Pinoy Weekly

Mga larawan: Disgusto at militansiya sa pintuan ng OWWA

caption

Itinirik ng 43 pinauwing Overseas Filipino Worker mula sa Riyadh ang isang kampo sa harap ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong Marso 3. Ito ang unang pagkakataon na naglamay ang isang grupo ng mga OFW sa harap ng ahensiya at nangakong hindi aalis dito hangga't hindi nakukuha ang mga benepisyong umano'y nararapat sa kanila.

caption

Simula Agosto noong nakaraang taon, ilang serye ng hunger strike ang isinagawa ng mga OFW, mga caregiver ng Annasban Group of Companies sa Saudi Arabia, para iprotesta ang mga paglabag sa kontrata, kabilang ang di sapat na sahod, ilang buwang pagkaantala ng sahod, mahgit 12 oras na pagtatrabaho, at kawalan ng mga benepisyo.

caption

Ngayong nakabalik na ng bansa, sinisingil ng mga OFW ang OWWA para sa ipinangako nitong financial assistance at gastos sa repatriation na nagkakahalagang P15,000 bawat isa. Umano'y nangako ang OWWA na sagutin ang kanilang pamasahe pabalik ng Pilipinas, subalit ikinaltas ito ng kompanya mula sa kanilang sahod. Hindi rin umano kagyat na inaksiyunan ng gobyerno ang kanilang hiling na mapauwi. Nakauwi ang huling batch noon lamang Pebrero, habang may limang pang manggagawa ng Annasban na natitira sa Riyadh.

caption

Humarap sa mga OFW si OWWA Dir. Albert Valenciano (kanan) at inalok ang mga OFW ng "livelihood starter kit" o mga kagamitang pang-negosyo. Agad nila itong tinanggihan. Paliwanag ni Joy Flancia (kaliwa), lider ng mga manggagawa, pera na umano'y nararapat sa kanila ang dapat ibigay ng OWWA.

caption

"Baba si Dimzon! Baba si Dimzon!" sigaw ng mga OFW, tinutukoy si OWWA administrator Carmelita Dimzon, na dapat umanong makipag-usap sa kanila. Sawa na umano sila sa ilang linggong pabalik-balik sa ahensiya nang walang seryosong tumutugon sa kanilang mga hiling.

caption

Maghapong naghintay ang mga OFW na harapin sila ni Dimzon. Anila, hindi nila matatanggap ang patuloy na pagpapabaya sa kanila ng gobyerno: "Hanggang dito ba naman sa ating sariling bansa?"

caption

Sanay na umano sila sa hirap. Habang naghu-hunger strike sa Riyadh, ikinulong ang ilan sa kanila sa bus at pinausukan ng mga among Arabo. Kinumpiska rin ang kanilang mga cellphone para hindi makahingi ng tulong mula sa labas. Hinaing ng mga OFW, sa halip na tulungan sila ng mga opisyal ng embahada sa Riyadh, nanguna pa ang mga ito sa pagtatanggol sa kompanya.

caption

Ipinapakita ni Marietta Bironggoy ang litrato ng kanyang bagong silang na apo, na hindi pa niya nasisilayan. Hindi makauwi si Marietta sa Samar dahil sa kabiguan ng OWWA na magbigay ng pamasahe pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.

caption

Nakisimpatiya sa nakakampong mga OFW ang dalawang inabuso ring dating manggagawa ng Annasban (kaliwa), na nag-aaplay at napadaan sa OWWA. Binabatikos ng Migrante International ang pagpayag ng gobyerno na muling makapagrekrut ang Annasban. Sinusupinde ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang kompanya noong 2005 pero tinanggal ang suspensiyon noong 2008, sa kabila ng dagsa pa rin ang reklamo ng mga OFW laban dito.

caption

Biktima ang mga OFW ng contract substitution, isang laganap na porma ng illegal recruitment. Nag-aplay sila bilang cleaner, pero pinagtrabaho bilang caregiver. Sa kalsada sa tapat ng OWWA nagpalipas ng gabi ang mga taga-Annasban sa unang araw ng kampo.

caption

Kinabukasan, Marso 4, isang human chain sa palibot ng OWWA ang isinagawa ng mga migrante, kasama ang grupong pangkababaihan na Gabriela. Iginigiit nila ang pagbasura sa OWWA Omnibus Policies, na naglilimita sa tulong at benepisyong ibinibigay ng ahensiya sa mga OFW. Nangongolekta ang OWWA ng $25 sa bawat OFW na lumalabas ng bansa.

caption

Sa tantiya ng Migrante International, kumikita ang OWWA ng P5-Milyon kada araw mula sa 4,500 Pilipinong nangingibang-bansa kada araw. Tinatawag nilang "inutil" ang ahensiya dahil sa pagsuspinde nito sa financial assistance, paglimita sa Repatriation Fund, at iba pang mga probisyon ng Omnibus Policies na umano'y ginagawa lamang gatasang-baka ang mga OFW.

caption

Hindi matatawaran ang pinagdaanan ng kababaihang mga manggagawa ng Annasban para lamang mabuhay sa ibang bansa. Noong nakaraang taon, isa sa kanilang mga kasamahan, si Elsie Pelayo, ang namatay sa sakit nang hindi nabibigyan ng tulong ng OWWA.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6466

Posted by on Mar 6 2010. Filed under Lathalain, Multimedia, Photo Essays. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

2 Comments for “Mga larawan: Disgusto at militansiya sa pintuan ng OWWA”

  1. migrante po

    This anasban group are seems gigantic enough that the small president cant even make any resolutions. OFW victims of this heartless recruitment agency cried many years ago, while our government governed by this small president, boast for jobs overseas, is a manifestation of human commercialization, not only labor exploitation!

  2. lalaine nava

    patunay lang… na kapag mag kaisa… may tagumpay na matatamo..
    patuloy pa din ang panawagan sa pag basura sa OWWA Omnibus Policy…

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes