Pinoy Weekly

Eleksiyong 2010: Karapatan ng kababaihan, adyenda ba ng presidentiables?

Para naman kay Sen. Manny Villar, hindi mahalaga ang isyu ng populasyon. Aniya, nandiyan na ang problemang iyan; ang mahalaga’y imaksimisa ang aabot sa 90 milyong populasyon ng bansa. Kung kaya hindi niya sinusuportahan ang Reproductive Health Bill. Gayunman, sa paglaban sa karahasan sa kababaihan, tumatak si Villar. Nakatuwang niya ang Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, sa kampanya laban sa karahasan sa kababaihan noong 2008. Marahil, pinakamalaking statement na ginawa ni Villar para sa mga usaping pangkababaihan ang pagsama sa kanyang senatorial slate ng tanyag na aktibista at lider-kababaihan na si Gabriela Rep. Liza Maza.

Sa kabilang banda, ikinampanya naman ng Gabriela ang pagbabasa puwest ni dating pangulong Joseph Estrada noong 2001. Tinaguriang “macho-pasista” dahil sa kanyang matikas at machong tindig habang naglunsad ng mga giyerang kontra-insurhensiya sa Mindanao at buong bansa noong 1998, naging paboritong target ng mga grupong pangkababaihan si Estrada hanggang mapababa siya sa puwesto. Sa kanyang panunungkulan din nalagdaan ang Visiting Forces Agreement noong 1998, na siyang nagbigay-katwiran sa lalong pamamalagi ng puwersang Kano sa bansa, at nagtulak sa muling paglala ng prostitusyon at seksuwal na mga abuso sa mga lugar na pinamamalagian ng mga sundalong Kano.

Sen. Joseph Estrada: Salot umano sa kababaihan, bago napatalsik noong 2001. (Angelica Carballo)

Sen. Joseph Estrada: Salot umano sa kababaihan, bago napatalsik noong 2001. (Angelica Carballo)

Ngayong halalan, sinasabi ni Estrada na pabor diumano siya sa pamimili ng pamamaraan para makontrol ang pagbubuntis ng kababaihan, bagamat naniniwala siyang krimen ang aborsiyon at hindi maaaring ipatupad.

Samantala, idineklara namang bahagi ng plataporma ni Sen. Noynoy Aquino ng Liberal Party ang “promosyon ng patas na oportunidad ng mga kasarian sa lahat ng lugar ng pampublikong polisiya at programa.” Dati rin namang tagasuporta ng Reproductive Health Bill si Aquino. Ngunit tila umatras sa kanyang suporta sa kalagitnaan ng kasalukuyang kampanya. Sinasabi niya ngayong tungkulin ng pamilya – laluna ng kababaihan – at hindi ng estado na alamin at gumawa ng paraan para makontrol ang kanyang pagbubuntis kung ayaw na niyang magbuntis.

Sa mga plataporma, pampublikong pahayag at rekord, lumalabas na walang malinaw at kongkretong plataporma ang lahat ng mga kandidato para itaguyod ang karapatan ng kababaihan. Gayunman, nakapaloob sa mga platapormang pang-ekonomiya nila ang plano para maiangat daw ang bayan sa kahirapan (kababaihan ang sinasabing pinaka-apektado sa paghihirap ng mga pamilya). Sa pang-ekonomikong karapatan ng kababaihan (sa disenteng sahod, pabahay, atbp.), lumalabas na iwas-pusoy din ang mga kandidato.

Wala ring kongkretong plano sila sa pag-ayuda sa kanilang mga karapatan, bagamat may ilang nagpahayag ng planong palakasin ang mga batas para sa pagpaparusa sa mga gumagamit ng dahas laban sa kababaihan.

Isa sa pinakamainit na usapin sa halalan ang RH Bill. Lumalabas na walang ni isang aktibong sumalungat sa posisyon ng simbahang Katoliko para itulak ang naturang panukalang batas na nakatuon sa kalusugan laluna ng kababaihan na siyang nagbubuntis, nag-aalaga sa mga anak at madalas na kinakailangan pang magtrabaho.

Hindi pa isinalang sa artikulong ito ang isyu ng karapatan ng ibang mga kasarian – ang tinaguriang Lesbians, Gays, Bisexuals and Transgenders (LGBT). Lalong kontrobersiyal ang usaping ito, at lalong makikita ang konserbatibong tindig at pagyuko sa dikta ng simbahang Katoliko ng mga kandidato sa pagkapresidente.

1 2 3

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6579

Posted by on Mar 13 2010. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes