Pinoy Weekly

11 karpinterong Pinoy sa Dubai, inonse

Mga karpintero na gumawa ng isang matayog na gusali sa Dubai, niloko ng kanilang recruitment agency at kompanyang Batimat Building Materials LLC. (Budo Baylosis)

Mga karpintero na gumawa ng isang matayog na gusali sa Dubai, niloko ng kanilang recruitment agency at kompanyang Batimat Building Materials LLC. (Budo Baylosis)

Dubai, UAE – Baluktot ang kamangha-manghang modernong disenyo ng tinatapos nilang tore; ngunit mas baluktot ang patakaran ng kumpanyang kanilang napasukan.

Idinemanda ng 11 karpinterong OFW sa Dubai Ministry of Labour ang Batimat Building Materials LLC, isa sa mga sub-contractor na gumagawa sa matayog na Infinity Tower sa Dubai Marina.

Dalawa’t kalahating buwan silang hindi sinahuran; namalimos sa mga kababayan at nanghingi ng mga itatapon sanang ulo ng isda para may makain; hindi ibinigay ang kanilang labour card; walang food allowance; hindi maayos ang pabahay at walang medical assistance.

Bukod sa mga problemang nabanggit, pinalitan pa ang kanilang kontrata. Ibinaba ang kanilang sahod mula 1,500 dirhams kada buwan, ginawa na lang itong 1,200 dirhams. Sinabihan na huwag nang pumasok kung hindi naman pipirma sa “bagong” kontrata.

Kaya napilitan nang magsampa ng kaso laban sa Batimat noong Abril 15 sina George L. Canas, 48; Eddie Simbario, 48; Moises Estibar, 25; Gilbert Tangco, 42; Romeo Parane, 41; Francisco Teñoso; Felix T. Buaya; Percival Cardel; Elmer Imperador, 35; Rolando Soriano, 39; Rodrigo Atiensa, 44.

Nagkaharap sa opisina ng Labour ang manedsment ng Batibat at mga manggagawa. Naibalik ang kontrata sa 1,500 dirhams subalit wala pa ring sahod at nagsimulang maghigpit ang kumpanya. Sapilitan silang pinapatapos ang mga trabaho; kapag hindi natapos, bawas ng isang araw sa suweldo. Kapag nagpaliwanag, bibigyan ng memo.

Humingi na sila ng tulong sa Human Rights Department ng Dubai na agad namang umaksiyon. Sinabi pa sa kanilang hindi makatao ang kalagayan ng kanilang tinitirahan na pinagkasya ang walong tao sa 4X6 metro kuwadradong kuwarto.

Natanggap naman nila kamakailan lang ang kanilang dalawang buwan sahod ngunit tinanggal na sila sa trabaho at pinapaghanap ng pambili ng tiket pauwi ng Pilipinas.

Sa kabila ng kanilang mga pinagdaanan, dismayado ang 11 manggagawa na wala man lang naitulong sa kanila ang Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA).

Sinabi pa ni George, tumatayong lider ng grupo, na mali-mali pa ang mga payong ibinigay sa kanila ng POLO-OWWA.

“Gaya halimbawa noong tumawag kami na may pumuntang taga-Batimat sa aming accommodation para magpasuweldo. Sabi sa amin ni Edres (administration officer ng POLO-OWWA) sana tinanggap daw namin ang pera dahil amin naman daw iyon. Pero hindi namin iyon tinanggap dahil una na niyang sinabi noong nagsampa kami ng kaso na dapat walang mangyayaring transaksiyon sa pagitan namin at ng manedsment kundi sa Labour office lang,” ani George.

Kung babalikan, hindi pa man nakakatuntong ng Dubai, nagsimula na ang kalbaryo ng 11 OFW. Siningil ang bawat isa sa kanila ng P37,000 ng Saveway International Manpower Agency (na may opisina sa Gedisco Bldg., Mabini St., Malate, Manila) bilang placement fee.

Umano’y hindi sila binigyan ng resibo, inilista lang sa logbook ang kanilang ibinayad at kinailangan pa nilang magreklamo sa Philippine Overseas Employment Administration bago sila paalisin ng ahensiya. Bago lumipad, pilit pa silang pinapirma sa isang dokumento na nag-aabsuwelto sa Saveway sa anumang maaaring mangyari sa kanila sa Dubai.

Sa kasalukuyan, inaantay na lang ng 11 manggagawa ang kanselasyon ng kanilang visa, maibigay ang natitira pa nilang sahod at maibalik ang kanilang passport.

Iginigiit din nilang mabigyan sila ng libreng tiket pauwi at masampahan ng kaso ang Saveway para mabawi ang ibinayad nilang placement fee dahil tiyak umano pagdating nila sa Pilipinas bagamat na-onse na sila Dubai, utang sa 5-6 naman ang kanilang kakaharapin.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7224

Posted by on May 5 2010. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

2 Comments for “11 karpinterong Pinoy sa Dubai, inonse”

  1. [...] wi?cej: Pinoy Weekly | 11 karpinterong Pinoy sa Dubai, inonse a-agad-namang, a-ang-walong, a-kanilang-hindi, department, dubai, human, human-rights, [...]

  2. leigh

    hindi makatao… Ang mga taong mapagsamantala sa nangangailangan ng trabaho tulad ng ahensiyang ganyan ay siguradong tatangap ng pang uusig at parusa hindi lamang mula sa taong bayan higit sa lahat ang Diyos…Sa mga OFW na nabiktima…Diyos ang magbibigay sa inyo ng ginhawa sa buhay at ang mga taong nanloloko babalik sa kanila ang hirap ng higit pa sa sampong doble ng hirap ng dinanas nyo…

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes