Istorya ng Linggo

Ano’ng maaasahan sa unang 100 araw ng administrasyong Aquino?


Tinanong ng Pinoy Weekly Online ang 13 personahe, mula sa progresibong mga lider hanggang sa mga mamamahayag at akademiko, at mga artista’t musikero, kung ano ang inaasahan nila sa unang 100 araw ng panunungkulan sa pagka-presidente ni Benigno “Noynoy” Aquino III.

Renato Reyes Jr. ng Bayan
Renato Reyes Jr. ng Bayan

Renato Reyes Jr.
Pangkalahatang kalihim, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)

Inaasahan ko, ang tingin ko dapat lang asahan, na sa loob ng unang 100 ni Aquino, sisimulan na ang proseso ng pagpapanagot kay Gloria Macapagal Arroyo. Dapat masimulan na ang imbestigasyong ipinangako ni Aquino. Mas mainam kung maisasampa ang mga kaso sa panahong ding ito. (Alalahanin na si GMA naupo noong Jan21, 2001. Si Erap ay naaresto April 2001).

Kasama rin dapat sa mga panagutin sa first 100 days ang mga human rights violators, tulad ni Gen. Jovito Palparan. Wala nang dahilan para hindi sila habulin ng pamahalaan.

Liban dito, parang wala na gaanong maasahan sa usapin ng repormang pang-ekonomiya.  Parang walang gaanon pagkakaiba ang programa sa eknomiya ng papasok ng administrasyon sa nakaraang rehimen. Masahol pa, may panukala na magdagdag pa ng buwis at gawing 15% ang value-added tax (VAT).

Deo Macalma
Deo Macalma

Deo Macalma
brodkaster, DZRH

Sana’y iparamdam niya agad ang malasakit sa mga mahihirap. Sana’y wala na ngang kurapsiyon para wala nang mahirap. Itaas ang sahod ng mga manggagawa!

Prop. Sarah Raymundo
Prop. Sarah Raymundo

Prop. Sarah Raymundo
Pangkalahatang kalihim, Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy – UP (Contend-UP)

Sa unang 100 days ni Noynoy: Maging kongkreto tayo!

1. Lutasin ang suliranin sa lupa ng sariling hacienda ng kanyang pamilya. Sana mapag-aralan din niya ng mabuti  ang stock distribution scheme. Ito ay napaka-epektibong iskema ng korapsyon lalo na para sa mga panginoong-may-lupa upang maiwasan ang tunay na repormang agraryo. Kailangan niya itong pag-aralan dahil hindi na lang siya simpleng tagapagmana ngayon. Siya ay pangulo na ng isang republika. Mayroon na siyang kakayahang itulak ang ekonomiya sa nararapat na pag-unlad nito.  May pananagutan na siya sa pambansang industriyalisasyon at sa pagpapaunlad ng mga lokal na negosyante at hindi lamang ng mga malalaking komprador tulad nila at ng kanyang mga amigo’t amiga. Simulan niya ang pagtutulak ng pag-unlad at pagbabago sa sarili niyang napakalawak na bakuran.

2. Putulin ang Visiting Forces Agreement (VFA). Ang sinomang lider na may respeto hindi lamang sa mamamayan at sa republika kundi sa sarili nito bilang pangulo ng mga mamamayan at republika ay magtataguyod ng pambansang soberanya. Isang malinaw na paglabag sa pambansang soberanya ang VFA. Hindi pagmamalabis ang masawata ito ni Noynoy sa una niyang 100 araw dahil ito ay isang agreement na may pagtanaw ng pantay na status sa mga kalahok. Malinaw na nilalabag ng VFA ang mismong batayang pagrespeto sa pantay-pantay na pagtingin sa mga bansa kapag pumapasok sa isang agreement.

Nakay Noynoy ang kapangyarihan, inisyatiba at political will, sana ay mapatunayan niyang mayroon talaga siya nito at hindi lang iyon tiwala ng milyong-milyonog bumoto sa kanya.

Dr. Bienvenido Lumbera
Dr. Bienvenido Lumbera

Bienvenido Lumbera
National Artist for Literature

1.Umaasa ako na ang edukasyon ay magiging pangunahin sa mga prayoridad ng administrasyon, tatanggap ng kaukulang pinakamalaking bahagi ng badyet upang ang paulit-ulit na “krisis” tungkol sa kaukulangan ng klasrum at bilding ay hindi na maulit.

2. Tiyakin na ang nonombrahang chairman ng  NCCA ay artista/pinuno na katanggap-tanggap sa komunidad ng mga artista.

Dr. Alexis Montes
Dr. Alexis Montes

Dr. Alexis Montes
Community health worker
Political detainee, isa sa tinaguriang “Morong 43”

Paglaya siyempre. Sana may speedy trial at fair trial. Tingin naming mahina ang ebidensiya sa mga kaso laban sa amin. Dapat ang bagong administrasyong Aquino ay tumalima sa usapin ng human rights at hindi lang puro islogan. Dapat magkaroon din ng professionalism sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

(May ulat sina Tarik Garcia, Darius Galang, Soliman A. Santos, KR Guda at Ilang-Ilang Quijano)