamumuhunan sa loob ng tatlong taon.
Mga kontra-agos?

Sen. Manny Villar, sa kampanya sa Davao City. (Karlos Manlupig)
Samantala, si Sen. Manny Villar, sa kanyang pinagkaisahang plataporma sa Koalisyong Makabayan, nangakong palalakasin ang lokal na pagmamanupaktura, kasabay ng lokal na agrikultura, bilang susi sa pag-unlad ng ekonomiya at pagtanggal ng pagiging pala-asa ng bansa sa inangkat na mga produkto. Insentibo sa mga lokal na negosyante at Small and Medium Enterprises (SMEs) daw ang kailangan para maprotektahan sila laban sa “di-patas na dayuhang kompetisyon.”
Hindi rin aniya solusyon sa krisis pang-ekonomiya ang dayuhang pagmamay-ari ng lupa. Pabor lamang siya sa pagpapaupa ng lupain (lease) sa mga dayuhang korporasyon.
Sa pagsilip sa kanyang rekord, lumalabas naman na bumoto si Villar pabor sa Jpepa. Ipinarerepaso niya, gayunpaman, ang Oil Deregulation Law dahil sa pagkilala na nanatiling oligarkiya ng mga dayuhang korporasyong transnasyunal ang industriya ng langis.
Nangangako namang kumontra sa agos ng globalisasyon ang mga kandidatong sina Sen. Jamby Madrigal, JC delos Reyes, Eddie Villanueva, at Nicanor Perlas.
Si Villanueva, iparerepaso ang Jpepa, Asean Free Trade Agreement, EPIRA, Oil Deregulation Law, at General Agreement of Tariffs and Trade ng World Trade Organization (WTO). May programa rin siyang naka-pokus sa pagpapaunlad ng SMEs, at naniniwalang dapat protektahan ang lokal na agrikultura mula sa “di-patas na kalakalang pandaigdig.”
Pabor si Madrigal sa “maka-Pilipinong industriyalisasyon,” at dapat umanong paunlarin ang lokal na pagmamanupaktura. Sa kanyang rekord, hindi lamang bumoto ang senador laban sa Jpepa—aktibo siyang nangampanya laban dito. Ipinarerepaso rin niya ang Oil Deregulation Law, at nais marekober ng gobyerno ang Petron at Malampaya, na kasalukuyang kinokontrol ng mga dayuhang kompanyang transnasyunal. Nangangako rin si Madrigal na babaligtarin ang mga polisiyang liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon ng IMF, WTO, at Asian Development Bank.
Tutol din sa dayuhang pagmamay-ari ng lupain sina Perlas at delos Reyes. Kritikal din si delos Reyes sa globalisasyon dahil sa dulot nitong pagkawala ng lokal na mga trabaho at oportunidad. Itataguyod umano niya ang “industriyalisasyon,” ngunit nakapokus lamang sa telekomunikasyon at information technology.
Hindi naman masama ang dayuhang partisipasyon sa kaunlaran, pero sa kahuli-hulihan, dapat makinabang ang mga Pilipino. Para dito, kailangan ng isang lider-gobyerno na may kapasyahang magpatupad ng mga polisiyang magpoprotekta’t magpapalakas sa pambansang ekonomiya, at hindi magbubuyanyang nito sa dayuhang pagsasamantala.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6863













