Saysay ng pagtatapos (Huli sa dalawang bahagi)
Sadyang abot hanggang langit ang aking kayabangan. Naibalik ako sa lupa nang pumasok ako sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), isang pampublikong paaralan, para magkolehiyo. Nalaman kong mali ang aking pag-iisip sa katangian ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Walang batayan para isiping hindi sibilisado ang mga nag-aaral sa pampublikong paaralan. Kung tutuusin, maraming mga produkto nitong mas matalino pa sa iba.
Dahil sa aking makasariling pananaw, akala ko noo’y mas maraming estudyanteng katulad kong nag-aaral sa mga pribadong paaralan. Hindi pala totoo ito dahil hindi hamak na mas maraming pampublikong paaralan kaysa pribado. At dahil sa kahirapang kinakaharap ng maraming mamamayan, maraming magulang na nagiging praktikal at pinag-aaral ang kanilang mga anak sa mga pampublikong paaralan. Unang una, mas mura ang matrikula sa mga ito.
Ang kahirapan ay isang malungkot na realidad sa kasalukuyan, kaya nga mahigit siyam sa bawat sampung estudyante ng elementarya ay nasa pampublikong paaralan; samantalang sa hayskul ay mayroong walo sa bawat sampung estudyante. (Tingnan ang Talahanayan 1)
| Talahanayan 1
Pagpapatala ng mga estudyante sa elementarya’t hayskul (Taong 2008-2009) |
||||
| Elementarya | Porsiyento ng mga nagpatala | Hayskul | Porsiyento ng mga nagpatala | |
| Pampublikong paaralan | 12,574,506 | 91.9% | 5,421,562 | 80.2% |
| Pribadong paaralan | 1,112,137 | 8.1% | 1,342,296 | 19.8% |
| Kabuuan | 13,686,643 | 100.0% | 6,763,858 | 100.0% |
| Pinaghalawan: National Statistical Coordination Board (NSCB) | ||||
Dati’y wala akong pakialam sa gastusin ng pamahalaan sa batayang edukasyon, dahil akala ko’y hindi ako apektado nito. Pero sa aking pananatili sa UP, nalaman kong papaliit nang papaliit ang badyet ng pamahalaan sa edukasyon, lalo na sa elementarya’t hayskul.
Ang realidad noon ay nagpapatuloy pa rin ngayon. Sa unang tingin, kapansin-pansin ang pagtaas sa taunang badyet para sa edukasyon. Pero kung iuugnay ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin, mapapansin ang pagbaba ng tunay na halaga ng alokasyon ng pamahalaan. Halimbawa, ang taunang badyet para sa elementarya’t hayskul ay P103.1 bilyon noong 2002 at tumaas ito sa P118.0 noong 2006. Kung ikokompyut ang tunay na halaga ng mga ito, malalamang ang alokasyon ay P93.8 bilyon noong 2002 at P85.6 bilyon noong 2006. (Tingnan ang Talahanayan 2)
| Talahanayan 2
Badyet ng pamahalaan para sa elementarya’t hayskul |
||||
| Taon | Taunang badyet a/ | Tunay na halaga ng piso b/ | Tunay na halaga ng taunang badyet | Tantos ng pagtaas o pagbaba |
| 2002 | 103,134,128 | 0.91 | 93,758,298 | — |
| 2003 | 106,708,873 | 0.88 | 93,768,781 | 0.0% |
| 2004 | 105,295,032 | 0.83 | 87,309,313 | (6.9%) |
| 2005 | 110,995,428 | 0.77 | 85,512,656 | (2.1%) |
| 2006 | 118,038,047 | 0.73 | 85,596,843 | 0.1% |
| Komputasyon ng awtor batay sa mga datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) at National Statistics Office (NSO)a/ Aktuwal na badyet mula 2002 hanggang 2005; planong badyet para sa 2006b/ Batay sa average Consumer Price Index (CPI, 2000=100) ng partikular na taon. | ||||
Marami pang empirikal na datos na magpapakita ng aktuwal na karanasan ng maraming tao. Sa pamamagitan ng mga estadistika, nalaman kong ang personal na pinagdaraanan ay maaaring kakaiba sa kalagayan ng karamihan.
Medyo natagalan man ang pagkamulat sa katotohanan, mainam na ring nalaman ko ang kamalian ng aking makasariling gawi. Sana’y isaisip ito ng mga magtatapos ngayong taon sa elementarya’t hayskul: Maraming nangyayari sa Pilipinas ngayon at kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa ng lahat para mangyari ang kinakailangang pagbabago.
Walang lugar para sa personal na interes dahil mas kinakailangang pagtuunan ng pansin ang kabutihan ng nakararami. Totoo mang maraming oportunidad na ibibigay sa mga taong nakapagtapos ng pormal na edukasyon (lalo na sa antas ng kolehiyo), hindi pa rin dapat kalimutan ng kabataan ang kahalagahan ng pagsisilbi sa bayan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6878













