Eleksiyong 2010: Sino ang may pinakaberdeng plataporma?
Ang mga pabor

Joseph Estrada at mga kandidato sa pagkasenador ng PMP, sa programang Harapan ng ABS-CBN-2 (Kontribusyon)
Samantala, naniniwala si Sen. Richard Gordon na walang masama sa malawakang pagmimina at paghalukay ng dayuhang mamumuhunan sa likas na yaman ng bansa basta’t pinangangalagaan nito ang pamumuhay ng mga katutubo at pinakikinabangan ito ng bansa.
Para sa kanya, hindi dapat masiraan ng loob ang gobyerno sa pagbuhay sa industriya ng pagmimina dahil sa nangyaring kalamidad sa pagmimina sa Marinduque noong 1996. Aniya pa, sinasakyan lamang ilang ng mga tao ang isyu ng Marcopper.
Bilang dating pangulo ng bansa, ipinangako ni Joseph Estrada ang pagtulak sa pagkakansela ng Mining Act of 1995. Iniutos rin niya ang imbestigasyon ng sa mga permit na inilabas ng National Commission on Indigenous Peoples sa mga kompanya ng pagmimina. Pero isang taon pa lamang sa kanyang panunungkulan, halos 200 mga mineral production sharing agreement ang naapruba na sumasaklaw sa lupaing ninuno at mga kritikal na lugar pang-ekolohiya.
Para kay Sen. Noynoy Aquino, itatransporma niya ang isang gobyernong panatiko sa pang-aabuso sa bansa para sa kaunting ganansiya kapalit ng pagkawasak ng kalikasan tungo sa isang gobyernong hihimok para sa sustenableng gamit ng likas-yaman para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon. Gayunman, wala namang malinaw na tindig si Aquino sa isyu ng malawakang pagmimina bagamat naniniwala siyang dapat pang pag-aralan ang epekto nito, gayundin ng eksplorasyon ng langis at iba pang mineral at talakayin ito lalo na sa mga komunidad.
Dapat agresibong itulak ang pagmimina dahil isa ito sa pinakamamalaking potensiyal ng bansa, ayon kay Gilbert Teodoro, ang pambato ng partido ng administrasyon. Tapat sa adbokasiya ni Pangulong Arroyo na siyang pangunahing nagtulak ng Mining Act of 1995, plano rin ni Teodoro na muling buhayin ang industriya ng pagmimina sa Gitnang Luzon gayundin sa Davao.

Noynoy Aquino at Mar Roxas, sa isang sortie sa Davao City (Kontribusyon)
Hindi man kontra sa malawakang pagmimina at pagkuha sa likas na yaman ng bansa si Sen. Manny Villar, naniniwala naman siyang dapat sundin ng mga dayuhang mamumuhunan ang istandard ng pagmimina sa mga mauunlad na bansa. Pabor si Villar sa pagtataguyod sa karapatan ng mga katutubo. Noong siya’y nasa Kamara pa, isinulong rin ni Villa rang pagpasa ng Clean Air Act.
Mahalagang matimbang ng mga botante ang pagpapahalaga ng mga kandidato sa kalikasan at likas na yaman ng bansa sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan. Isang malaking usapin ito para sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon ng mga Filipino. Kamakailan lamang binigyan ng Kalikasan People’s Network for the Environment ng “Kalabasa Ecology Award” si Pangulong Arroyo dahil umano sa mga krimen nito sa kalikasan kabilang na ang agresibong pagtutulak sa malawakang pagmimina, kakulangan ng reforestation program, pagkasira ng likas na yamang-dagat, pagpasa sa Japan-Philippines Economic Partnership Agreement, hanggang sa pagkakapatay ng mga aktibistang pangkalikasan at marami pang iba.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7077













