Kapag karaniwan na ang pang-aabuso sa OFW

Itinuturol ng mga migrante ang kapabayaan ng gobyerno sa kanilang kapakanan hanggang sa pangulo mismo, si Pang. Arroyo. (Ilang-Ilang Quijano)
Pagtakas at pag-uwi
Nang ibalik si Heidi ng kanyang amo sa rekruter, sa kung sinu-sinong amo siya pinagtrabaho. Pagbalik naman sa akomodasyon tuwing gabi, samu’t saring istorya ng pang-aabuso ng kapwa Pilipino ang kanyang naririnig.
Tumawag siya sa embahada sa Riyadh para humingi ng saklolo. Pero nang walang tumugon, nagdesisyon siyang tumakas mula sa ahensiya. “Wala akong suot kahit tsinelas. Dala ko lang ang sarili ko,” aniya. Dalawang buwan din ang nakalipas bago siya nakauwi noong Pebrero 17.
Hinikayat ni Maritess si Heidi na habulin ang kanyang ilegal na rekruter at amo. Ito rin ang ginawa niya nang mapauwi noong 2006. Ipinanalo ni Maritess ang kanyang kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) noong 2007, pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya nakukuha ang di-nabayarang sahod.
Sama ng loob kapwa nina Maritess at Heidi, nangunguna pa ang gobyerno sa pakikipag-areglo. Kaya nang inalok si Heidi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na makipag-areglo sa halagang P5,000, pumalag siya. “Kulang pa iyong pambili ng kabaong ko (sakaling namatay ako),” aniya.
Palabas ng ahensiya, nakasalubong nina Maritess at Heidi ang nakakampo na mga caregiver mula sa Annasban Group of Companies sa Riyadh, na inabuso rin at sinisingil ang OWWA sa ipinangakong mga benepisyo. Sunod silang nagkita sa Mendiola.
‘Pineperahan lang kami’
Sa Mendiola, kinondena ng Migrante ang umano’y pagpapabaya ng gobyernong Arroyo sa mga OFW, sa kabila ng kinikita nitong halos P63 Milyon kada araw mula sa iba’t ibang singil sa mga nais mangibang-bansa.
“Ang halagang ito—at ang bilyun-bilyong pisong remitans na tagapagsalba ng naghihingalo nating ekonomiya—ang dahilan kung bakit sa nakaraang siyam na taon, naging mas abala si Arroyo sa paghahanap ng labor market sa ibang bansa, sa halip na pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW at lumikha ng trabaho dito,” sabi ni Martinez.
Pinababasura rin ng grupo ang OWWA Omnibus Policies na ipinatupad ni Arroyo. Sumisingil ang OWWA ng $25 (o mahigit P1,000) sa bawat lumuluwas na manggagawa, at tagapangalaga ng tinatayang P13 Bilyong pondo. Pero dahil umano sa nasabing mga polisiyang, lubhang nalimitahan ang direktang serbisyo para sa mga OFW, kahit man lang ang pagpapauwi sa mga inabuso.
“Parang pineperahan lang kami. Hindi pa kami kumikita, kumikita na sila. Tapos hindi ka naman bibigyan ng pansin o halaga,” sabi ni Heidi.
Kaya naman sabi ni Maritess, “’Di baleng umutang kami ng pamasahe, basta’t makarating lang (sa kilos-protesta na ito). Dapat mabigyan kami ng hustisya.”
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6735














namatay po ang hipag kong nars sa jizan, ksa nuong abril 22, 2010, ngunit magpasahanggang ngayon ay wala pang linaw ang pag-uwi ng kanyang labi. sino po ba ang maari naming lapitan sa konsulado ng jeddah upang makatulong sa amin na maiayos ang kanyang papel. sadyang napakatagal ng proseso ng ating embahada. naipadala na po sa jeddah ang spa na hinihingi sa pamilya ng namatay. salamat po sa inyong tulong.